Kabanata 18

52 9 9
                                    

"Bingo! Tama ang sinabi mo, Hernandez. Hindi kita naririnig pero nababasa ko ang pagbuka ng bibig mo. Nag-iisip ka rin palang unggoy ka. Akala ko'y puro pakikipagbarkada sa mga patapong estudyante at pagka-cutting classes lang ang alam mong hinayupak ka. Marahil talagang gusto mo nang makapagtapos, right?"

Napansin ko ang bahagyang pangingilid ng luha sa mga mata ni Bruno. Nakuyom nito ang magkabilang kamao na tila masusuntok nito ang pinakamalapit na tao na maabutan ng kamay nito. Nakadama ako ng bahagyang kaba lalo nang sulyapan ako ni Bruno na tila ba ngayon lang nito ako nakita sa buong buhay nito. Nagbuka ito ng bibig na tila may gustong sabihin pero agad ding binawi.

"Kailagan pa ba na madamay ka sa gusot na pinasok ng babaeng kasama mo, Hernandez? Really? Are you that stupid enough? Alam mo sa sarili mo na wala kayong pag-asa na makatakas. Kontrolado ko ang lahat. I can see everything. I see you!"

Halos mapalundag ako sa kinatatayuan nang muling kumidlat nang napakalakas. Nagsipagsabuyan sa mukha namin ang malamig na tubig-ulan na tumalsik mula sa labas ng gate.

"Miya..." Naramdaman ko ang malamig na mga daliri ni Bruno na kumulong sa kamay ko.

"Alam ko na gusto mong makapasa sa taon na ito, Hernandez. Well, I can grant it to you. You know I can. Ako ang pinakamakapangyarihan dito. Magagawa ko lahat ng gustuhin ko. Ako ang batas!"

Kasabay nang muling pagbuhos ng malakas na ulan, narinig ko ang ingay ng pagtama ng mga takong sa aspaltong sahig, papalapit nang papalapit sa kinaroroonan namin ni Bruno. Nanindig ang mga balahibo ko nang lumitaw sa dulo ng hallway ang pigura ni Ms. Velasco. Kagaya nang inaasahan, nakatutok sa amin ang hawak nitong shotgun.

"Ms. Velasco? Ms. Velasco, naririnig mo ba ako?"

Tumigil sa paghakbang ang dragon sabay hilig sa ulo. Ilang saglit pa'y tumango ito.

"Huwag mong sasaktan si Hernandez, Ms. Velasco. I command it to you as your superior."

Kumakabog ang puso na sumulyap ako kay Bruno. Kinilabutan ako nang matuklasang kanina pa pala nito ako pinagmamasdan. Nakapako sa akin ang mga mata nito na parang mga tulos sa sobrang talim.

"Makakapasa ka this year, Hernandez. You have my word for it," matatag na panukala ni Mrs. Villarica. "Bubuhayin ka namin. Pero sa isang kondisyon. Well, kailangan ko pa bang sabihin, Hernandez? Alam kong matalino ka. You know what to do."

Sinubukan kong lumayo, bawiin ang kamay ko kay Bruno pero tila kadena na hindi matinag ang kamay nito na nakagapos sa pulso ko. Takang nakipagtitigan ako kay Bruno.

"Please, Miya, stay with me."

"B-Bitiwan mo ako, Bruno."

"No, Miya. I won't let you go. Hindi kita iiwan."

"Bruno..."

"I told you, Miya. Gagawin ko ang lahat makapasa lang this year. No matter what." May lungkot sa tinig ni Bruno.

"Bruno, please, makinig ka sa akin."

"Kill her. Now!"

Narinig ko ang pagtawa ni Ms. Velasco mula sa kinatatayuan nito. Binaba nito ang hawak na shotgun at tinukuran na parang baston. Tila isa itong batang paslit na nakarinig ng isang nakatatawang biro.

"Bruno, t-tara na. Umalis na tayo rito. B-Bitiwan mo ang kamay ko. Bruno!"

"Gagawin ko ang lahat makapasa lang at makapagtapos," ulit ni Bruno sa mababang tinig. Umukit ang ngiti sa labi nito na tila may naalalang magandang pangyayari sa buhay nito. "Naiintindihan mo naman ako, hindi ba, Miya? Walang masama sa hangarin ko. It's for my own good. Gusto ko lang maging masaya. Ang makuha ang gusto ko."

"Bruno, please."

"Ano pa'ng hinihintay mo, Hernandez. Patayin mo na ang babaeng 'yan. Or don't you have balls? KILL HER NOW!"

"Huwag kang makinig sa kaniya, Bruno. Please. Nangako ka na hindi mo 'ko pababayaan. Pareho tayong aalis dito!" umiiyak na paalala ko. "Nangako ka."

"I know, Miya. I know. Hindi ko nakakalimutan. And for that, I'm truly sorry," halos pabulong na sagot ni Bruno. "Some promises are made to be broken. Hindi ko kontrolado ang lahat nang lumalabas sa bibig ko. Minsan hindi ko na kilala ang sarili ko."

"Bruno..."

"Gusto kong makapasa. Sure. Pero walang silbi na makapasa ako kung ang kapalit naman nito ay ang buhay ng babaeng pinakamamahal ko." Hinaplos ni Bruno ang pisngi ko. "Ikaw ang kasiyahan ko. Ikaw ang gusto ko. Ang pangarap ko. Gagawin ko ang lahat, Miya, makapasa lang ako sa puso mo. Mahal na mahal kita."

"What are you waiting for? Kill her. Just kill her now!"

Tumingala si Bruno at humarap sa nakatutok na cctv camera. Nagtaas ito ng kamay at nag-dirty finger.

"YOU LYING SON OF A BITCH!" palahaw ni Mrs. Villarica kasabay ng malalakas na pagkulog. "Ms. Velasco, ano'ng tinatanga-tanga mo d'yan? Don't just stand there. Kill him. Kill her. Kill them both! KILL THEM. NOW!"

Sumisigaw na tumakbo papalapit sa amin si Ms. Velasco. Animo'y isa itong naulol na pulang toro na susuwagin kami gamit ang magkabila nitong sungay.

"Miya, yuko!"

Bago pa ako makayuko ay isang malakas na pagputok ang umalingawngaw sa kabuuan ng hallway. Tila pinasok ng sanrekwang mga bubuyog ang tainga ko. Nagbagsakan ang mga piraso ng salamin mula sa nabasag na bintana ng isang silid-aralan malapit sa kinatatayuan ko. Kasunod nito ang paghawak ni Bruno sa batok ko. Nakayuko kaming tumakbo palabas ng gate habang walang tigil sa pagmumura at pagsigaw si Ms. Velasco na paika-ikang nakasunod lang sa likuran namin.

Salungat sa inaasahan namin, napakaliwanag ng buong compound ng Purvil High. Nakabukas ang lahat ng mga lamp na pawang mga nakadikit sa pader. Maging ang stage ay nagliliwag na tila may hinihintay na tao na aakyat at kakanta sa unahan. Mistulang may magarbong pagdiriwang na magaganap sa gitna ng masungit na panahon. Sinadya talaga ni Mrs. Villarica na buksan ang mga ilaw sa labas para madali nila kaming mahanap. Sigurado akong nakatunghay ngayon sa amin ang butihin naming prinsipal mula sa Principal's Office habang nakaupo sa likod ng lamesa nito.

Nagsimulang tumama sa mga pagod naming katawan ang malalakas na hanging habagat at mala-sibat na ulan. Kahit basang-basa na kami, patuloy pa rin kami ni Bruno sa pagtakbo. Naririnig pa rin namin sa likuran ang sigaw at pagtawag sa amin ni Ms. Velasco. Nagpasalamat ako at shotgun ang dala nito at hindi sniper. Kung nagkataon kanina pa kami patay ni Bruno.

My Teacher is a Serial KillerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon