"L-Layla, buhay ka."
Lalong nangilid ang luha ni Layla. Sumilay ang ngiti sa maputlang labi nito habang nanatiling nakatutok sa akin ang hawak nitong baril.
"Oo, Miya. Buhay ako," natatawang sagot ni Layla habang panay ang agos ng luha sa magkabilang pisngi. "Ang akala ninyong lahat patay na ako. Naisahan ko kayo." Hinaplos nito ang duguang balikat. Ngayon ko lang napansin ang butas na tela kung saan tumulo ang mga natuyong dugo. "Nabaril ako ni Mrs. Villarica, Miya. Nawalan ako ng malay. Paggising ko...paggising ko, wala na akong buhok ." Nag-angat ito ng kamay at nakangangang hinaplos ang duguang ulo. Bahagyang nanlaki ang mga mata nito habang nakatingin sa mga daliri na nasayaran ng sariwang dugo. Patuloy ito sa pagbungisngis. "Nakakalungkot lang dahil antagal kong pinahaba at pinaganda ang buhok ko...tapos sa isang iglap mawawala na lang na parang bula."
"Layla..."
"Masakit, Miya. Sobrang sakit." Nanlisik muli ang mga mata nito sabay tingin sa akin. "But not anymore. Nothing can hurt me anymore."
"Layla, kailangan mong madala sa ospital. Mauubusan ka ng dugo. Please, makinig ka sa akin."
"Shut up!"
"Layla, please. Maawa ka."
"Maawa? Naawa ka ba nang hayaan mong mamatay si Bruno?" tanong ni Layla. Bahagyang umamo ang mukha nito nang mabanggit ang pangalan ni Bruno. Muling nangilid ang luha sa mga mata nito.
"Hindi ko siya hinayaang mamatay. Please, maniwala ka. Makinig ka sa akin. Huli na ang lahat," garalgal na paliwanag ko. "Pero hindi pa huli ang lahat para mailigtas kita. Hayaan mong dalhin kita sa ospital. Please, Layla, ibaba mo na ang baril. Hindi mo ako kaaway. Magkaibigan tayo."
"Magkaibigan? Matapos mong agawin si Bruno sa akin? Ang kapal ng mukha mo para sabihin sa akin na magkaibigan tayo. Wala akong kaibigan na ahas! Traydor!"
"Layla, alam mong hindi totoo 'yan."
"Sinungaling!"
"Mahal kita, Layla. Hindi ko magagawang traydurin ka." Marahan akong bumangon mula sa pagkakahiga sa sahig at naupo habang nakalapat ang likod sa dingding. Nasapo ko ang leeg ko na patuloy sa pagdurugo. Medyo nakakaramdam na ako ng pagkahilo. Halos umaalingawngaw na sa pandinig ko ang bawat salitang lumalabas sa bibig ko na tila nasa loob ako ng mahabang kweba. Hindi ko alam kung alin ang mauuna; ang pagbaril sa akin ni Layla o ang pagkaubos ng dugo ko. Alin man ang sagot, wala na akong pakialam. Sa sobrang sakit na bumabalot ngayon sa buong katawan ko, tila kahit anong klaseng kamatayan ay matatanggap ko na matapos lang ang paghihirap ko.
"Dapat hinayaan na lang kitang mapatay sa sakal ni Dragon Lady. I should have let you die. H-Hindi sana nangyari sa akin ito. Buhay pa sana si Bruno. Kasalanan mo ang lahat ng ito, Miya. Kasalanan mo!"
"Kasalanan ko. Sige. Pero kasalanan mo rin, Layla. Itigil mo na ang pangungumbinsi sa sarili mo na wala kang naging parte sa pagkamatay ni Bruno. Alam nating pareho na kasalanan nating dalawa ang nangyari," matatag na sabi ko. Pahapyaw kong pinunasan ang luha sa pisngi ko nang hindi inaalis ang tingin rito.
"S-Stop it. Wala akong kasalanan. B-Bawiin mo ang sinabi mo, bitch. Bawiin mo!"
"Kung hindi mo lang sana ako tinraydor, Layla. Kung hindi mo lang sana sinabi sa kanila ang tungkol sa ballpen, hindi sana nangyari ang lahat ng ito. Hindi sana namatay si Bruno." Hindi ko na napigilan ang emosyon ko. Batid ko na ang nalalapit kong kamatayan, pero hindi ko hahayaang mamatay ako nang hindi naipagtatanggol ang sarili ko kahit sa ibang paraan. Mamamatay akong may dignidad at respeto sa sarili ko.
Lalong bumangis ang mukha ni Layla. Nanginginig ang mga kamay na muli nitong tinutok ang baril sa akin.
"Go ahead, Layla. Barilin mo na ako. Handa na akong mamatay. Pero isa lang ang sinisiguro ko sa iyo. Mamamatay akong malinis ang konsensya ko. Minahal kita, Layla. Palagi mong tatandaan."
"T-This is a trick. Sa tingin mo gagana sa akin ang reverse psychology mo?" sabi ni Layla sa mahinang tinig. "H-Hindi mo ako maloloko, Dragonslayer."
Muli, hindi ko na nakontrol ang emosyon ko. Tumulo ang luha sa mga mata ko hindi dahil sa takot kundi dahil sa pag-asang nakikita ko habang nakatingin sa nag-aalinlangang mga mata ni Layla.
"Tignan mo ang mga mata ko, Layla. Sabihin mo kung nagsasabi ako nang totoo o hindi. Kilala mo ako. In fact, you know me very well. Ikaw ang bestfriend ko."
"B-Bitch," halos pabulong na sabi ni Layla. Marahan itong napailing habang patuloy pa rin na nakapako ang tingin sa akin. "Y-You stupid bitch."
Hindi na ako tumugon. Sa halip, nag-angat ako ng kamay at hinaplos ang kutsilyo na malalim na nakabaon sa balikat ko. Tiim-bagang ko itong binunot. Naramdaman ko ang pagragasa ng masaganang dugo mula sa lumitaw na sugat papuntang braso ko. Nanginginig ang mga daliri na binitiwan ko ang kutsilyo at nakapikit na muling sumandal sa dingding.
Nang muli akong magdilat ng mga mata, nakita kong binaba na ni Layla ang hawak na baril. Napaluhod ito sa sahig habang nakapikit na umuusal na tila nagdarasal.
"L-Layla..." tawag ko sa nanginginig na tinig. Tila nababalutan ng yelo ang buong katawan ko datapwa't panay ang tulo ng pawis sa noo ko. Nagtaas ako ng kamay at inilahad kay Layla, umaasa na aabutin nito ang palad ko.
Dinilat ni Layla ang mga mata. Wala na ang kanina lang ay mabangis na hayop na bumalot sa buong pagkatao nito. Bumalik na ang liwanag sa mga mata nito. Bumalik na ang dating Layla na masayahin at palaging nasa tabi ko sa oras na kailangan ko ng matatakbuhan at balikat na maiiyakan. Bakas sa duguang mukha nito ang labis na kalungkutan at hinagpis habang tahimik na umiiyak.
"Layla?"
"Tama ka, Miya. K-Kasalanan ko rin ang lahat. P-Pinagdudahan kita. Napakatanga ko. I swear to god hindi ko ginusto ang nangyari. Hindi ko ginusto ang nangyari. Maniwala ka!"
"Oo, Layla. Alam ko. Naniniwala ako sa iyo. Hindi mo ginusto ang nangyari," umiiyak na sabi ko. Ginalaw-galaw ko ang mga daliri ko, hinihintay na abutin ni Layla.
"Mahal ko si Bruno. Mahal din kita, Miya. Ang–Ang plano ko lang naman talaga mapatalsik ka rito sa school. H-Hindi ko naman inakala na aabot sa ganito. Naniniwala ka naman sa akin, hindi ba, Miya? Naniniwala ka sa bestfriend mo? You still consider me as your bestfriend, right?"
May kung ano sa timbre ng boses ni Layla na nagbigay ng kilabot sa nanlalamig kong katawan. Tila may pinahihiwatig ito na hindi ko maintindihan.
"Oo, Layla, ikaw pa rin ang bestfriend ko. At hindi mo ginusto ang nangyari kay Bruno."
Tuluyan nang napangiti si Layla sa narinig. Tila ang mga huling sinabi ko ang gusto nitong lumabas sa bibig ko sa simula pa lang. Muling tumulo ang luha sa mga mata nito.
"Layla?"
"B-Buti na lang naging bestfriend kita," walang emosyong sabi ni Layla habang nakatingin ng diretso sa akin. Wala na ang ngiti sa mga labi nito. "Ang swerte ko sa iyo."
Muli nitong tinutok ang baril sa akin.
"Pero minalas ka naman sa akin. Patawad, Miya. Patawad sa lahat."
"Layla..."
Tinutok ni Layla ang hawak na baril sa sariling sentido at walang pag-aalinlangang kinalabit ang gatilyo.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...