May gumagapang na kung ano sa dibdib ko. Kasabay nito ang paghugot ko nang malalim na hininga na halos sumabog na ang baga ko sa tindi nang pagkakasinghot ko. Nangati ang lalumunan ko, at bago ko pa ito mahaplos ay tuluyan nang bumulwak ang masaganang tubig-baha na nainom ko. Nanghihinang hinilig ko ang aking ulo habang panay ang pagragasa ng tubig sa bibig ko. Nang humupa na ang pangingirot ng tiyan at likod ko, unti-unti kong ginalaw ang mga kamay ko. Naramdaman kong muli ang bagay na gumagalaw sa katawan ko. Pahapyaw na tinulak ko palayo sa akin ang mga malalaking sanga ng puno na nakadagan sa akin pagkatapos ay nanginginig na sinalat ang bagay na malayang nakalapat at gumagalaw sa dibdib ko.
Napasigaw ako. Isang berdeng ahas ang nakapatong sa akin. Agad akong napabangon at walang takot na hinablot ang ahas. Bago pa man ako nito magawang tuklawin ay buong giting ko na itong naibato palayo. Tumama ang mahabang katawan nito sa filing cabinet bago lumagpak at lumubog sa baha.
Nasapo ko ang ulo ko at hinimas. Bahagya itong kumikirot na tila nagbabantang sumabog anumang oras. Pakiramdam ko nabugbog nang husto ang buong katawan ko. Pero bukod sa mga maliliit na galos at nangingitim na pasa himalang wala akong natamo na kahit isang bali man lang o pilay.
Buhay ako! Hindi ko alam kung paano pero himalang nakaligtas sa sayaw ng kamatayan. Bukod sa pagkakatangay sa akin ng baha at pagkakabagok ng ulo ko sa isang matigas na bagay, wala na akong iba pang maalala.
Tahimik ang buong silid na kinaroroonan ko. Bukod sa okasyonal na pagkulog at paghagupit ng malakas na hangin sa dingding sa labas, tanging ang paghinga ko na lang ang bumabasag sa katahimikan. Nang sulyapan ko ang suot kong relo, natuklasan ko na alas singko na ng madaling araw. Ilang oras pala akong nawalan ng malay.
Maingat akong tumayo mula sa pagkakaupo sa basang sahig. Hindi gaanong maliwanag pero aninag ko mula sa kinatatayuan ko ang mga nagkalat na kagamitan at nagkukumpulang mga sanga ng puno sa isang sulok na tila isang maliit na bundok. Sa nakabukas na pintuan nakasilip ang baha na tila wala nang interes na pumasok matapos itaboy sa loob lahat ng dala nito. Unti-unti ko nang napagtanto ang nangyari. Tinangay ako ng rumaragasang baha at walang malay na tinapon dito sa loob ng nakabukas na silid. Hindi ko alam kung matatawa ako o maiiyak sa sinapit ko. Ang buong akala ko ay tapos na ang paghihirap ko. Pero mukhang may nakatakda pang kaganapan na tuluyang sisira sa pagkatao ko. Hindi pa tapos sa akin ang bagyo. Paglalaruan muna ako nito bago tuluyang itapon na parang basura.
Get a grip, Miya. You're not making any sense!
Bago ko pa mapigilan ay kumawala na ang mahinang tawa mula sa bibig ko. Agad akong napasandal sa dingding at hinayaang humupa ang matinding emosyon nais kumawala sa buong sistema ko.
Kumidlat ng malakas. Bahagyang nagliwanag ang paligid. Nakayuko akong sumilip sa labas ng nakasaradong bintana.
Tila dinaanan ng buhawi ang Purvil High. Mistulang naging tambakan ng mga basura ang buong compound sa dami ng mga nakalutang na bagay mula sa maliit hanggang sa malaki; mga nabaling sanga, mga nabaklas na yero, silya, lamesa, at kung anu-ano pa. Sa isang sulok makikita ang gumuhong silid-aralan na katabi lang ng silid-aralan naming mga third year Section A. Nakaangat ang bubong nito na parang balat na tinalupan. Nakalapat sa nawasak na dingding ang isang puno na tinalo ang bulldozer sa kapal at laki.
Dumako ang mga mata ko sa canteen. Nakaangat ang ilang bubong nito at basag ang lahat ng salamin sa bawat bintana. Gumagalaw at sumasabay sa hampas at daloy ng rumaragasang baha ang nakabukas na pintuan nito.
Bruno, sigaw ng isipan ko kasunod ng pagtulo ng mga luha ko. Gusto kong humakbang at tahakin ang bawat debris na haharang sa daan ko mapuntahan lang ang canteen at makita si Bruno. May parte ng puso ko na nagsasabi na hindi patay si Bruno. Kung nakaligtas ako sa sayaw ng kamatayan, malamang na nakaligtas rin si Bruno sa tumamang bala rito. Maaaring himala rin na nabuhay ito kagaya ko. Muling tumulo ang luha sa pisngi ko. Kalabisan na ba ang mangarap ng isa pang himala sa pagkakataong ito? Bakit kailangang ako lang ang makaligtas at hindi ang mga kaibigan ko?
Kumabog nang malakas ang dibdib ko. Pinag-aralan ko ang kabuuan ng silid na kinaroroonan ko. Pamilyar sa akin ang silid na ito. Nakapunta na ako dito. Sa katunayan, ilang beses na akong pinapunta rito sa tuwing may nangyayaring aktibidad sa Purvil High kung saan kasama sa agenda ang patalsikin ang pinakamamahal naming prinsipal.
Tinapunan ko nang matalim na tingin ang lamesa sa isang tabi. Nakasulat sa name plate na nakapatong sa ibabaw nito ang Purification Villarica PRINCIPAL. Sa tabi nito tahimik na nakapatong ang nakabukas na box ng chocolate cake na regalo ni Dragon Lady sa demonyang kapatid nito. Nakatusok sa ibabaw nito ang isang bread knife.
Nakuyom ko ang magkabilang kamao ko. Kaya pala ganoon na lang ang pagiging malapit ng mga ito sa isa't-isa. Wala sa hinagap naming lahat na lihim na magkapatid ang mga ito. Kung ano man ang dahilan sa ginawang paglilihim ng mga ito wala na akong interes pa na malaman. Patay na si Ms. Velasco. At kailangang mamatay rin si Mrs. Villarica.
Nasa mataas na lupa ang kinatatayuan nitong Principal's Office, kaya hindi na nakapagtataka na hindi ito gaanong inabot ng baha hindi gaya ng ibang silid -aralan. May dahilan marahil ang tadhana kung bakit dito ako dinala ng baha. May dahilan ang lahat ng bagay, naalala kong palaging binabanggit ng relihiyoso kong mga magulang sa akin sa tuwing magsisimba kami. Every thing has a reason. Nag-alinlangan ako sa mga sinabi ng mga ito.
Hindi na ngayon.
Lumapit ako sa lamesa at naupo sa swivel chair. Dinampot ko ang kutsilyo na nakatusok sa ibabaw ng cake saka naghiwa ng kapiraso. Regalo ito ni Dragon Lady kay Mrs. Villarica sa kaarawan nito ngayon. Naaalala ko na paulit-ulit na sinabi ni Mrs. Villarica na paborito nito ang chocolate cake. Kumakain pa ito habang kinakausap ako na parang nasa sariling bahay lang ito. Inappropriate! ang naalala kong bulalas nito bilang tugon sa nasabi ko na hindi ko na matandaan. Bumakas ang payak na ngiti sa mga labi ko.
Inappropriate. You're so right, Mrs. Villarica. Very inappropriate, indeed Sabihin mo na ang lahat nang gusto mong sabihin. Pagbibigyan kita dahil huling kaarawan mo na ngayon!
Tama si Bruno. Sapat na ang chocolate para maibsan ang gutom ko at manumbalik ang lakas ko. Kailangang may lakas ang kamay ko para maitarak ang kutsilyo sa matigas na leeg ni Mrs. Villarica. Wala na akong mahihiling pa sa buong mundo kundi ang makita ang masaganang dugo na bumubulwak sa nabutas na leeg nito.
Bago sumikat ang araw sisiguraduhin kong susunod na si Mrs. Villarica sa impiyerno gaya ng kapatid nitong dragon.
Tahimik akong kumagat ng chocolate cake at iiling-iling na ngumuya habang mariing pinaglalaro sa kamay ko ang kutsilyo.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
УжасыNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...