Sa mumunting liwanag na tumatagos sa bintana galing hallway naaninag ko ang tila paggalaw ng pinto ng cr ng silid. Ilang sandali pa, lumabas mula sa loob si Bruno. Hawak nito sa kamay ang isang maliit na karton na may nakasulat na FIRST AID KIT.
Agad kong pinunasan ng palad ang basa kong pisngi. Nag-iwas ako ng tingin nang tuluyan nang makalapit si Bruno.
"Miya, sinabi ko na sa iyo. Hindi kita iiwan," bungad ni Bruno. May lungkot sa boses nito na tila napagtanto nito na inakala ko na tuluyan na nito akong iniwan. Napansin kaya nito ang bakas ng luha sa pisngi ko? Lumuhod si Bruno. Binuksan nito ang kit at kinuha mula sa loob ang betadine at bulak. "Pinapangako ko sa iyo, gagawin ko ang lahat mapatawad mo lang ako. Hindi ko ginusto ang nangyari kay Layla. Hindi ko intensyon ang saktan ang kahit na sinuman."
Muli kong pinagmasdan si Bruno. Kasalukuyan nitong nilalagyan ng betadine ang hawak na bulak.
"Ang kamay mo, Miya."
Inilahad ko ang kamay ko. Agad itong hinawakan ni Bruno at buong pag-iingat na pinahiran ng betadine. Hinipan nito ang sugat ko nang makita ang pagpikit at pagtitiim ng bagang ko. Matapos ay tinapalan nito ng band-aid ang sugat. Nakita ko ang maaliwas na pagngiti ni Bruno habang nakamasid sa palad ko, tila labis ang ligaya na nagawa nitong magamot ang sugat ko at maibsan kahit konti ang sakit na nararamdaman ko.
Napangiti ako. Pero agad ko ring binawi nang mag-angat ng tingin si Bruno.
"Nawala ba kahit paano ang kirot, Miya? I hope it works. Ngayon ko lang ginawa ito sa tanang buhay ko. Ngayon lang ako nakahawak ng first aid kit."
"Medyo nawala. S-Salamat."
Muling tumayo si Bruno at umupo sa katabi kong silya. Nagtaas ako ng kilay nang makitang hinuhubad nito ang suot na rubber shoes.
"Ano'ng ginagawa mo?" tanong ko nang muling tumayo si Bruno at lumuhod sa harapan ko. Binuhat ng kamay nito ang paa ko habang hawak ng kabilang kamay ang isang sapatos. Napaamang ang mga labi ko nang isuot nito sa nanlalamig kong paa ang sapatos. Pagkatapos ay ang kabaak na sapatos naman ang isinuot nito sa kabilang paa ko.
"Sa tingin mo papayag ako na komportable ako sa suot kong sapatos habang nakayapak ka at nangangatog dahil sa lamig ng sahig? Never gonna happen, Miya."
"Paano ka? Malamig ang sahig. B-Baka magkasakit ka."
"Tingnan mo ang mga paa ko, Miya. Kasing laki ng mga paa ni Incredible Hulk," natatawang pahayag ni Bruno. Tumayo ito mula sa pagkakaluhod. "Madalas kasama ako ni Papa sa bukirin namin. Magdamag nakalublob ang mga paa ko sa putikan habang nagtatanim at nagbubungkal ng lupa. Ilang kilometro ang nilalakad ko sa masukal na kakahuyan nang walang suot na sapatos. Wala ng epekto sa akin ang lamig ng sahig na ito. Piece of cake."
"Bruno..."
Sumeryoso ang mukha ni Bruno. Naglaho ang kanina lang ay masiglang aura na bamabalot rito. Napansin ko ang bahagyang pamamasa ng mga mata nito.
"Miya, please, maniwala ka sa akin. Mahal kita. Hindi ko intensyon ang lokohin si Layla."
Nakita ko sa mga mata ni Bruno ang pagsasabi ng totoo. Gusto ko itong lapitan at yakapin, iparating na naniniwala na ako at hindi nito kailangang sisihin ang sarili sa pagkamatay ni Layla. Sadyang naging biktima lang kami ng mapaglarong pagkakataon na hindi umayon sa aming kagustuhan. Gusto ko siyang lapitan at dampian ng halik sa pisngi, pero pinigilan ko ang sarili. Biktima kami ng pagkakataon, at ayoko nang dagdagan pa ang kamalasang natatanggap namin sa pamamagitan ng pagbibigay kay Bruno ng maling pag-asa. Siguradong bibigyan nito ng ibang kahulugan ang yakap at halik na magmumula sa akin. Aakalain nito na senyales ito na sinusuklian ko ang pagmamahal na pinagtapat nito. Ayoko itong paasahin gaya ng ginawa nitong pagpapaasa kay Layla, intensyonal man o hindi. Hindi ko mahal si Bruno, at kailanman ay mananatiling kaibigan lang ang turing ko rito.
"Bakit ka nga pala nandito, Bruno?" tanong ko para ibahin ang usapan. Sapat na marahil ang kausapin si Bruno nang kagaya ng dati para iparating na naniniwala na ako sa mga sinabi nito. "Bakit nandito ka sa loob ng silid na ito? Ano'ng ginagawa mo rito?"
Natawa nang payak si Bruno.
"Akala ko hindi mo na ako tatanungin tungkol d'yan." Napabuntong-hininga ito. Muli itong naupo sa upuan na katabi ko. "Natatandaan mo ang sinabi ko kanina? Tungkol sa test paper?"
Marahan akong tumango, inaalala ang mga sinabi ni Bruno kanina habang naglalakad kami palabas ng Purvil High.
"B-Baliw ka talaga, Bruno," ang tanging nasabi ko.
"Oo, baliw ako Miya. Baliw ako sa 'yo." Agad na nagtaas ng mga kamay si Bruno habang nakangisi. "Okay, hindi magandang biro. I know. Sorry. Pinapatawa lang kita. Guess it didn't work."
"Alam mong may paparating na bagyo. Pero naisip mo pa ring gawin ang kalokohang ito."
"Alam ko. Tama ka. Marahil talagang nababaliw na ako."
"Bruno..."
"Gaya ng sinabi ko kanina, gagawin ko ang lahat para makapasa. Makakausad ako sa pang-apat na taon, pangako ko sa sarili ko. Sawa na ako sa paaralang ito. Tatlong taon na ako sa third year, Miya. God, gusto ko nang maka-graduate at makahanap ng trabaho. Ayokong maging magsasaka gaya ni Papa. Gusto kong kumita ng malaki para makatulong sa mga magulang ko. I want to be a teacher. Alam kong hindi pa huli ang lahat para sa akin. May pag-asa pa ako."
Muli, pinigilan ko ang sarili ko na yakapin si Bruno. Ramdam ko ang pagiging sinsero nito sa mga sinabi. Mapalad ang mga magulang ni Bruno. Nakadama ako ng lungkot at awa para sa mga magulang ko. Nagkaroon sila ng anak na walang pangarap sa buhay. Ni hindi ko man lang alam kung anong kurso ang kukunin ko sa college. Kung makakapag-college pa ako. Kapag minalas, mabibigyan ko pa sila ng matinding kalungkutan at paghihinagpis kapag tuluyan na akong hindi nakauwi ng bahay. Ilang taon nilang hihintayin at papangarapin ang muling pagbabalik ko nang hindi nalalaman ang totoong nangyari sa akin at kung saang masukal na lugar nakalibing ang naagnas kong bangkay. Habambuhay nilang papasanin ang bigat ng pagkawala ng kaisa-isa nilang anak na hindi na nila mayayakap at mahahagkan kahit na kailan. Hindi ko na masusuklian ang kabaitan at pagmamahal na binigay nila sa akin sa kabila ng pagiging suwail kong anak. Hindi ko na masasabi sa kanila kung gaano ko sila kamahal. Gusto kong itama ang lahat. Gaya ni Bruno, marahil hindi pa huli ang lahat sa akin. May pag-asa pa. Hangga't hindi pa ako napapatay ni Dragon Lady, may pag-asa pa.
"Ang malas lang at nagkataon pang gusto akong patayin nina Dragon Lady at ng prinsipal ngayon. Nadamay ka pa tuloy."
Sumimangot si Bruno at matamang akong pinagmasdan.
"You're so right, Miya. Hula ko may balat ka sa puwet. Aminin mo na."
Pinandilatan ko ito.
"Sorry to burst your bubble, Bruno. Mali ang hula mo. Baka ikaw ang may balat sa puwet."
"Sa tingin mo? Alright, see for yourself. Go on." Tumalikod ito at akmang huhubarin ang suot na pantalon pero agad ko itong pinigilan. Tatawa-tawa itong humarap habang kamot ang ulo. "Bakit mo ako pinigilan?"
"Baliw ka talaga, Bruno," bulyaw ko rito. Sa kabila ng pagkaasar hindi ko napigilan ang sarili ko na mapangiti. "Ikaw ang pinakabaliw na lalaki na nakilala ko dito sa Purvil High."
Lalong nagliwanag ang maamong mukha ni Bruno sa narinig.
"Tama ka, Miya. Baliw ako. Baliw na baliw ako sa iyo," sabi ni Bruno sabay kindat sa akin.
"Baliw," wala sa loob na sabi ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko kung wala si Bruno ngayon. Malamang na nag-iisa ako at nababaliw sa kakaisip kung paano matatakasan ang dalawang tao na gustong pumatay sa akin. Masuwerte ako at kasama ko si Bruno.
Sa isang iglap, nakita ko na lang ang sarili ko na nakayakap kay Bruno.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorreurNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...