Rehas ng Nakaraan

3 3 0
                                    


Rehas ng Nakaraan
Spoken Poetry
Katha ni: Riccs Palacio

Mahal?
Tanong ko lang.
Natatandaan mo pa ba?
Tanging titig lang ang nakuha kong sagot galing sa iyo.

Bakit ganoon?
Minahal kita
Tapos isusukli mo lang, yelo?
Shyet! Ang lamig!
Para akong kumain ng ampalaya
Masustansya nga,
Ngunit sing-pait naman nito ang malalasap mo

Minsan akong naniwala sa mga mabulaklak mong salita
Sa gwapo mo ba namang binata, aba'y nahalina ang isang dilag
Ganyan tayo eh, diba girls?
Umamin na tayo!
Kapag gwapo, check na check.

Teka, mabalik tayo sa minsan
Oo, minsan akong naniwala
Pero...
Di ko aakalain na ang minsan pala
Ay nauuwi sa palagian
Hanep, pare!
Na-prank mo ako
Akala ko totoo na, yun pala huwad
Wala eh, marupok tayo
Oo, marupok tayo!
Mga binibini, Umamin na tayo
Baka tayo pa ang masabihan na manloloko eh.
Diba? Ganyan naman,
Binabaliktad para maghugas kamay

Putragis!
Naalala ko pa,
Sinusuyo pa kita noon, tapos nilalambing
Yun pala ang makukuha ko balimbing!
Ang duga mo! Putragis!
Sinuyo kita, tapos susuyuin mo iba!
Ay aba ibaaaa... ano yan?
Suyuan edition?

Pero, wala na
Wala na ang dati,
Ang dating masaya
Ang dating ligaya
Ang dating araw na nagtatawanan tayo
Ang dating araw na nag-aasaran tayo
Ang dating ikaw
Ang dating ako
Ang dating ikaw at ako
Ang dating tayo

Ang dating pagmamahalan natin
Wala na, naglaho na

Mahal pa kita...
Di ko alam, hindi ko alam
Noong araw kay tamis pa
Natatandaan mo pa ba?
Ang unang halik natin
Ang unang date natin
Ang unang regalo natin sa isa't isa
Kasi ako? Tandang-tanda ko pa!

Titingala nalang ba ako sa kalangitan
At muling sasariwain ang mga nakaraang pagmamahalan natin?
Sabay pikit matang hihiling kay Bathala,
Bubulong sa hangin,
Na sana, sana,
Muling ibalik ang taong minamahal ko
Muling ibalik ang nakaraang gusto ko pang maulit

Ngunit bakit?
Luhang dumadaloy sa aking mga mata ay di ko mapigil
Pikit matang luluha nalang
Dahil alam ko, alam ko

Na wala na,
Wala na talaga
Ilalaban ko ba?
Gayong, ang taong minahal ko ay nasa piling na ng iba.
Isusuko ko na, nagising ako eh
Sa tapang ba naman ng pagmamahalan niyo ng mahal mo
Ito'y parang amoy ng kape na gumigising sa akin tuwing umaga,
Susuko na ako, sukong-suko na.

Kaya,
Ang mga alaala na nakarehas ay papalayain na
Malaya ka na, malaya na
Sa muling pagkikita, asahan mong ang labing ito ay kukurba upang handogan ka ng ngiting kay tamis.
Malaya na, malaya na ako.
Malaya na ako sa rehas ng ating nakaraan.

Hinabing PalaisipanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon