Paupo akong bumagsak sa sahig, kasunod nito ang ingay ng pagsara ng pinto. Gustuhin ko mang sumigaw subalit nanatiling nakalapat nang mahigpit sa bibig ko ang isang malaki at magaspang na palad.
"Huwag kang maingay," bulong ng isang boses lalaki malapit sa tainga ko. Naramdaman ko ang mainit na hininga nito na dumadampi sa balat ko.
Gusto kong magsalita pero nanatiling nakalapat nang mahigpit ang palad nito sa bibig ko. Kilala ko ang boses ng lalaki. Hindi ako maaaring magkamali.
Lalong lumakas ang buhos ng ulan. Mistulang niyayanig ang bubong maging ang kisame at dingding. Tumatanglaw sa sahig sa paanan ko ang liwanag na nagmumula sa labas ng bintana na kaharap ng hallway. Agad kong nilayo ang paa ko sa liwanag. Ilang saglit akong nanatili sa ganitong posisyon, nakaupo sa sahig habang nasa likuran ko si Bruno na nakahawak sa bibig ko. Pigil ko ang paghinga habang naghihintay ng mga susunod pang mangyayari.
Biglang lumitaw ang isang anino sa sahig.
"Antipasado? Where are you?" may paglalaro sa tinig ni Dragon Lady. Narinig ko ang mabilis na paghinga nito na tila asong hingal na hingal mula sa panganganak. "Antipasado? Magpakita ka. Huwag kang matakot. Papatayin lang naman kita. Antipasado?"
Tumigil ito sa harap ng nakasaradong pinto. Ilang sandali pa ay gumalaw ang doorknob.
"Antipasado, you in there?"
Humigpit ang pagkakahawak ko sa braso ni Bruno habang nakatitig sa pinto.
"Dala ko ang mga sapatos mo. Malamig ang sahig baka sipunin ka."
Tumigil ang paggalaw ng doorknob.
"Antipasado? Nasaan ka? Antipasado? ANTIPASADO!"
Palayo ng palayo ang boses ni Dragon Lady maging ang yabag ng mga paa nito. Narinig ko ang marahas na paggalaw ng doorknob sa kabilang silid.
Naglaho ang palad sa bibig ko.
"Bruno?" piyok ko. Unti-unti nang nakaka-adjust ang mga mata ko sa kadiliman ng silid. Natagpuan ng isang kamay ko ang pisngi ni Bruno. Suot pa rin nito ang kulay puting polo at itim na slacks. Malinaw na hindi pa ito nakakauwi sa kanila.
"Miya," bulong ni Bruno. May pag-aalala sa hapis na mukha nito. Marahan nitong hinaplos ang basa kong buhok. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito nang mapagmasdan ang mga sugat sa mukha ko. "Miya, what happened?"
Muling bumuhos ang luha sa mga mata ko. Agad kong sinubsob ang mukha ko sa dibdib ni Bruno habang tahimik na umiiyak. Hindi ako makapaniwalang makikita ko si Bruno. Ang buong akala ko mag-isa lang ako. Hindi man kami lubusang magkakilala at malapit sa isa't-isa, alam kong hindi ako pababayaan ni Bruno. Hindi ito papayag na patayin ako ni Dragon Lady.
Naramdaman ko ang paglapat ng mga braso ni Bruno sa balikat ko. Basang-basa ako at nilalamig. Biyaya galing langit ko nang maituturing ang init na binibigay ng katawan ni Bruno sa pagal at nangangatal kong katawan.
"Miya," muling bulong ni Bruno. Muli nitong hinaplos ang buhok ko. "Ano'ng nangyari sa 'yo? Bakit ka hinahabol ni Dragon Lady? I-Is she trying to kill you?"
Bumalik sa aking alaala ang pagragasa ng masaganang dugo mula sa napisak na mata ni Dragon Lady. Ang pag-aagawan ng baril nina Mrs. Villarica at Layla. Ang putok ng baril sa loob ng Principal's Office. Ang nawawalang ballpen.
Pinagtapat ko ang lahat kay Bruno.
Rumehistro ang pag-aalala sa mukha ni Bruno nang matapos ako. Napasulyap ito sa nakabukas na bintana sa isang sulok na nahaharangan ng matataas na bakod, tila iniisip kung posible ba namin itong maakyat at malagpasan. Bahagya itong napailing sabay muling tingin sa akin. Tumatama sa mga mata nito ang liwanag mula sa hallway.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
TerrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...