"What is this?" Itinuro ni Ms. Velasco ang iginuhit nito sa blackboard gamit ang chalk. "What kind of angle is this?"
Nagtaas ng kamay si Karina.
Gosh, Karina. Please, don't do it. Sinisira mo ang mga plano ko, naisaloob ko.
"Antipasado?"
Gaya nang inaasahan, napansin ako ni Ms. Velasco. Bakit pa ako nainis kay Karina? Alam naman naming lahat na invisible si Karina sa mundo ni Dragon Lady. Sa mundo nito, kaming mga mahihina sa Math lang ang umiiral sa silid na ito. And God knows kung ano pang mga pamamahiya ang ipatitikim nito sa amin.
"What kind of angle is this?" Hinampas ni Dragon Lady gamit ng ruler ang blackboard. "Ano? Bilis. Sagot agad! You should know this. Matalino ka, hindi ba?"
Acute angle! Ang akala ng dragon na ito napakahina ko sa Math. Hindi ba nito alam na hindi porke't ayoko sa Math ibig sabihin ignorante ako rito?
"Obtuse angle po."
"Ay Gaga! Ano'ng obtuse angle? Mukha bang obtuse angle 'yan!" Halos magputukan ang litid ni Ms. Velasco sa leeg. Sa talim nang pagkakatingin nito sa akin, aakalain mong nakagawa ako ng isang karumal-dumal na krimen na hinding-hindi nito mapapatawad kahit sa kabilang buhay.
"S-Sorry po, Ms. Velasco," paumanhin ko sabay yuko.
"Naturingan kang presidente ng klase na ito pero napakabobo mo sa Math, Antipasado. Simpleng tanong hindi mo masagot ng tama. Gaga!"
Napakagat-labi ako. Kagaya nang inaasahan, ako pa rin ang parausan ng init ng ulo nito. Mula nang magsumbong ako sa prinsipal, ako na ang naging paborito nitong tampulan ng mga panlalait at panggigipit. Malinaw ang pagkaaburido sa mukha nito sa tuwing nakikita ako. Walang araw na hindi nito ako pinahihiya. Hindi na ako magtataka kung isang araw malaman ko na lang na binagsak ako nito sa Math. Mapapa-summer class ako nang wala sa oras. Siguradong magagalit sa akin ang mga magulang ko. Ano'ng silbi ng pagpapaaral ng mga ito sa akin sa isang private school kung ibabagsak ko lang ang isa sa mga pinakaimportanteng subject?
"Ano, boba? Cat got your tongue?" Punum-puno ng pang-uuyam ang boses ni Ms. Velasco. Kulang na lang ay lumundag ito at sakmalin ako. "Look at me when I'm talking to you, you little piece of shit!"
Nag-angat ako ng tingin.
"A-Ang sakit n'yo naman pong magsalita, Ms. Velasco."
Narinig ko ang manghang bulalasan ng mga kaklase ko. Nang pasimple akong lumingon, nakita ko ang nakakunot-noong si Bruno na matamang nakatingin sa akin. Bakas sa namumutlang mukha nito ang pangamba para sa kalagayan ko na tila ba iniisip nito na totoong dragon si Ms. Velasco na handa akong bugahan ng apoy anumang oras nito naisin.
"Truth hurts!" sigaw ng dragon.
Muli kong binaling ang tingin kay Dragon Lady.
"Pero wala pa rin kayong karapatan para laitin ako, Ms. Velasco."
Humakbang palapit sa akin ang dragon, mga mata'y nagbabaga sa likod ng salamin nito.
"At sino ka para sabihin sa akin ang mga dapat kong gawin? Sino? Estudyante ka lang. Ang kapal ng mukha mong pagsabihan ako! Who the hell do you think you are? You're nothing!"
Gan'yan nga, Ms. Velasco. Magalit ka pa. Ipakita mo sa buong mundo kung sino ka talaga. Pagkatapos ng araw na ito, sisiguraduhin kong magte-trend ka sa social media. Pagsisisihan mo ang lahat ng mga ginawa mo sa amin.
Ramdam ko ang tumataas na tensyon ngayon sa pagitan namin ni Ms. Velasco. Maging Ang mga kaklase ko ay kanya-kanya ng usapan habang nakatunghay sa aming dalawa. NASA mukha nila ang pagkabahala at takot.
"Freedom of expression, Ms. Velasco. Gaya ng ginawa ko nang isumbong ko kayo sa prinsipal last time. Nakalusot ka, pero kung sa tingin mo buong school year mo kaming matatakot, nagkakamali ka, Velasco, or should I say, Dragon Lady?"
Parang nakakita ng multo si Ms. Velasco. Nakita ko ang paggalawan ng mga daliri nito sa magkabilang kamay na tila gusto nito akong sabunutan hanggang sa malagas ang pinakahuling hibla ng buhok ko.
"What did you just call me?"
"Maglinis ka nga ng tutuli mo. Ang sabi ko Dragon Lady."
"How dare you!" Nakuyom ni Ms. Velasco ang magkabilang kamao. Sa oras na magpakawala ito ng suntok o sampal, panalo na kami laban sa dragon. Pasado na kami sa requirement na hiningi ni Mrs. Villarica. May physical abuse na. Bukod pa roon, hindi nagsisinungaling ang video camera ko na hanggang ngayon ay rumorolyo pa rin. "You little piece of stinky shit!'
"Stinky shit?" Lalong bumalasik ang mukha ni Ms. Velasco nang makita ang pagngisi ko. "Wonderful, Dragon Lady. But then again, lahat naman ng tae mabaho. Maliban na lang kung mabango ang tae mo. What's it called? Holy shit?"
"Pagbabayaran mo nang mahal ito, Antipasado!"
"I don't think so!"
Nag-angat ng mga kamay si Ms. Velasco at hinablot ang kuwelyo ng uniform ko. Hinigit nito ako paitaas hanggang sa maging pantay ang mukha naming dalawa. Dumampi sa pisngi ko ang mainit na hininga nito na tila galing sa bunganga ng nagliliyab na pugon.
"B-Bitiwan mo ako!"
"I should teach you how to respect your teacher, you stupid bitch!"
"Ambaho ng hininga mo!"
"Y-You bitch—"
Lumingon ako. Nasilayan ko ang mukha ng mga kaklase ko. Lahat sila may nakaukit na ngisi sa mga labi. Ang iba ay tumatawa nang tahimik sa kani-kanilang mga upuan.
"Guys, sino'ng may tawas sa inyo?" Muli kong binalik ang tingin kay Ms. Velasco. "Bigyan n'yo nga ng tawas si Dragon Lady at amoy kili-kili ang hininga niya."
"Hayup kang bata ka," makamandag na anas ni Ms. Velasco. Kung naging laser lang ang titig nito malamang kanina pa ako natunaw na parang kandila sa tindi nang pagkakatitig nito sa akin.
"Mas hayop kang matanda ka!"
Lalong lumakas ang tawanan sa loob ng classroom.
Hindi maipinta ang mukha ni Ms. Velasco. Para itong bulkan na malapit nang sumabog anumang oras. Nagpagala-gala ang mga mata nito, sinisipat ang mukha ng mga kaklase ko, tinatandaan marahil kung sinu-sino ang mga pangahas na tumatawa. Siguradong isa ako sa mga ibabagsak nito.
Pero sisiguraduhin kong si Dragon Lady ang unang babagsak. At sisiguraduhin kong hinding-hindi na siya makakabangon pa.
Pinagmasdan ko ang malugay na buhok nito. Pinangarap ko rin dati ang magkaroon ng magandang buhok nang kagaya kay Dragon Lady. Pero napagtanto ko mula nang madiskubre ko ang lihim nito, na hindi lahat ng magagandang bagay na nakikita ng ating mga mata ay totoo.
Hindi lahat ng kumikinang ay ginto.
"Ang ganda ng buhok mo, Dragon Lady. Saang funeral parlor ka nagpapa-rebond?"
Lalong lumakas ang tawanan.
Nanlaki ang mga mata ni Ms. Velasco nang makitang hahablutin ko ang buhok nito.
"No. No. Don't you dare—"
Agad nitong binitiwan ang kwelyo ko at mabilis na umatras.
Pero mas mabilis ang mga kamay ko.
Naiwan sa mga kamay ko ang malago at mahaba nitong buhok.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
TerrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...