"KATHLEEN anak, may naitabi ka pa bang pera diyan, wala na kasi tayong maisaing ngayong gabi" tanong ng nanay niyang si Aling Carmen.
Naawang napatingin siya sa nanay niya. Ilang araw na itong inuubo at maging ang gamot nito ay hindi niya mabili dahil wala na rin siyang pera. Isang daang piso na lang ang laman ng lumang wallet niya at kaunting barya. Pamasahe at panggastos sana niya iyon ngayong gabi dahil papasok pa siya sa callcenter na pinagtatrabahuhan.
Ilang araw pa bago ang sahod. Gagawa na lang siya ng paraan. Baka makautang siya sa kaibigan at katrabaho niyang si Madel. Napabuntunghininga siya. At inabot ang isandaang piso sa nanay niya.
"Ito Nay, may isang daan pa ako dito, pabili na lang po kayo ng kahit dalawang kilo lang na bigas at saka sardinas kay Benjo" inabot naman iyon ng nanay niya at kapagkuwan ay tinapik siya sa balikat.
"Salamat anak, pasensya ka na, alam kong nahihirapan ka na sa pagtataguyod sa amin ng mga kapatid mo" ang tila nahihiyang sabi ng nanay niya.
"Naku nay wala po iyon, saka manghihiram na lang ako kay Madel mamaya para may panggastos pa tayo ng ilang araw" isang linggo pa kasi bago ang sahod niya at talagang kahit anong gawin niya ay hindi magkasya ang sahod niya sa callcenter. Lalo na't kinailangan pang ipacheck up si Aling Carmen dahil nilagnat ito at inubo noong isang araw sanhi ng pagod. Sa edad na singkuwenta'y otcho ay naglalabada pa rin ito kahit na tinututulan niya. Ayon dito ay kaya pa naman nito at para kahit paano daw ay matulungan siya nito sa mga gastusin sa bahay at para sa pangangailangan ng tatlo pa niyang nakababatang kapatid.
Ganoon lagi ang eksena sa maliit nilang barung barong. Laging kapos sa pera at suwerte ng makakain sila ng tatlong beses sa isang araw. Oo at hindi nila problema ang renta dahil pinayagan sila ng may ari ng lupa na magtayo ng maliit na tirahan doon pero delikado naman kapag tag ulan dahil gawa lang sa light materials ang barung barong nila. At maliit lang iyon at nagsisiksikan sila doon na apat na magkakapatid at ang kanilang inang si Carmen.
Laki siya sa hirap at sa murang gulang ay maagang namulat sa pagtatrabaho. Dose anyos siya ng pumanaw ang ama nilang si Vener sa isang aksidente sa construction company na pinagtatrabahuhan nito, at mula noon ay kung anu ano ng trabaho ang pinasukan niya upang makatulong sa nanay niya at sa mga kapatid niya.
Naroong naglako siya ng banana que, pumasok na carwash girl, gasoline girl, panadero, nagtrabaho din siya sa bilang crew sa fastfood chain noong magkolehiyo siya. Kumuha siya ng kursong Business Management pero hanggang second year lang ang inabot niya dahil hindi na niya kaya financially. Ang kinikita niya sa fastfood ay hindi sapat para sa pag aaral niya at sa pang araw araw nilang pangangailangan.
Nang huminto siya sa pag aaral ay sinubukan niyang mag apply sa call center at natanggap naman siya, panggabi iyon, pero dahil undergraduate siya ay tinanggap na niya iyon. Ngayon ay may tatlong taon na siyang nagtatrabaho doon at permanente na din. Pero hindi pa rin sapat ang kinikita niya, lalo at nag aaral pa ang mga kapatid niya, siya ang nagbibigay ng araw araw na pambaon ng mga ito sa eskwela at kahit sa public school ang mga ito nag aaral ay may mga kailangan pa ding bayaran at gastusin kaya minsan o mas madalas ay kinakapos din siya. Ang sumunod sa kanya ay si Benjo na nasa fourth year highschool na, na sinundan ng dalawa pang mga babaeng kapatid niya si Ana na dose anyos at si Ella na bunso ay sampung taong gulang at pawang nasa elementarya pa.
"Hayaan mo anak, makakaahon din tayo sa hirap, at malapit na ang birthday mo tiyak ko may suwerteng darating sa iyo pagsapit mo ng beinte uno" tila malayo ang isip ng nanay niya ng sabihin iyon.
Napakunot noo naman siya. Lagi kasi iyong dialogue ng nanay niya lalo na kapag kinakapos sila. Lagi nitong sinasabi na kapag nag twenty one na siya ay susuwertehin daw siya. Tinatawanan lang niya iyon sa tuwing sinasabi iyon ng nanay niya. Subalit nitong mga nakaraang araw ay lagi na iyong binabanggit ng nanay niya. Sabagay sa isang linggo kasi ay twenty first birthday na niya at hinihiling at dinadasal niya lagi sa Diyos na sana nga ay magkatotoo ang sinasabi ng nanay niya na suwertehin siya sa twenty first birthday niya.
BINABASA MO ANG
Vienna, Take Me Back Into Your Heart
RomanceKathleen was surprised when she found out that she is an heiress of the wealthy Don Menandro Zapanta. Mula sa barong barong sa Maynila ay natira siya sa malapalasyong mansyon sa Vienna Austria. But claiming her inheritance wasn't that easy. Duda...