Umalingawngaw ang malakas na tunog ng school bell, hudyat ng pagtatapos ng klase. Lalong umingay ang paligid nang sabay-sabay kaming nagsipagtayuan at lumabas ng silid-aralan.
Naiwan sa loob ang mga nakasimangot na kaklase ko na nakatokang maglinis ng silid.
Magkakasama kaming anim na naglakad sa mataong hallway.
"Bilisan mo ang paglalakad, Miya. Or better yet takpan mo ng libro ang mukha mo. Siguradong ipatatawag ka ni Mrs. Villarica. Mas mabuting sa Lunes ka na nito pagalitan kaysa ngayon. Hindi mo gugustuhing maabutan ng bagyo," nakangising sabi ni Bruno habang ngumunguya ng bubble gum. Sinubukan nitong palobohin ang nginunguya pero agad ding pumutok sa mukha nito.
"Hindi ka nakakatulong, Bruno. Pwede bang tantanan mo na si Miya," taas ang kilay na saway ni Layla. Pinandilatan nito si Bruno.
Tinapunan ni Bruno ng mapanuring tingin si Layla. Tila nasaktan ito sa sinabi ng bestfriend ko.
"What's your problem, girl? Sinusubukan ko lang tulungan si Miya. Kailangan niya ang mga payo na galing sa isang henyo na kagaya ko."
"Suit yourself," naiiling na turan ni Layla sabay halukipkip. "Ikaw lang ang nag-iisip na henyo ka."
Inikot ni Bruno ang mga mata. Dinura nito ang nginunguya sa ibabaw ng nakasaradong trash bin sa isang tabi. May ngisi uli sa labi nito nang tumingin kay Layla.
"Bilisan mo rin ang paglalakad, Layla. Or better yet, takpan mo ng dyaryo ang mukha mo. Bakit? Akala mo siguro hindi ko alam na isa ka sa mga cleaner ngayon. Isa kang dakilang takas. Hindi mo 'ko maloloko. Henyo 'to, girl."
Namula ang mukha ni Layla.
"Don't call me girl, stupid."
"Okay, I'll call you boy. You like it?"
"Itigil n'yo na nga 'yan. Para kayong aso't pusa. Palagi kayong nagbabangayang dalawa," naiiling na saway ni Clint. Kinalabit nito si Nana sa tabi nito. "Basta ihanda mo ang listahan ng pangalan ng mga kaklase natin sa Lunes, beshie. Kailangan lahat tayo makapirma para katunayan na tumetestigo tayo laban kay Dragon Lady. Lalaban tayo kasama ni Miya."
"Noted, beshiewap," sabi ni Nana. Tumingala ito at pinagmasdan ang maulap na kalangitan. Namuo ang pag-aalala sa maamong mukha nito.
"Miya, gaya nang sinabi ni Nana at Bruno kanina, nasa likod mo lang kami. Hindi ka namin iiwanan sa ere," sabi ni Karina sabay hawak sa braso ko at pinisil ito. "Just be strong, okay? Miya the Dragonslayer!"
"Miya the Dragonslayer!" sabay-sabay nilang sabi. Gusto kong tumakbo palayo sa kanila. Pakiramdam ko maduduwal ako na hindi ko maintindihan. Kanina lang ay musika sa aking pandinig ang bansag nila sa akin. Pero hindi na ngayon. Pakiramdam ko pinirmahan ko ang sarili kong death certificate nang tanggapin ko ang bansag nila sa akin. Tila may kaakibat itong masamang pangitain na siyang magpapahamak sa akin sa bandang huli. Siguradong nakarating na sa mga tainga ni Ms. Velasco ang bansag ng mga kaklase ko sa akin. Malamang nag-aalboroto na ito sa sobrang galit at pagnanasang makaganti.
"Bakit antahimik mo, Miya?" tanong ni Layla. "Ano'ng iniisip mo?"
"Natural ako. Sino pa ba'ng iisipin ni Miya?" Kinindatan ako ni Bruno sabay ngiti. Kumikinang ang suot nitong braces. "Hindi ba, Miya, ako ang iniisip mo? Aminin mo na!"
"Tigilan mo nga si Miya, stupid boy," muling saway ni Layla. Akmang susuntukin nito si Bruno sa balikat pero agad itong nakatakbo palayo.
"Bakit , Layla. Nagseselos ka ba? Well, hindi kita masisisi. Sobrang guwapo ko kasi. Kaya nga lahat ng mga kaklase natin crush ako. Cute na nga henyo pa. Saan ka pa, right? Compete package ito, girl. Pwede namang maging tayo, e. Kaso mukhang magaan ang mga kamay mo. Nananakit ka ng mga cute na kagaya ko. D'yan pa lang bagsak ka na sa akin."
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
УжасыNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...