67

64 5 0
                                    

JOSE

Ano nang gagawin ko?

Alam kong kailangan kong gumawa ng paraan para mailigtas si Stygian pero paano? Kahit saan ko tingnan ako pa rin ang may kasalanan nito. Nagbulag-bulagan ako sa kasakiman ng mga magulang ko, at ngayon nawala na sa akin ang tanging kaibigan ko.

Mahalaga sa akin si Stygian dahil itinuturing ko na siyang kapatid. Pero hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos maisip na ang mismong mga kadugo ko pa ang makagagawa nito sa tanging taong kasama ko habang nalaki ako. Nandoon si Stygian, sa bawat parte ng buhay ko, pero sila? Wala.

Gusto kong umiyak. Gusto kong sumigaw dito sa gitna ng hardin ng bahay nila Stygian, pero hindi ko magawa. Sa sobrang sakit, namamanhid na lamang ang mga katawan ko. Nakatungo lang ako rito mag-isa, natutuliro, hindi alam ang gagawin.

"Severio! Anong gagawin natin?" rinig kong tanong ng nanay ni Stygian, na si Ginang Maria sa asawa niya.

Rinig na rinig ko sa puwesto ko ang mga palahaw na iyak ni Ginang Maria. Sobra siguro ang sakit na nararamdaman nila lalo na't nag-iisang anak lang nila si Stygian. Lalo akong kinakain ng konsensiya ko, sinasabi nito na ako ang may kasalanan nito. Walang ibang sisisihin kung hindi ako.

Naiintindihan ko ang sinabi ni Astria sa akin, na hindi ko naman kontrolado ang sitwasyon. Pero ano 'tong nararamdaman ko? Paulit-ulit na pinamumukha sa akin napakatanga ko para hayaang mangyari ang ganoon sa tanging kaibigan ko. Nagkaroon na ako ng pagkakataong gawin ang tama, na isumbong at pigilan ang kung ano mang binabalak ng mga magulang ko, pero bakit pa rin ako nanahimik? Dahil ba sa takot? Hindi ko na alam.

"Shhhh," pagtahan ni Ginoong Severio sa asawa niya. "Hahanapin natin si Stygian. Pagbabayarin natin ang kung sino mang gumawa nito."

Tumayo na ako sa pagkakaupo sa sahig at lumapit sa posisyon nila. Magkayakap sila doon habang patuliy pa rin na rumaragasa mula sa mga mata ni Ginang Maria ang walang katapusang mga luha, habang pilit siyang inaalo ni Ginoong Severio.

Dapat ko na bang sabihin sa kanila ang totoo? Ito na ba ang pagkakataong kung kailan dapat kong ayusin ang gusot na naidulot ng mga magulang ko?

"O, Jose Agandro," tawag sa akin ni Ginoong Severio.

"P-po?"

"Hindi ka pa ba uuwi? Alam kong nagdadalamhati ka rin sa sinapit ng anak namin ngunit mukhang mas makabubuti para sa iyo na malayo na lamang sa sitwasyon na ito." Kumalas mula sa pagkakayakap ni Ginoong Severio si Ginang Maria. Pinunasan niyo ang mga luha at ngumiti sa akin ng ubod ng tamis. Alam kong pilit lang silang nagpapakatatag, pero sa loob loob nila, nandoon ang sugat. Sugat na hinding-hindi magagamot ng kahit na anong gamot. Mahirap itong maghilom. "Umuwi ka na muna iho, kami na ang bahala rito."

Napatango na lamang ako sa tinuran nila saka tumalikod.

Napakabait nila. Hindi nila dapat na danasin ang mga ganito. Hindi dapat na ang mga kagaya nila ang nagdurusa.

Naglakad na ako papalayo sa kanila, at doon na bumuhos ang malakas na ulan. Hinayaan ko lang itong dumampi sa balat ko at mabasa ang mamahalin kong suot na americana. Litong-lito na ako at hindi na mawari ang gagawin. Hindi ko na rin alam kung saan ako nararapat na pumunta sa panahong ito. Alam kong hindi ako maaaring umuwi sa bahay namin. Ayoko. Lalo na't nandoon ang mga magulang ko ngayon. Isa lang ang maaari kong puntahan ngayon. Ang bahay kubo na ginawa namin n Stygian noong mga bata pa lamang kami.

Wala akong kaide-ideya kung ano na ang hitsura noon. Pero bigla ko na lamang namalayan ang mga paa ko na naglalakad papunta sa daanan nito.

Siguro, ito na nga ang panahon para balikan ito. Ito na ang panahon para magbago.

-+-

Tagpi-tagping mga yero.

Binubukbok na mga kahoy.

At sira sirang mga pader.

Iyan ang makikita ngayon sa maliit na bahay kubong nasa harap ko ngayon. Wala akong pagpipilian kung hindi magpalipas ng gabi rito. Hinding-hindi ako babalik sa bahay na iyon kung ang mga kasama ko naman sa bahay na iyon ay mga halimaw. Mamamatay-tao.

Tinulak ko nang marahan ang pintuan nito at halos na masira na ito dahil sa sobrang kalumaan. Madilim ang paligid kaya agad akong naghanap ng gaserang tatanglawan ako sa dilim.

Sinindihan ko ito saka naglibot para tingnan kung ayos pa ba ito. Hindi na rin masama gayong isang gabi lang naman akong magpapalipas rito.

Pinagpagan ko na ang papag na puno ng alikabok. Malamig din ang buong paligid at walang kahit na anong kumot kaya alam kong kinakailangan kong magtiis ng ginaw.

Nalayo ako sa marangyang buhay namin ngayon pero wala na akong pakialam doon. Isa na lang ang sinisigaw ng isip ko. Kailangan kong itama ito. Kailangan kong ayusin ang gusot na ginawa ng mga sakim kong magulang.

Stygian, maghintay ka please. Darating ako...

At tuluyan na nga akong nilamon ng matinding kadiliman

STYGIAN | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon