Kabanata 16

63 9 16
                                    

Tila bumagal ang takbo ng bawat segundo, at habang nakatitig ako sa gumagalaw na doorknob gumuhit sa aking alaala ang isang pangyayari na kailanma'y hinding-hindi ko makakalimutan: Onse anyos ako nang subukan kong humithit ng sigarilyo. Kakaalis lang nina Mama at Papa para dumalo sa isang business meeting na gaganapin sa Manila, at gaya ng nakagawian ako lang mag-isa ang naiwan sa aming mumunting tahanan sa isang sikat na subdivision sa Pagsanjan. Hindi ko na inaksaya ang pagkakataon at hindi ko na pinagod ang sarili ko na magtungo pa sa silid ko. Alam kong gabi pa ang uwi nila kaya malaya akong gawin kung ano ang gusto ko. Nagmamadali kong binuksan ang isang kaha ng sigarilyo na nakatago sa bulsa ko at kumuha ng isang piraso, sinindihan gamit ang posporo. Ilang beses akong naubo na halos lumuwa na ang mga mata ko, pero tuloy pa rin ako sa ginagawa hanggang sa mapuno na ng mapuputing usok ang buong sala na animo'y may sunog. Nasa kalagitnan na ako ng pagsisigarilyo habang nakataas ang mga paa na nakahiga sa sofa, halos mauubos na ang hawak kong sigarilyo, nang bigla akong makarinig ng magkakasunod na busina at ang pagtigil ng isang sasakyan sa driveway. Nang sumilip ako sa labas ng bintana nakita ko sina Mama at Papa na naglalakad papalit. Kumaway sa akin si Mama nang makita ako na nakadungaw sa bintana, nakabitin sa kamay nito ang dalang shopping bag. Sobrang lakas ng kabog ng puso ko, nanuyo ang lalamunan ko, at naninikip ang dibdib ko na tila aatakihin ako sa puso anumang oras. Umiiyak na hinablot ko ang mga mantel na nakapatong sa lamesa at pinaghahampas sa hangin, pilit na binubugaw ang mga usok na mistulang mga multo na lumulutang. Lalo akong napaiyak nang makita ko ang paggalaw ng doorknob at marinig ang boses ni Papa. "Miya? Suspended ang meeting. Tara nang mamasyal sa Enchanted Kingdom! Miya?" Narinig ko ang pagkalansing ng mga susi. Sa puntong ito alam ko na walang pamamasyal na magaganap...

"Miya!"

May humila sa kamay ko. Si Bruno. Nakalapat sa labi nito ang sariling hintuturo habang nakaharap sa akin. Naaninag ko sa dilim ang hapis na mukha nito na nauukitan ng dalawang nanlalaking mga mata.

Agad kaming nagtungo sa likurang bahagi ng silid kung saan nakahimpil ang isang mini library. Bumungad sa amin ang magkakapatong na libro na nakahilera sa matangkad na bookshelf.

"Miya!" Binuksan ni Bruno ang malaking kabinet sa tabi ng isang mahabang bookshelf. "Pumasok ka rito. Bilis!"

Hindi na ako nagtanong pa at agad na sinunod ang sinabi nito. Mabilis akong yumuko at gumapang papasok. Ilang saglit pa ay nasa loob na ako ng kabinet kasama ang mga lumang libro at magazine. Lalong nagdilim ang lahat nang isara ni Bruno ang pinto ng kabinet.

Gusto kong tawagin si Bruno. Saan ito pupunta? Kasya pa kaming dalawa rito sa loob. Bakit nito ako iniwang mag-isa? Saan ito magtatago? Ano'ng plano nito?

Bahagyang humina ang buhos ng ulan. Narinig ko ang malalakas na pagkulog na tila mga batong nag-uumpugan pababa ng isang matarik na kabundukan. Kinapa ko ang kinauupuan ko, at nasalat ng nanginginig kong kamay ang isang aklat. Kinuha ko ito at niyakap na parang unan.

Narinig ko ang paglangitngit ng pintuan ng silid-aralan, kasunod nito ang mga yabag ng takong na tumatama sa sahig.

Biglang may tumagos na liwanag sa mga siwang ng kabinet na pinagtataguan ko. Walang ingay akong lumuhod at kukurap-kurap na sumilip.

Nakabukas ang lahat ng ilaw maging sa loob ng cr.

Bumilis ang pintig ng puso ko nang makita kung sino ang pumasok sa silid.

Si Layla! Buhay si Layla.

Nakatalikod ito habang nakaharap sa lamesa sa isang sulok at hinahalughog ang laman ng drawer. Tumatama sa liwanag ng ilaw ang kulay pula nitong buhok.

Akmang itutulak ko na pabukas ang pinto ng kabinet nang mapansin ko ang tilamsik ng putik sa suot na pulang uniform ni Layla.

Pulang uniform?

Napigil ko ang paghinga nang ihilig nito ang ulo at tumingin sa kinaroroonan ko.

Namasdan ko ang sugatang mukha nito. May benda na nakatapal sa isang mata nito na tila isang gamit na napkin dahil sa bahid ng dugo rito. Mistulang isang payat at matangkad na bata si Ms. Velasco habang kumukurap-kurap na pinagmamasdan ang mini-library na kinaroroonan ko. Bumuka ang bibig nito, tila may sinasabi sa sarili. Sa puntong ito, napagtanto ko na may sira ito sa pag-iisip. May pagka-isip-bata sa edad na tatlumpu; isang bugnuting bata na nakakulong sa katawan ng isang babae. Bahagya akong nakadama ng awa para kay Dragon Lady...pero mas nananaig sa kaibuturan ko ang matinding poot para rito. Poot sa ginawa nito kay Layla.

Nangilid ang luha ko nang bunutin pataas ni Ms. Velasco ang suot na buhok. Lumitaw ang  duguang ulo nito na animo'y isang itlog na kakalabas lang mula sa puwerta ng inahing manok. Gusto kong masuka. Walang pag-aalinlangan na nilagyan nito ng hawak na glue ang bumbunan, pagkatapos ay muling nilagay doon ang buhok ni Layla.

"Angle!" biglang sigaw ni Ms. Velasco na halos ikagulat ko. Hinampas nito ng kamao ang lamesa at pagkatapos ay pinagtatapon ang mga nakalagay sa ibabaw nito. Nagtalsikan ang mga libro at papel sa sahig. Nanginginig ang mga balikat na nilapat nito ang mga braso sa lamesa at inihilig ang ulo rito na tila matutulog. "Angle. What is a fucking angle! Answer me you little horseshit!"

Muling kumidilat nang napakalakas. Saglit akong napapikit. Nang muli kong imulat ang mga mata, nakita kong nakatingin si Ms. Velasco sa mga upuan sa first row.

"Fucking angle!" bubulong-bulong na naglakad si Ms. Velasco palapit sa first row, palapit sa mga upuan na ginamit namin kanina ni Bruno. "What is a fucking angle!"

Yumuko si Ms. Velasco na tila may pinulot sa sahig. Napigil ko ang paghinga nang makita kong hawak na nito sa isang kamay ang karton ng first aid kit. Lalong bumagsik ang mukha nito na tila naging aware sa paligid na parang asong lobo na nakaamoy ng sariwang laman at dugo. Nagpagala-gala ang isang mata nito.

Bruno, gusto kong isigaw. Nasaan ba si Bruno? Kailangan na naming makaalis dito. Basa ang upuan na ginamit ko kanina at malamang na naputikan ko ang sahig. Nakita na rin ni Dragon Lady ang first aid kit. Maaaring baliw ito pero hindi ito tanga. Kung bibiglain namin ang paglabas, may posibilidad na mabigla pa ang dragon sa hindi nito inaasahang pagkikita namin dito sa mismong silid-aralan nito. Pero paano kung kanina pa nito alam na hindi ito nag-iisa? Bruno, nasaan ka?

May kung anong mabalahibong sumagi sa binti ko. Nagbaba ako ng tingin.

Unti-unti nang naka-adjust ang mga mata ko sa dilim. Nagtayuan ang mga balahibo ko. Isang itim na daga na kasinglaki ng kuting ang matamang nakatingin sa akin gamit ang dalawang mala-tuldok nitong mga mata.

Mabilis kong tinakpan ang bibig ko. Sa halip na matinding tili, isang maikling ungol ang kumawala sa bibig ko.

Bahagya kong ginalaw ang mga tuhod ko, sinusubukang ipadama sa daga ang presensya ko, na hindi ito nag-iisa sa loob ng madilim na kabinet, na mas malaki ako rito at mas nakaaangat sa aming dalawa.

Persa halip na matakot, humakbang pa lalo palapit sa akin ang daga. Bago pa ako maka-react ay matagumpay na itong nakalundag at walang takot na pumatong sa balikat ko. Awtomatiko kong naihampas rito ang hawak kong libro. Tumalsik ang daga, sumalpok sa pader, at lupaypay na bumagsak sa ibabaw ng mga libro. Nagpakawala ito ng mahinang ingay ng paghihimagsik. Tinapunan ako nito ng mabalasik na tingin na tila minamarkahan ako, pagkatapos ay bahag ang buntot na nagtatakbo patungo sa malaking butas sa ilalim ng kabinet.

Pigil ang paghinga na muli akong sumilip sa labas.

Nakatingin sa kinalalagyan kong kabinet si Ms. Velasco habang humahakbang palapit. Hawak nito sa kamay ang isang double-barreled shotgun.

My Teacher is a Serial KillerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon