Chapter 4

41 2 0
                                    


Ridgegale High

Dahan-dahan akong bumangon ng ala-singko ng umaga para maligo at maghanda na sa pagpasok. Tamang-tama at bukas na ang ilaw sa kusina kaya dumiretso na ako doon para mag-init ng tubig pampaligo. Humalukipkip ako habang pinagmamasdan ang aming simpleng bahay. Literal na ilang hakbang lang ang agwat ng kusina sa sala at sa kwarto. Nasa likuran naman ng bahay ang liguan at kung saan kami naglalaba. Sa labas naman may maliit kaming pwesto kung nasaan 'yong tanim na kalamansi ni Mama at mga iilang halaman na dinidiligan niya tuwing umaga bago pumunta sa karinderya na hindi naman kalayuan sa bahay. Binalot ko ang sarili sa tuwalya dahil sobrang lamig talaga dito lalo na sa umaga. Tanaw ko pa sa labas ang hamog. Isa sa pinakapaborito kong bagay sa Baguio— ang klima nito.

Panay ang aking hikab nang binati ako ni Papa pagpasok niya sa bahay. "Oh, anak! Gising ka na pala!"

Napakamot ako sa ulo at binati siya pabalik. "Hi, 'Pa. Um, opo. Papasok na ako." sa likod niya'y nakasunod naman si Mama. Nagpalitan kami ng bati at dumiretso siya sa lamesa kung saan may nakatakip na pagkain.

"Hindi ba't alas-otso pa ang unang klase mo? Gano'ng oras ko kasi hinahatid si Sir Ralph sa Ridgegale."

"Um, natulog naman po ako ng maaga at marami pa akong gagawin sa school kaya inaagahan ko na lang ang pasok... at saka magkaiba po kami ng klase ni Ralph. Second year na siya."

"Ah kaya pala."

"Maaga lagi pumapasok ng school 'yang anak mo. Napaka-sipag talaga," proud naman na sabi ni Mama habang tuluyan ng tinakpan ang tupperware kung saan nakalagay 'yong pinapabaon niya sa akin. May kasama na rin itong bote ng tubig. "Kaya hinahandaan ko lagi ng umagahan 'yan eh! Tocilog naman ang niluto ko para sa'yo, anak. 'Wag kang magpapagutom, ah?"

Tinalikuran ko na sila nang sumipol ang takuri hudyat na kumulo na ang pinainit kong tubig. Aalisin ko na sana ito sa kalan nang nagsalita muli si Mama.

"Ay anak! May naisip pala kami ng Papa mo."

"Ano po 'yun?" nilingon ko sila, humalukipkip ako at humikab pang muli.

"Hindi ba't Student Assistant ka sa Faculty niyo? Sabihin mo sa kanila na meron tayong karinderya. Kaya pwede tayong mag-deliver ng ulam at kanin sa abot-kayang halaga."

"Tamang-tama. Alam mo ba 'Ma, no'ng nagtingin ako ng pagkain sa cafeteria ng eskwelahang 'yun sobrang mahal ng mga tinda nila?" sabi naman ni Papa.

Tamad ko silang tiningnan at ngumiwi ako ng bahagya sa ideya ni Mama. Alam ko naman na makakatulong ang naisip niya para mas makalikom ng pera pero nakakapangliit sa pakiramdam na utusan na nga ako sa school tapos naisipan pa nilang magtinda ako doon.

Kaso masyadong masaya ang kaniyang mukha hindi pa man naisasagawa 'yong naisip niya kaya hindi muna ako kumontra.

"Sige po. Titingnan ko."

"Salamat, anak! Sabihan mo lang ako ah? Siya sige na, maligo ka na at lalamig na 'yong pinakulo mo." sabi ni Mama.

Makalipas ang isang oras, lumabas na ako ng kwarto pagkatapos kong mag-ayos. Sinalubong ako ni Papa sa may sala na dala-dala ang aking bag na hinahanap ko kanina sa kwarto. Akmang kukunin ko na ito sa kaniya nang ikubli niya ito sa kaniyang balikat.

"Anak ko naman ang ihahatid ko sa school ngayong umaga." nakangiti niyang sabi sa akin.

"Pero hindi po ba may pasok pa kayo?" alangan kong sabi sa kaniya.

Before It's OverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon