73

47 5 1
                                    

STYGIAN (1941)

"STYGIAN! STYGIAN!"

"TUMAHIMIK KA!!"

"ANG ANAK KO! STYGIAN!!"

"SABING TUMAHIMIK EH!"

"Hahhh!" Hingal na hingal akong nagising dahil sa lakas ng kalampagan ng mga bakal at sigawan ng mga taong nasa paligid ko. Sigurado din akong narinig ko ang pangalan ko kaya kahit na hirap man dahil sa sakit ng mga latay ko sa katawan, pinilit kong gumapang mula sa rehas na bakal.

"STYGIAN!!" Umaliwangwang sa buong pasilyo ang boses ng nanay ko na tinatawag ako. Napalingon ako sa direksyon niya.

"N-nay.." Inilabas ko ang kamay ko sa rehas na para bang maaabot ko siya habang hawak-hawak siya ng dalawang nakaitim na mga lalaki. Hawak din ng dalawa pang lalaki ang ama ko na walang malay sa may hindi kalayuan.

"A-ayos ka lang ba, Stygian?" Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ang tanong niya kaya nginitian ko na lang siya bilang sagot sa tanong niya. Napaluhod siya dahil doon at umiyak. Nagpatianod na lang siya sa mga lalaking humahawak sa kanila.

Gusto ko man silang iligtas ngunit maski ako ay kailangan ding iligtas. Halos hindi ako makagalaw dito sa kinalalagyan ko. Gusto ko na lang iiyak ang lahat pero kailangan kong maging malakas. Kailangang hindi ko ipakita sa kanila na mahina ako kung hindi matatalo ako at mananalo sila.

Napabuntong-hininga ako. Kailangan kong makaisip ng paraan para makalabas dito ngunit ngayon kailangan ko muna ng lakas para sa sarili ko. Inilibot ko ang paningin ko sa paligid ko. Nasa iisang masikip at mabahong selda pala ako na ang tanging liwanag ay ang ilaw na nanggagaling sa labas.

Halos hindi ko maaninag ang mga gamit sa paligid dahil sa kawalan ng liwanag, kagaya ng pag-asang unti-unti na ring nawawala sa akin.

Dumating si Jose para iligtas ako. Dumating siya para palayain ako mula sa malaimpyernong lugar na ito, pero gayong pati siya ay napahamak na rin para lang sa akin. Sino na ang magliligtas sa akin? Kanino pa ako aasa?

Hindi ko ring maiwasang mag-alala sa kung napaano na si Jose nang sanggain niya ang bala na dapat ay sa akin. Sigurado ako na sa oras na tumama iyon sa akin, wala na akong pag-asa pa. Alam kong sa oras na may mangyaring hindi maganda sa kanya, sisisihin ko ang sarili ko sa lahat. Kamusta na rin kaya ang pamilya ko ngayon? Dahil ba uli sa akin kaya sila nadakip ngayon? Gusto kong ihilamos ang mga palad ko sa mukha ko ngunit kahit na ang mumunting galaw na iyon ay pinipigilan ng sakit na dumadaloy sa buong katawan ko.

Pakiramdam ko napaka-walang kuwenta ko ngayon na nanghihintay na lamang ng kung sino man na magliligtas sa akin. Naghihintay na lang na sagipin, dahil wala nang silbi at hindi na makakilos nang mag-isa.

Ipinikit ko na lang ang mga mata ko habang hinahayaan ang mga imahe ng masasayang araw sa utak ko na dumaloy. Hindi ko alam na gusto ko na itong balikan nang ganito kagrabe. Noong wala pang kahit na anong problema, wala pang mga gyera at wala pang mga pagtataksil.

Maaari na lang bang bumalik na lang sa dati at kalimutan ang lahat?

Kung ako ang papapiliin, mas gugustuhin kong bumalik noon. Kung saan masaya at maayos pa ang lahat. Ngunit hindi lahat ng gusto ng tao ay nasusunod. Hindi lahat ito ay nararapat na mangyari dahil may itinakda Siya.

At kung sakali mang magkaroon ako ng tyansang baguhin ang nakaraan para ibahin ang kasalukuyan, gagawin ko ba ito?

Hindi ko alam.

Dahil hindi ako handa sa maaaring magiging kapalit nito.

Tuluyan ko na sanang ipipikit ang mga mata ko nang bigla akong makarinig ng mahihinang kaluskos ng bakal sa may hindi kalayuan.

Biglang may sumibol na pag-asa sa dibdib ko. Umaasa ako na narito na ang taong maaaring magligtas sa akin mula sa kapahamakan. Ngunit hindi ko pa rin maialis ang kabang namumuo dahil maaari ring hindi ito isang kakampi.

Sa kabila ng lahat ng negatibong pag-iisip na iyon. Pinili kong maging optimistiko. Ginapang ko ang daanan papunta sa kung saan nanggaling ang kaluskos kanina, kahit na ramdam ko pa rin hanggang sa ngayon ang sakit ng katawan ko. Ang mga mata ko ay gusto nang pumikit ngunit hindi maaari. Hindi pupuwede gayong kailangan kong kumpirmahin ang narinig ko. Kung talaga ngang may tulong na dumating, 'yun ang kailangan kong alamin.

Nakakita ako ng isang pares ng mga binti sa may tapat ng tarangkahan ng seldang kinalalagian ko. Ngunit talagang hindi ko na kaya. Pasarado na ang mga mata ko, ilang sandali na lamang.

Bago ako pumukit ng tuluyan narinig ko ang mahinang halinghing ng bakal na tarangkahan. Bumukas ito, hanggang sa wala na akong nakita pa maliban sa isang pares ng paa.

STYGIAN | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon