Hindi dalawin ng antok si Bryan nang gabing iyon. Muling sumagi sa isip niya ang mga gasgas at pasa ng dalaga. "Mukhang araw- araw siyang nagagasgasan sa motor."
Inabot niya ang cellphone na nakapatong malapit sa gilid ng kama at sinubukan niyang tawagan ang dalaga.
"Hello," nangangatal ang boses na bungad ng dalaga sa kabilang linya.
Napaayos siya ng upo.
"Hello, Yani? Bakit nanginginig ang boses mo?" nag-aalalang tanong niya.
"Napagsaraduhan po kasi ako ng gate ng boarding house. Medyo malakas po kasi ang ulan kaya nilalamig ako. May iuutos po ba kayo, Sir?"
"Bakit nasaan ka ba ngayon?"
"Nandito po sa waiting shed malapit sa boarding house ko."
"Diyan ka lang magdamag?" kunot ang noong tanong niya.
"Opo, Sir."
"I-text mo sa akin 'yung address. Hintayin mo ko jan."
May sasabihin pa sana si Yani pero agad na niyang pinutol ang tawag. Patakbong lumabas siya ng kwarto sabay hablot sa susi ng kotse sa sabitan.
Habang papalapit siya sa lugar, nasalubong niya ang malakas na ulan. Kasunod ang matatalim na kidlat at malalakas na kulog. Kaya ganoon na lang ang pag-aalala niya para sa dalaga.
Nang marating niya ang lugar, agad niyang natanaw ang waiting shed na tinutukoy ng dalaga. Hinubad niya ang suot na Jacket at agad na ibinalot sa dalaga na noo'y halos basang-basa na rin sa ulan.
"Bakit hindi ka makapasok, eh mukha namang may gising pa sa itaas?" aniya nang makasakay sila sa loob ng kotse. Tanaw kasi mula sa waiting shed ang mga nakabukas na ilaw sa boarding house.
"Hanggang 10:00 pm lang po kasi ang curfew. Mahigpit po kasi sila sa patakaran," nanginginig pa rin ang boses na sagot niya.
"Alam mo naman pala na may curfew. Bakit nagpa-late ka pa nang uwi?"
"Madami po kasing order kanina."
Naguumpugan na ang mga ngipin ni Yani sa sobrang ginaw kaya hindi na niya ito kinausap. Binuhay na niya ang makina ng kotse at seryosong nagmaneho pauwi.
Pigil ang galit niya nang makaratinh sila sa condo. Walang imik na pumasok siya sa kwarto. Sa paglabas niya, dala na niya ang bathrobe at tuwalya na noo'y inabot niya sa dalaga. "Nandoon 'yung banyo sa loob ng kwarto. Mag-shower ka muna."
Habang nasa banyo si Yani, ipinagluto niya ito ng noodles para mainitan ang tiyan.
"Humigop ka muna ng mainit na sabaw nang mawala 'yang ginaw mo," sabi niya nang lumabas sa banyo ang dalaga. Isinalin niya sa mangkok ang noodles atsaka niya inilapag sa harapan ng dalaga.
Pagkagapos ay naupp siya sa katapat na upuan nito. Tahimik lang ito habang sumisimsim ng sabaw."Wala ka ba talagang kamag-anak dito?" tanong niya habang nakatingin sa dalaga.
Tumingin sa kanya si Yani atsaka umiling pagkatapos ay muli itong nagpatuloy sa paghigop ng sabaw.
"Saang probinsiya ka ba galing?" muling tanong niya.
"Sa Bataan po," maikling sagot ng dalaga.
"Nabanggit mo sa akin dati na wala ka ng ina pero may kapatid ka at buhay pa ang papa mo 'di ba?"
Muli itong tumingin at tumango sa kanya.
"Wala bang trabaho ang papa mo at ganyan ka na lang kung magtrabaho?"
BINABASA MO ANG
Since That Day I Met You
RomanceSi Yani ay isang mapagmahal at masayahing dalaga na lahat ay kakayanin alang-alang sa pamilya. Mula sa probinsiya ay lumuwas siya ng Maynila para makipagsapalaran pero naging mailap ang swerte sa dalaga. Sa halos araw-araw, kabuntot na yata niya ang...