Munting Alay Ko

14 0 0
                                    


Sa unang beses kong ibinuka ang aking mga mata
Nakita ko ay luntiang mga halaman at ito'y nagsasayaw pa
Hindi ko rin malilimutan ang malamyos na hampas ng hangin sa aking kaliwa
At ang di mapigilang huni ng ibon; ang sa akin ay nagsilbing musika

Huminga ako ng malalim na tila ba kinakapa ng aking pakiramdam ang bawat dadaanan
Di ko maipagkakailang minsan ay medyo mabilis ang takbo ng aking mga paa
Madalas magkamali at ang pagiging magaslaw ay halata pa
Ngunit tumindig parin ako sa harapan; Kabataan nga pala- sa madla'y nagpakilala

Pero katulad sa isang pantasyang madalas kong nababasa sa mga aklat
Darating ang oras na sa isang pagsubok ay kailangan kong humarap
Nakalimutan kong mas masalimuot nga pala sa mundo na nababalot ng reyalidad-
Nanginginig man ang aking mga kamay, sinumulan kong buklatin ang unang pahina

Sa unang tingin, napangiwi na agad ang aking bibig
Ang mga mata ko ay bigla nalang sumingkit
Nakaramdam ako ng takot mula sa aking mga paa at tagos sa aking bisig
Umiling, sabay sambit; 'Pasensya ngunit hindi ko kaya ang ganitong lakbayin'

Tumalikod ako, sapagkat nabingi na ata ang tenga ko sa sigaw ng mga tao
Sa samut saring ingay sa paligid ko, halo halo; hindi ko alam saan ibabaling ang mga mata ko
Teka bakit parang iba ito sa unang nasulyapan ko, nalilito-
Nasaan na ang kasiyahang sa pagkabata ay naranasan ko?

"Ano ba ang naging ambag mo?" -sa isang iglap ay natulala ako;
"May maipagmamalaki ka na ba? Yung totoo?"- tila hindi naging sapat ang hangin para ang paghinga ko ay umayos
"Kabataan Kabataan!, Laos na ang salitang kayo ang pag-asa ng bayan!"
Mga salitang daig pa ang tabak, nasugatan ako at nalaglag sa lupa ang mga tuhod ko

Sabi nila sa panahong hindi mo na kaya ay magpahinga ka
At para sa akin ang pagpapahinga ay iisa sa salitang matulog ka
Kaya ginawa kong pumikit at takpan ng unan ang aking mga mata
Nagbabakasaling makatakas ako, tutal; isa lang naman akong hamak na kabataan hindi ba?

Isang malakas na sampal, ngunit ito na ata ang pinakamalaking pagkakamali ko
Ang hamakin ang estado ko sa lipunan na minsang pinaniwalaan ng bayani ng bayang ito-
Tinanggal ko ang harang sa harapan ko; at hindi naging madali oo
Pero sa pagkakataong ito,sa gitna ng pagsubok ay nakahanap ako ng lakas ng loob

Kabataan ako, ngunit katulad ninyo ay tumitibok rin ang puso ko
Hindi isang palamuti lamang sa gilid na maaring iwaglit at sa pagsapit ng pagsubok ay maaring nang itago
Kabataan ako, at alam kong hindi ganoon kalaki ang mga naging ambag ko
Ngunit pakinggan ninyo, ito ang munting alay ko

Mananatiling bukas ang isipan ko; at sa pagkakataong ito lalawakan ko ang sakop ng paningin ko
Maliit man ang mga braso at kamay na meron ako, pero patuloy kong itataas ang mga ito-
Hindi ko man maabot ang perlas ng sinilangan sa sariling mga kakayahan ko
Pero sinusugurado kong sa pag angat ng kamay ko; ay may hawak akong panibagong kamao

Aaminin kong hindi ko kaya ang mag-isa
Tatangapin ko sa sarili ko na ako ay napupuno ng kahinaan;
At itatanim sa aking isipan:
'Na walang digmaang nagtagumpay dahil lang sa iisa;
Bagkus ito ay bunga ng matagumpay na pag-kakaisa

Imumulat ko ang aking mga mata at hahayaan kong makarinig ang aking mga tenga
Gagamitin ko ang mga salita ng tula ko para manghikayat ng iba pa, na lumaban at huwag matakot sa isang digmaan-
Kapit bisig at sama-sama, magiging isang kabataan na napupuno ng pag-asa; isang lakas na nanggagaling sa Kanya
Padayon para sa lahat, ito ang munting alay ng isang kabataan sa likod ng aking ngalan

Iska

--------------------------------------------------

[GAWAD PLPH SEASON 3
MY ENTRY FOR THE FINALS ❣️]

Mga Sulat na Hindi NaipadalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon