Masaya kaming naglalakad sa tabi ng Pagsanjan River. Ako, si Pa, at si Ma. Mataas na ang araw sa asul na kalangitan na siyang tumatanglaw sa pawisan naming katawan. Namumukadkad ang mga bulaklak na pawang mga nakatanim sa tabi ng nakahilerang cyclone fence na nagsisilbing harang sa tabi ng kulay asul na ilog. Mala-kristal ang tubig sa linaw na halos nakikita ko na ang mabato at mabuhanging ilalim ng Pagsanjan River maging ang hindi mabilang na mga isda na tila mga buhay na crayola na nagsisipaglanguyan sa magkakaibang direksyon. May nakita rin akong mga nakalutang na jellyfish na kasing kulay ng dugo at kasing laki ng bagong panganak na tuta. Masayang naglalaro ang mga bata at okupadong nagkukwentuhan ang mga matatanda sa kani-kanilang mga pagkakaupo sa mga batong upuan. Napangiti ako. Isa itong tanawin na kailanman ay hinding-hindi ko makakalimutan. Para akong nasa paraiso na dito lang sa bayan ng Pagsanjan mahahanap at makikita. Masuwerte ako at dito ako pinanganak. Wala na akong mahihiling pa.
Naupo kami sa bakanteng mga upuan sa tabi ng malaking puno ng akasya na siyang nagsilbing pananggalang namin laban sa papatinding sikat ng araw na unti-unti nang pumapaso sa balat namin. Marahang binaba ni Ma ang hawak na basket na puno ng mga pagkain, uminom ng tubig mula sa dalang tumbler, at nagsimulang ilabas ang mga paper plate. Para itong artista sa suot na sunhat. Natatawa si Pa habang nakatuon ang pansin sa hawak na cellphone at kinukuhanan ng video ang sarili para sa vlog of the day nito. Tahimik lang ako na nakatingin sa kanila, isang siyam na taong gulang na batang babae na nangangarap ding maging sikat na tao kagaya nina Ma at Pa balang-araw. Nangako ako sa sarili ko na hihigitan ko pa sila sa pagiging kilalang chef at vlogger. I will make them proud.
Masyado silang okupado sa kanilang ginagawa na hindi nila napansin nang tumayo ako at patakbong nagtungo sa tabi ng ilog dala ang isang kulay dilaw na salbabida na hugis bibe. Pinagsisipa ko ang ilang mga maliliit na bato na nakaharang sa daraanan ko habang panay ang sipol ng The Imperial March ng paborito kong pelikula na Star Wars. Pakiramdam ko ako si Darth Vader na patungo sa kung saan para tanggapin ang gantimpala ng tagumpay na nakuha ko sa isang masalimuot na digmaan. Sinipa ko ang nakatayong kastilyong buhangin na nadaan ko, kasunod nito ang pag-iyak ng isang batang lalaki na sa tingin ko ay mas matanda sa akin ng ilang taon. Nakaupo ito sa mabuhanging lupa, umiiyak habang binibigyan ako ng isang nag-aakusang tingin. Agad kong napansin ang mahabang pilat sa kaliwang pisngi nito. Ugly boy! Nagpalinga-linga ako sa paligid at nang makitang walang nakatingin ay salubong ang mga kilay na humakbang ako pabalik sa bata at marahas na muling sinipa ang ginawa nitong kastilyong buhangin. Napasigaw ito nang tumama ang ilang butil ng buhangin sa pangit na mukha nito at pumasok sa mga mata nito. Nagmamadali akong tumakbo palayo, nakangisi habang iniisip kung gaano ka-crybaby ang batang lalaki na iyon. Walang lugar ang mahihina dito sa mundong ito. They perish, never to be seen again. At hindi ako mahina. Isang bagay na maipagmamalaki ko kila Ma at Pa. May anak silang malakas at matapang. At patutunayan ko ito ngayon.
Tumuntong ako sa malaking bato na nakausli sa tabi ng ilog, nakatanaw sa malaking puno ng mansanas sa gitna ng kalmanteng tubig. Nakabaon ang katawan nito sa mabatong lupa na parang mumunting isla. Mistulan ito ang Pinagbabawal na Puno na nabanggit sa bible sa tuwing binabasahan ako ni Ma ng bedtime stories tuwing gabi. Kakaiba ang puno na ito dahil bukod sa bihira ang puno ng mansanas sa Pilipinas, misteryosong umusbong ito sa mismong gitna pa ng ilog na parang nakalutang na mahiwagang puno. Sumasabay sa ihip ng malamig na hangin ang kumpas ng mga sanga at dahon nito na puno ng mapupulang mansanas na tila nag-iimbita na mapitas.
Kung mapupuntahan ko ito at makakapitas ng bunga nito siguradong matutuwa sina Ma at Pa. Siguradong ipagmamalaki nila ako sa mga kaibigan nila lalo sa oras na ma-feature ako sa KMJS: Isang cute na 9-year old na batang babae ang nakapitas ng pinagbabawal na bunga at nabuhay para ikuwento ito. Napangiti ako.
Bigla akong natigilan sa kinatatayuan.
Na-featured na rin sa KMJS ang tungkol sa puno na ito sa gitna ng Pagsanjan River. May iba pang dahilan kung bakit naging infamous ang nasabing puno. Bukod sa misteryosong pagkakatanim sa gitna ng ilog, isa rin itong tampulan ng mga makapanindig-balahibong kuwento na nagsilbing panakot sa mga batang pasaway na kagaya ko. May engkanto raw na nakatira sa puno ng mansanas na kumukuha ng mga bata, dinadala sa mundo ng mga ito, at hindi na nakakabalik pa. May kakaibang excitement akong nadama sa kaisipang makakarating ako sa ibang mundo o dimensyon na kakaiba sa mundong kinagisnan ko, pero paano sina Ma at Pa? Ayaw ko silang iwan. Malulungkot sila kapag nawala ako. At isa pa...paano kung nakakatakot ang engkanto na maghahatid sa akin sa kabilang lupa? Kasing pangit ng mga halimaw na napapanood ko sa mga pelikula kagaya ng mala-palakang nilalang na gumagapang palabas ng inidoro.
May dalawang kamay na marahas na tumulak sa akin. Mabilis ang mga sumunod na nangyari. Nakita ko na lang ang sarili ko na nasa ilalim ng tubig habang kinakampay ang mga paa at kamay ko. Nang matagumpay kong maiangat sa ibabaw ng tubig ang ulo ko agad akong humugot ng malalim na hininga. Kinapa ko ang paligid, pilit na hinahanap ang salbabidang kanina lang ay hawak ko, subalit nabigo ako. Hindi ko alam kung ilang beses akong nakainom ng tubig. Sinubukan kong sumigaw para humingi ng saklolo subalit tanging pag-ubo lang ang nagawa ko. Sa likod ng mga nagtatalsikang mga tubig dulot ng paghampas ng mga kamay ko nakita ko ang bilugang mukha ng isang bata. Ito ang pangit na bata na inaway ko kanina. Kitang-kitang sa singkit na mga mata nito at ang paraan ng pagngisi sa akin ang matinding kasiyahan habang pinagmamasdan ako na unti-unting ginugupo ng tubig. Pinapanood lang ako ng bata habang nalulunod ako. Halos marinig ko ang pagsigaw ng mga mata nito sa akin na tila nagsasabing Sino ang kakain ng alikabok ngayon, bata? Sino ang iinom ng isang galon ng tubig? Sino ang mahina ngayon? Sino, bata? Sino?
Nakita ko ang pagdidilim ng kalangitan at ang pagpatak ng ulan na tila sa isang iglap ay nagluluksa na ang panahon sa pagkamatay ko. Naramdaman ko ang paggalaw ng tubig pasalungat sa paggalaw ko at natuklasang pataas ito nang pataas. Wala na ang bato na kanina lang ay tinuntungan ko, tuluyan nang nilamon ng tubig. Naramdaman ko ang malakas na daloy ng tubig sa mga paa ko na tila mga kamay na hinihila ako pababa patungo sa ilalim.
May bumagsak sa ibabaw ng tubig sa tabi ko. Naramdaman ko ang mga kamay na humawak sa bewang at kilikili ko. Napasigaw ako sa sobrang galak nang maaninag ang mukha ni Pa na nakaharap sa akin. Nawawala ang isang lens ng suot na salamin nito. Tila halamang-tubig ang mahaba nitong balbas na dumadantay sa balikat ko.
"Pa!" Agad ko itong niyakap nang mahigpit na parang salbabida sabay hagulhol. "Pa, tinulak ako ng batang lalaki. W-Wala naman akong ginawang masama sa kanya, Pa."
"Miya, kumapit ka nang mabuti sa Pa mo!" sigaw ni Ma sa hindi kalayuan. Tuluyan nang natanggal sa ulo nito ang suot na sunhat at tinangay ng malakas na ihip ng hangin.
Agad kong napansin ang katahimikan ng paligid. Walang katao-tao. Ano'ng nangyayari? Nasaan ang mga tao na kanina lang ay nakakalat sa bawat sulok ng sikat na lugar na ito? Bakit tila naglaho ang mga ito na parang bula.
"Alam mo, Antipasado, ikapapahamak mo ang pagiging suwail na anak," sabi ng isang tinig na lubos na kinabigla ko. Nang sulyapan ko ito natuklasan ko si Ms. Velasco na mariing nakahawak sa akin. Lumalabas mula sa walang laman na eyesockets nito ang sandamakmak na bulate na hitik sa laki. Habambuhay na nakangisi ang mga nakausli nitong ngipin na kasing talim ng kutsilyo. Sinubukan kong kumawala mula sa pagkakahawak nito ngunit nabigo ako.
Bago pa ako makasigaw ay tuluyan na akong nailubog ni Ms. Velasco kasama nito sa ilalim ng tubig.
"Ngayon, magkakasama na tayo palagi-lagi," mala-insektong anas ni Ms. Velasco habang papalubog kami nang papalubog sa madilim at walang hanggang lalim na tubig...
"Breath, goddammit! BREATH!"
Gusto kong sumigaw, igiit kay Ms. Velasco na imposible akong makahinga sa ilalim ng tubig at hindi ako engkanto na kagaya nito. Nakakapagsalita ito sa tubig. Malinaw na itong ebidensya na si Dragon Lady ang sinasabing engkanto na nagbabantay sa Pinagbabawal na Puno, at alipores nito ang batang lalaki na tumulak sa akin.
"Miya? Miya!" Mas malakas na ang tinig nito. At bakit tila ibang boses na ang naririnig ko? Hindi na kay Dragon Lady kundi kay...
Unti-unti kong minulat ang mga mata ko.
Tumambad sa akin ang mukha ng isang babae.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HororNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...