STYGIAN (1941)
"HAHHHHHHH!!!!!" Napabalikwas ako sa higaang kinalalagian ko ngayon nang magising ako sa isang panaginip. Habol-habol ko ang hininga ko habang inaalala ang nangyari doon. Nadakip daw ako at ang pamilya ko ng mga nakaitim na lalaki at nabaril si Jose.
Hah! Imposible.
Napatawa na lamang ako sa napanaginipan ko. Totoo ba yun, haha? Napakalawak naman ng imahinasyon ko kung ganoon.
Ngunit bigla akong napatigil nang mapagmasdan ko ang kuwarto kung nasaan ako. Literal akong napanganga at napatigil nang mapagtanto kong wala ako sa kuwarto ko.
Teka, nasaan ako?!
"Argh!" Sinubukan kong tumayo mula sa kama ngunit napabalik din ako kaagad nang biglang may sumakit sa iba't ibang bahagi ng katawan ko. Napadaing ako sa sobrang kirot na nadarama ko.
Sinulyapan ko ang mga braso ko at katawan ko na wala nang pang-itaas at nanlaki ang mata ko nang makita ko ang mga pasa at latay doon. Teka, akala ko ba panaginip lang ang lahat ng iyon? Nasa panaginip pa rin ba ako? Kailangan ko na bang magising ngayon?
"Aray!" daing ko nang ipinadapo ko ang sariling mga palad ko sa mukha ko. Sinubukan ko kung masasaktan ba ako kung sasampalin ko ang sarili ko. "Ibig sabihin, totoo nga...?"
Napahilamos na lamang ako ng mukha nang bumalik sa akin lahat ng alaala. Hindi ko inakalang totoo palang nangyari ang lahat ng iyon. Akala ko... akala ko panaginip lang.
Gusto kong umiyak ngayon ngunit wala namang natulong luha sa mga mata ko. Wala na ako doon pero ramdam ko pa rin ang sakit, hindi dahil sa mga naiwan na mga sugat sa balat ko ngunit dahil sa kirot ng puso ko habang iniisip kung ano maaari ang pinagdaraanan doon ng mga magulang ko. Napalunok ako. Ayos lang ba sila? Sinasaktan ba sila katulad ng ginawang panlalatigo sa akin? Kinulong ba sila sa likod ng rehas o hindi kaya'y pinuluputan ng mga kadena? Naiyukom ko ang mga kamao ko habang naiimahe sa utak ko na ginagawa sa kanila iyon ngayon. Hindi ko maatim na maltratuhin sila ng mga nakaitim na lalaking iyon, ngunit wala naman akong magagawa ngayon. Wala akong lakas para lumaban.
Imbes na magmukmok ay inilibot ko na lamang ang paningin ko sa paligid. Kapansin-pansin ang mga gamit sa kuwartong ito na halos matabunan na ng makapal na alikabok. Hindi ko mawari kung sadyang hindi lang ba talaga naglilinis ang may-ari nito o dahil dito niya lang ako maaaring dalhin ngayon. Kitang-kita rito ang banyo, at kusina. Walang kuwarto kaya ang higaan na kinasasadlakan ko ngayon ay nasa may sala. Maliit lamang ang bahay na iyon na gawa sa pinagtagpi-tagping mga kahoy at yero. Ang telang nakabalot sa kama ay punit-punit na rin ngunit kagulat-gulat na wala itong mabahong amoy. May nakalagay na isang maliit na bakal na palanggana sa may lamesa, katabi ng kama na ito na may parang dahon ng bayabas na inilaga doon. Iyon yata ang dahong itinapal ng kung sino man sa akin.
Kumunot ang noo ko.
Sino nga kaya ang nagdala sa akin dito? Hindi ko maiwasang mangamba dahil hindi ako sigurado kung kakampi ko ba ito o kalaban ngunit hindi niya naman siguro ako gagamutin kung kalaban siya hindi ba? Napanatag ako nang mapagtanto ko iyon.
Ano nang dapat kong gawin? Dapat na ba akong tumakas? Ngunit saan naman ako pupunta ngayon? Wala naman akong lugar na maaaring puntahan gayong hindi ko alam kung saang lugar ako ligtas pumunta. Hindi rin naman ako makaalis sa higaan na ito dahil sa sakit ng katawan ko. Anong gagawin ko?
Nagulat ako nang biglang bumukas ang kahoy na pintuan. Lumagitngit ito at marahan akong napatalon sa puwesto kaya naman bahagyang sumakit ang mga sugat ko.
"Ack!" reklamo ko.
"O, gising ka na pala?" tinig ng.. isang babae? Babae ang nagdala sa akin dito?
Bigla akong nakaramdam ng hiya sa kanya kung gayon hindi ko siya matingnan ng diretso. Nakatungo lang ako at mabilis kong kinuha ang kumot na nasa may hindi kalayuan para itakip sa pang-itaas kong katawan. Sigurado naman akong nakita niya na ito nang gamutin niya ako habang tulog ako ngunit hindi ko pa rin maalis sa isip ko ang hiya habang may kasamang babae. Kung noon ay parang wala lang sa akin ito, may kung ano sa babaeng ito na nagpapabilis ng tibok ng puso ko. Naghuhuramentado na ang pagpintig nito sa dibdib ko, at hindi ko alam kung dahil ba sa hiya o sa kung ano pang bagay.
"May masakit pa ba sa'yo?" aniya sa isang malambing na boses. Parang anghel ang boses niya na tila humahalina sa akin na tingnan siya. Teka! Ano?! Ano ba itong naiisip ko? Pinikit ko na lang ng mariin ang mga mata ko para maiwasang isipin ang mga iyon.
"Bakit hindi ka sumasagot?" mas malakas na tinig ng boses niya dahil sigurado ako ngayon na mas malapit na siya sa puwesto ko. Bumibilis na ang paghinga ko at ang pagtaas-baba ng dibdib ko. Parang sa tingin ko kakapusin ako ng hininga ano mang oras. "Masakit pa rin ba ang mga sugat mo? Gamutin ko ba ulit?"
Hinawakan ko kaagad ang kamay niya nang umamba siya umalis kaya bahagya siyang nagitla. Napaiwas siya ng tingin sa akin. Ganoon din ako. Kaagad kong binitawan ang kamay niya. "H-hindi... ayos na ako. S-salamat..."
Hindi ko alam kung bakit nauutal ako ngayon. Dahil ba sa presensiya niya? Kung gayon bakit? Bakit tila naiilang ako sa kanya?
Bumuntong-hininga ako at naglakas loob na salubungin ang mga titig niya sa akin na kanina pa nararamdaman. Nagtagpo ang mga mata namin. Walang umiwas. Tila may sarili kaming mundo habang tinitignan ang isa't isa. Ngayon ko lamang siya nakita ngunit bakit parang kilalang-kilala ko na kung sino siya? Bakit tila may kakaibang koneksiyon sa aming dalawa?
Siya ang naunang umiwas ng tingin. Bahagyang pumula ang mga pisngi niya. "S-saglit lang, Stygian. Kukuha lang ako ng pagkain, alam kong gutom ka na."
Nanlaki ang mga mata ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa sinabi niya o dahil sa naging reaksyon niya. "K-kilala mo ako?"
Nalaglag ang panga niya. Marahan siyang umiling at pipihit na sana patalikod nang kunin ko ang atensyon niya.
"Anong pangalan mo?" lakas-loob akong nagtanong.
May kung ano sa loob ko na sana siya nga ang babaeng kausap ko sa telepono nitong nga nakaraang araw. Na sana siya nga siya. Iba ang pakiramdam ko sa babaeng ito. Ngunit papaano? Bakit? Hindi ko maisip na nandirito siya gayong ang sabi niya ay nasa taong 2020 na siya? Kung gayon mali ba ang iniisip ko?
"Ako si Astri..." pinutol niya ang sasabihin niya nang bigla siyang maubo nang bahagya. Akma ko pa sana siyang lalapitan para tulungan ngunit umuling siya na para bang sinasabi niyang ayos lang siya. Hindi rin naman ako makakatayo nang maayos dahil sa sakit ng katawan ko.
Pero ang pangalan niya, katulad nang kanya. Siya nga kaya si Astria? Sige na, aminin mo nang ikaw si Astria, puwede ba?
Pumikit siya at bumuntong-hininga sa hindi ko malamang dahilan. Bakit niya kailangang gawin iyon? Kinakabahan ba siya? Eh bakit naman siya kakabahan gayong magkausap lang naman kami. Posible kayang... totoo nga ang mga naiisip ko?
Lumunok siya. "A-ako si..." tumigil siya at tumingin sa akin ng ilang sandali bago tumingin muli sa sahig. "Ako si Astrid."
Gumuho lahat ng pag-asa kong siya nga iyon.
BINABASA MO ANG
STYGIAN | completed
Mystery / ThrillerIt was because of a mystery call when Jan Astria Cuevo, just a typical college student... who is fond of playing mystery games, met a man named Stygian Alejandro, a dead man from the past who wants to have justice to his death. What will a wannabe d...