STYGIAN
Nagmulat ako ng mata ko pero puro kadiliman lang ang nakikita ko. Bagaman nakakakita ako ng kaunting, liwanag, hindi ko pa rin makita kung nasaan ako.
Teka, anong nangyayari?
Nararamdaman kong may nakalagay na tela sa mata ko kaya hindi ako makakita nang maayos ngayon. Pilit kong tinatandaan kung anong nangyari at napunta ako sa ganitong sitwasyon, pero hindi ko matandaan.
Inaayos ko ang pagkakaupo ko, bagaman mahirap dahil nakatali ang mga kamay ko at nakabusal ang bibig ay nagawa ko pa rin. Nang maiayos ko na ang pagkakaupo ko, bigla akong nakaramdam ng hindi maipaliwanag na kirot sa tagiliran ko. Ramdam ko rin na may likidong naagos rito, bagaman mahina na.
At doon ko naalala ang lahat.
Kaarawan ko.
Entablado.
Putukan.
Barilan.
Sigawan.
At kadiliman.
Bumalik sa alaala ko ang lahat ng nangyari, may dumukot sa akin na mga lalaking pulos nakaitim. Hindi ko alam kung bakit nila ako dinukot pero isa lang ang nararamdaman ko ngayon.
Takot.
Takot sa kung anuman ang maaaring gawin sa akin ng mga ito. Takot na baka may mangyari sa aking hindi maganda at hindi na ako makalabas pa sa kinaroroonan ko ngayon. Takot sa kamatayan. At takot sa bagay na hindi ko pa alam.
Hindi ako gumalaw at naglikha ng kahit anong ingay dahil alam ko at nararamdaman ko na may mga tao sa paligid ko bagaman hindi ko alam kung ilan sila. Pinakiramdaman ko ang paligid. Maliban sa malakas na tibok ng puso ko, ang tanging naririnig ko lang ay ang ugong ng isang bagay na parang nagalaw.
Pinili kong manatili sa puwesto ko at mag-obserba gamit ang pandinig at pandama ko dahil wala akong makita dahil sa piring na ito. May nararamdaman akong kaunting hilo dahil sa hindi ko malamang dahilan. Parang gumagalaw ang paligid ko, kaya itinaas ko ang kamay ko papunta sa ulo ko.
"Argh!" mahinang daing ko dahil sabay na kumirot ang sugat ko sa tagiliran at ang ulo ko. Maaaring epekto ito ng kung anumang pinaamoy nila sa akin.
May naramdaman akong gumalaw. Baka tumingin sa direksyon ko, dahil sigurado akong narinig nila ang daing ko. Hirap na hirap ako habang hinahawakan ang ulo ko dahil magkadikit pa rin ang mga kamay ko dahil sa lubid na itinali rito.
"Oh, gising na pala ito eh," sabi ng isang brusko ko at baritonong boses.
"Hmpppph!" Sinubukan kong sumigaw ngunit hindi ako makapagsalita dahil sa busal sa bibig ko. Ginagalaw galaw ko ang labi ko para kahit papaano'y matanggal ang nakabusal ngunit sumasakit lamang ito. Tumigil na lang ako sa kakapumiglas.
"Bata," tawag sa akin ng isa pang boses. Nakaramdam ako ng isang matalim na bagay na pumapadausdos sa braso ko kaya pilit kong inilalapit sa akin ang braso ko para hindi ako masugatan nitong matulis na bagay. "Malayo pa tayo sa pupuntahan. Manahimik ka muna riyan."
Alam kong hindi ako maaaring maupo na lang dito at manahimik, kaya kahit na imposibleng may makarinig pa sa akin, pinilit kong sumigaw at magsalita.
Tila nagalit ang mga kasama ko rito sa sasakayan kung kaya't nakarinig ako ng mga daing sa kanila. Walang kuwenta ang ginagawa kong pagsigaw kaya naisipan kong gamitin ang paa kong hindi naman nila itinali.Buong puwersa kong inaangat ito at pinagsisipa ang kung ano at kung sinong maaabot ko. Nasipa ko yata ang nagmamaneho kaya medyo nagpagewang gewang ang sinasakyan namin ngayon. Dahil doon, napasandal ako at tumama ang ulo ko sa gilid ng kotse.
"Argh!" galit na sigaw sa akin ng isa sa kanila. "Sabing manahimik ka lang diyan eh! Dahil ayaw mong sumunod, eto ang sa'yo!"
Bigla na lamang ay nakaramdam ako ng panibagong sakit, ngunit sa ibang parte na ng katawan ko. Hinampas ako nito ng kung anumang matigas na bagay sa ulo ko, kaya panandalian akong nakaramdam ng hilo.
Hinampas niya pa ako uli ng isang beses, kaya tuluyan na akong nilamon ng kadiliman. Wala na akong naramdaman pagkatapos.
May magliligtas kaya sa akin?
-+-
BINABASA MO ANG
STYGIAN | completed
Mystery / ThrillerIt was because of a mystery call when Jan Astria Cuevo, just a typical college student... who is fond of playing mystery games, met a man named Stygian Alejandro, a dead man from the past who wants to have justice to his death. What will a wannabe d...