Umusal ako ng mabilis at taimtim na panalangin, sabay yuko at halik sa noo ni Layla. Ilang sandali kong pinagmasdan ang duguang mukha nito, iniisip kung ano ang sasabihin at idadahilan ko sa mga magulang nito kung bakit nasawi ang pinakamamahal nilang anak. Pati sa mga magulang ni Bruno. Paano ko maiibsan ang sakit ng kalooban ng mga ito sa oras na makita ang bangkay ng mga anak? Mababawasan ba kahit kaunti ang paghihinagpis ng mga ito kapag sinabi ko na namatay sina Layla at Bruno nang dahil sa akin? Na sa aming tatlo, ako lang ang tanging nakaligtas mula sa kabaliwan ng prinsipal at ng dalawang kapatid nito? Ano ba'ng meron sa akin, itatanong ng mga ito. Sino ba ako? Bakit ako lang ang nakaligtas sa mala-bangungot na pangyayaring ito?
Natigilan ako. Pinagmasdan ko ang paghahampasan ng mga umangat na piraso ng yero sa kisame at ang mala-yebeng pagbagsak ng tubig-ulan mula sa umukit na siwang sa bubong patungong sahig. Nakita ko kung paanong lamunin ng nakakasilaw na liwanag ng kidlat ang maitim na kalangitan at ang pagliliparan ng mga naputol na kahoy at mga nabaak na yero. Hindi pa tapos ang bagyo. Hindi pa rin tapos ang kalbaryo ko. Wala pang kasiguraduhan ang kaligtasan ko. Kung hindi ako namatay sa mga kamay ni Mrs. Villarica at Ms. Velasco, malamang na mamatay ako sa hindi nakikita pero nararamdamang puwersa ng kalikasan. Mag-isa na lang ako. Hindi ko alam kung makakaya ko pa.
Sumandal ako sa dinding habang hindi inaalis ang tingin sa labas ng bintana. Halos wala na akong makita kundi ang malalaking patak ng ulan at hamog na bumabalot sa bawat sulok ng paaralan. Nakagat ko ang labi ko nang maramdaman ang matinding pagkirot na namayani sa leeg ko. Tila may kung anong maliit na hayop na nasa loob ng sugat ko at kasalukuyang hinihimay ang laman nito habang hinahanap ang daan palabas. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na mapaungol ng malakas na parang isang malungkot na baboy na nakatakda ng katayin anumang oras. Nanginginig na hinaplos ko ang pumipintig na leeg ko at nakapikit na muling umusal ng panalangin, hinihiling na sana mawala na ang matinding sakit.
Ilang minuto akong nasa ganitong posisyon nang mapagtanto kong walang mangyayari kung hindi ako kikilos. This is not how the world works. How God works. Tinutulungan ng Diyos ang mga taong tumutulong sa sarili nila. Nasa Diyos ang awa pero nasa tao ang gawa. Mga klasikong linya na ni sa hinagap ay hindi ko inakalang magkakaroon ng malaking epekto sa akin. Mga linya na tila nagbigay sa akin ng magandang rason para kumilos at hindi maghintay na lang ng himala na alam kong imposibleng dumating. Ginising ako sa katotohanan. Sa totoong reyalidad ng buhay. Kailangan kong iligtas ang sarili ko. Ako lang ang makapagliligtas sa sarili ko. Sa sinumpang lugar na ito, walang makatutulong sa akin. Kahit ang Diyos. Lahat nang tumulong sa akin ay namatay. Ayokong pati ang Diyos ay mamatay din.
Pigil ang paghinga na tumayo ako habang nakahawak sa nakataob na silya. Ramdam ko na naman ang pagtusok ng tadyang ko sa aking kaliwang dibdib sa tuwing humuhugot ako ng malalim na hininga. Napangiwi ako. Kung maaari lang na huwag nang huminga. Bakit kasi hindi na lang ako pinanganak na isang robot? Mahirap bang ipagkaloob ang kahilingan ko? Makasalanan ba ako para parusahan ako nang ganito?
Paika-ika na nagsimula akong humakbang. Saan? Hindi ko alam. Basta ang alam ko lang kailangan kong ihakbang ang mga paa ko at makalayo kay Layla. Kung mananatili ako sa tabi nito at patuloy na pagmamasdan ang duguang mukha nito, nagdadalamhati, umiiyak habang iniisip kung bakit ito ang namatay at hindi ako, alam kong papanawan na ako ng pag-asa na makakaligtas pa ako. Naging mabait sa akin si Layla, pero iba ang sinisigaw sa akin ng malamig nitong bangkay. Habang tumatagal, hindi na mukha ni Layla ang nakikita ko sa nakahigang katawan sa sahig kundi mukha ko.
Napukaw ng atensyon ko ang maliit na bagay sa isang sulok ng silid. Kumabog na parang tambol ang dibdib ko nang mapagtantong cellphone ito ni Mrs. Villarica.
Kalbaryo ang bawat paghakbang ko. Sumisigaw ang bawat sugat sa katawan ko. Nagsisimula ng muling umikot ang paligid ko, at sa nanlalabo kong paningin natanaw ko ang kamay ko na nakalapat sa sahig at sinusubukang kapain ang cellphone. Tila pag-aari ang kamay ng ibang tao. Pakiramdam ko nakatutok ako sa isang telebisyon habang nakahawak ang dalawang kamay ko sa joystick at naglalaro, ang kamay na nakikita ko ay pag-aari ng tauhan na gawa lang ng optikal na ilusyon. Napasinghap ako nang tuluyan nang mahawakan ng nasabing kamay ang cellphone.
Agad ko itong nilapat sa tainga ko. Tila may tumawag sa pangalan ko, at narinig ko na lang ang sarili ko na sumisigaw.
"Ma? Ma! Sumagot ka, Ma. Si Miya ito, ang anak n'yo. Ma, please. Na-stranded ako dito sa Purvil High. Sunduin n'yo na ako rito. PLEASE!"
Walang Ma na sumagot. Nakipag-usap lang ako sa hangin. Nang suriin ko ang cellphone, nakita ko ang malaking lamat sa screen nito. Natatawang binato ko ito sa bintana, sabay sapo sa mukha ko at humagulhol ng iyak na parang wala ng bukas. Kung may bukas pa ngang naghihintay sa akin. Sobrang pagod na ako, nag-iisa, at miserable. Halos hindi ko na maigalaw ang katawan ko. Gusto ko nang sumuko.
Naalala ko ang guardhouse sa tabi ng gate. Parang may nakita akong telepono sa dingding sa loob nito nang pasukin ko ito kagabi. Hindi ako sigurado pero may posibilidad na totoo ang nakita ko at hindi isang malikmata lang. Kung mapupuntahan ko ito at magagamit para matawagan sina Ma at Pa, ligtas na ako. Ilang oras lang ang hihintayin ko hanggang dumating ang mga ito kasama ang medics at mga pulis. Hindi magdadalawang-isip ang mga ito na suungin ang bagyo mailigtas lang ako. Pero...
Pero kaya ko bang suungin ang bagyo sa kalagayan ko ngayon? Matatanggap pa ba ng katawan ko ang pagtama ng mala-batong mga patak ng ulan? Ang mala-yelong lamig ng hangin? Ang mga lumilipad na yero? At paano kung makarating nga ako sa guardhouse, iangat ang telepono, at matuklasang wala itong linya? Gaano kalakas ang magiging pagsigaw ko habang umiiyak na nakaluhod at minumura ang kapalaran?
Isa lang ang paraan para malaman ang kasagutan.
Kailangan kong puntahan ang guardhouse.
Ihahakbang ko na lang ang mga paa ko nang maramdaman ko ang matinding pagkahilo at ang pag-ikot ng paligid. Ilang saglit pa ay nagdilim na ang lahat sa akin.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...