Umalis Ka

16 0 0
                                    

May nalaman ako.
Tungkol sa sarili ko.

Madalas kong sabihin sa bawat taong nagiging parte ng buhay ko yung paalalang, 'magpa-alam ka kapag aalis ka'.

Gusto ko non, sapagkat pakiramdam ko mahalaga ako para pagsabihan ng mga bagay bagay na nais mong gawin, matupad, at matapos.

Gusto ko non, kasi hindi kita hahanapin; sapagkat nag paalam ka.

Hindi ako maghihintay na dumating ka, sa konting oras-
Hahayaan kita, na lumibot, gumala, magmasid kasi nag paalam ka.

Gusto ko non, kasi alam ko kung nasaan ka.
Kung saan ka napadpad,
Kung saan ka namalagi,
Saan ka umupo,
Tumanaw,
Tumingala;
Kung saan mo inabot yung buwan at mga bituin gamit yung kamay mo, yung pagtaas nito sa kalangitan,
Kahit madilim, kahit alam mong malabong umabot.

Alam ko, kasi nag paalam ka-

Pero sa isang iglap parang bumaliktad yung nais ko. Hindi pa kumpirmado pero nadarama ko. Hindi pa sigurado pero parang mas ayos to.

Ngayon?
Mas gusto ko nang kapag may umalis sa tabi ko ay wala ng paalam.

Walang pasabi. Walang huling sulyap, huling yakap at halik.

Walang mahabang talata, na mag papa-alala lang sakin kung paano kita unang nakilala at magpapaiyak naman sakin dulot ng sakit kasi sa 'paalam at patawad' lang din naman pala nauwi ang lahat .

Parang mas maganda na walang paalam na magaganap .

Hindi ko alam pero, parang mas masarap nalang ata yung tahimik na paglakad ng iyong mga paa;
Yung dahan dahang paglayo ng mga ito, yung paghina ng tunog ng mga yabag na parang pinlano mo na ang lahat.

Parang mas ayos na yung bigla ka ng mawawala, ng walang pasabi at paalam.

Alam mo ba kung bakit?

Kasi higit sa lahat alam ko na babalik ako ng paulit ulit sayo.

Kung paanong humampas yung bawat alon sa tabi ng dagat, babalik ako.

Kung paanong paulit ulit na bumabagsak yung ulan na para bang walang 'tong ibang silbi sa mundo kundi ang mag akyat panaog, babalik ako.

Kung paanong patuloy na matiyagang naghihintay yung buwan sa pagsapit ng dilim, hindi alintana yung itsura o yung kalagayan; buo, kalahati, konti o kahit minsan hindi mo maaninag, babalik ako.

At yun ang kinakatakot ko-

Sapagkat kapag nag paalam ka, alam ko kung nasan ka, malaki ang tyansa-- mali, dahil buo pala, buong puso yung tyansa na muli kitang hahanapin.

Tatakbuhin ko kahit milya

Hahanapin kita,
Sa bawat sulok na alam kong baka naroon ka,
Hindi ko alintana yung sakit ng walang humpay kong pag babakasali na muli kang babalik sa akin.

Hahawak ako,
Patuloy akong aasa na muli mong ibabaling sa akin yung mga mata mong naging salamin ng buong pagkatao ko,
Patuloy akong aasa na muli mong ipipihit yung mga paa mo,
At tatakbo ka sa aking muli sabay sambit ng 'di ko pala kayang mawala ka'.

Alam ko, oo, sapagkat eto ako.

Paulit ulit ka mang mag paalam sakin, sa mahaba o sa maikling panahon, sa saglit o sa matagal na sandali; laging magiging bukas yung mga kamay ko at braso para tanggapin ka ng paulit ulit.

Wala namang pinag kaiba yung sakit, kasi kahit gaano katindi, parehas parin namang tutulo ang mga luha ko.

Pero ang pinagkaiba ng isang paglisan ng may paalam, at yung paglisan na wala ay malaki,
Ibang iba yung tama, yung banat, yung hampas , sampal at yung pagkamulat.

Sapagkat oo marahil ay nandoon yung mga 'bakit', tanong, at agam-agam; pero may mga bagay na hindi nalang dapat binibigyan ng kasagutan na maaring magpabalik sayo dun sa sakit na minsang naging dahilan ng pagkawala mo.

Andun yung tanong, na saan ka nagpunta, pero mas mabuti na atang hindi ko alam kung saan ka napadpad, para matigil na rin ang aking kahibangan na maari pa kitang mahanap.

Mananatili kang parte ng kung sino ako ngayon,
Pero pakiusap,
Kung ikaw ay lilisan sa tabi ko, at wala kang balak bumalik sa sandaling agwat ng panahon,
Mas mabuti atang hawakan mo ng marahan yung pihitan ng pintuan kung saan ka unang pumasok,
Sabay lumisan ka ng tahimik at ng walang paalam.

Nang sa gayon, hindi ko na aasahan na muli pa kitang masusulyapan.

Wag mo kong aalalahanin,
Wag mo akong hahawakan,
Wag mo akong titignan katulad ng dati mong ginagawa,
Wag mong pupunasan yung mga luha ko, hayaan mo silang tumulo-
Hayaan mo akong malunod sa lungkot,
Wag mo akong hahagkan mula sa likuran,
Wag mong paglalaruan ang aking buhok at susubukan na ako ay patulugin at patahimikin,
Wag mo akong pipigilan sa oras na patayin ko ang sarili kong esensya at kaluluwa,
Wag mong babanggitin ang aking pangalan, o sa kung paanong paraan mo ako noon na tawagin,
Wag kang magsasalita, ng kahit isang sambit ng mga matatamis mong saraha at wag kang magpapa-alam.

Umalis ka.

At hayaan nating magpasya ang buong kalawakan kung kailan nito muling nais na pagtagpuin muli ang ating mga landas.

Pakiusap, Umalis ka ng walang paalam.

Iska

Mga Sulat na Hindi NaipadalaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon