Kabanata 33

40 7 7
                                    

Naramdaman ko ang malamig na talim ng kutsilyo na bumaon sa leeg ko, at kung hindi ko agad nahawakan ang kamay ni Ms. Velasco sa huling segundo para pigilan ito, malamang na nakatagos na ang dulo ng kutsilyo palabas ng batok ko. Buong lakas kong tinulak palayo sa akin ang dragon, pero bago ko pa maihakbang paatras ang mga paa ko ay muli ako nitong sinugod at inundayan ng matinding saksak. Awtomatikong sinalag ng kanang kamay ko ang pag-atake nito. Kapalit nito ang pagkakabaon ng talim ng kutsilyo sa mismong palad ko na tumagos sa kabilang bahagi nito kasabay ng pagtagas ng dugo na tumalsik sa pisngi ko. Tila nalunok ko ang dila ko n kahit pagsigaw ay hindi ko na nagawa. Parang nagmanhid ang buong katawan ko habang gumagapang ang mala-kuryenteng sensasyon mula sa leeg at kamay ko. Sa bawat pag-unday ng saksak sa akin ni Dragon Lady tila nagiging panaginip sa akin ang lahat. Mistulang bumagal ang takbo ng paligid na tila nakalublob ako sa ilalim ng isang swimming pool. Maging ang paghinga ko. O sadyang ganito lang talaga ang pakiramdam ng isang taong nauubusan na ng dugo? Ramdam ko ang unti-unting pagkawala ng kulay ng mukha ko habang nakanganga at nakatingin sa paparating na dragon. Hindi ito nangyayari. Isang masamang bangungot na anumang oras mula ngayon ay magigising ako. Imposibleng buhay pa si Ms. Velasco. Napatay na ito ni Bruno kagabi. Nakita ng dalawang mata ko kung paano rumagasa ang masaganang dugo mula sa hiwa sa leeg nito at kung paano bumagsak at lumubog ang katawan nito sa ilalim ng baha. Imposibleng nabuhay pa ito. Isa lang itong bangungot. Magigising din ako.

Nang maramdaman ko ang tuluyang pagbulwak ng masaganang dugo sa leeg ko, nang biglang kumirot na parang bulok na ngipin ang nahiwa kong kamay, nang mapagmasdan ko ang nag-aalab na poot sa matatalim na mga mata ni Ms. Velasco, napagtanto ko na totoo ang lahat ng nangyayari ngayon. Isang bangungot na nauwi sa nakapangingilabot na reyalidad. Buhay si Dragon Lady. Bumangon ito mula sa matubig na hukay para tapusin ang nasimulan nito. Uhaw ito sa dugo ko. Titigil lang ito kapag namatay ako. At sa pagkakataong ito, wala ng Bruno at Layla na makakapagligtas sa akin. Mag-isa na lang ako na haharapin at lalabanan ang dragon hanggang sa isa na lang sa amin ang matirang nakatayo at patuloy na humihinga.

Sa nanlalabo kong paningin nakita ko ang baril na tahimik na nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Gamit ang natitira ko pang lakas nangangatog ang mga tuhod na humakbang ako palapit sa lamesa habang sapo ng isang palad ang nagdurugo kong leeg. Narinig ko ang muling paghiyaw ni Dragon Lady mula sa likuran ko. Saktong pagkahawak ko sa baril nang muli ako nitong undayan ng matinding saksak. Bumaon ang talim ng kutsilyo sa kanang balikat ko na tumagos hanggang buto. Humihiyaw sa sakit na tinutok ko ang baril kay Ms. Velasco, halos makakalabit ko na ang gatilyo, ngunit parang isang hangin sa bilis ang dragon. Sa isang iglap lang mahigpit na nakahawak na rin ito sa duguang kamay ko habang naiwang nakabaon at paalog-alog ang kutsilyo sa balikat ko. Hinagilap ng isang kamay ko ang ulo ni Dragon Lady, naghanap ng makakapitan subalit tanging ang malagkit na bumbunan lang nito at iilang hibla ng buhok ang nahablot ng mga daliri ko. Muli akong napasigaw nang marahas na hablutin ni Dragon Lady ang buhok ko at buong giting na isubsob ang duguan kong mukha sa gilid ng lamesa na siyang nagpabali sa ilong ko at nagpaputok sa nguso ko. Napadiin ang hawak ko sa baril at pumutok. Nawarak sa gitna at nagkapira-piraso ang malaking picture frame na nakasabit sa dingding. Muling pumutok ang baril. Sumabog at nabasag ang aquarium sa tabi ng bintana. Parang mga butete na nagtalunan sa sahig ang nagkalat na mga isda kasama ng mga nagtalsikang mga piraso ng salamin.

"Mamatay ka. Mamatay ka!" Nanggigigil na sigaw ni Dragon Lady habang nakikipag-agawan ng baril sa akin. Inilapit nito ang mukha sa mukha ko sabay labas ng mga ngipin. Mistulan itong mabangis na hayop na nakawala mula sa matagal na pagkakakulong. Amoy na amoy ko ang matinding halimuyak ng kamatayan at paghihiganti na bumabalot sa buong pagkatao nito. Sa talim ng dalawang nanlilisik na mga mata nito malinaw na wala itong balak na buhayin ako. Sa oras na matalo ako nito at maagaw ang baril sa kamay ko, tiyak na ang kamatayan ko.

Kinagat ko ang kamay nito. Napahiyaw ang dragon sa sakit at kasunod nito ang magkakasunod na hambalos ng suntok na tumama sa ulo ko. Lalo kong diniinan ang pagkakalubog ng mga ngipin ko hanggang sa maramdaman ko ang pagbulwak ng dugo na sumayad sa dila ko. Sinubukan kong ihilig ang ulo ko, sinubukang iwasan ang mga suntok na patuloy na pinapakawalan ng dragon habang humihiyaw, pero bago ko pa magawa ay matagumpay na akong natuhuran nito sa tiyan sabay tulak sa akin nang pabalya. Tumama ang likuran ko sa lamesa, at bago pa ako makabuwelong muli ay nakita ko na lang ang sarili ko na nakahiga sa maduming sahig at nakatingala habang nakatingin sa dulo ng baril na kasalukuyang nakatutok sa akin.

"Ngayon pagbabayaran mo ang ginawa mo kay Bruno," nanggagalaiting sigaw ni Dragon Lady. Nakita ko ang pagragasa ng luha sa mga mata nito kasabay ng pagtulo ng sariwang dugo sa mga nakausling sugat sa kalbong ulo nito. "Pagbabayaran mo nang mahal, Dragonslayer!"

Tumulo na rin ang luha sa mga mata ko. Bakit hindi ko kaagad ito namukhaan? Ngayon ko lang napansin ang nawawalang anit nito sa ulo na halos nakalitaw na ang bungo nito na natatapalan ng iilang piraso ng balat at nakausling hibla ng buhok. Kulay pulang buhok na mistulang hibla ng sinulid. Ibang-iba sa makinis at ahit na ulo ni Ms. Velasco. Natatapalan ng napakaraming dugo ang puting uniform nito na inakala kong pulang uniform ng mga guro dito sa Purvil High. Para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa natuklasan. Parang gustong kong magsisigaw kasabay ng pagsigaw ng mga sugat na nagpapahirap sa nanghihina kong katawan.

Hindi ko akalaing pagtatangkaan akong patayin ni Layla.

My Teacher is a Serial KillerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon