Kabanata 17

69 12 14
                                    

Agad akong yumuko at sumandal. Ramdam ko ang muling pananakit ng katawan ko na tila ba nagsisigawan ang bawat sugat at kalmot na natamo ko. Sinubukan kong sumigaw, tawagin ang pangalan ni Bruno, magmakaawa na iligtas ako laban kay Ms. Velasco, pero walang tinig na lumabas sa bibig ko. Tila may isang parte pa rin sa isipan ko na na umaasa na nagkamali lang ako, na hindi alam ni Ms. Velasco na nandito ako sa loob ng kabinet. Narinig ba nito ang ginawa kong paghampas sa daga? Umabot pa sa pandinig nito ang paglangitngit ng kabinet? Narinig ba nito ang bawat paggalaw ko? Ang paghinga ko? Ganito ba katalas ang pandinig ni Ms. Velasco? Ganito ba ang mga dragon?

"Nasaan kaya si Antipasado? Saan kaya siya nagtatago?" narinig kong tanong ni Ms. Velasco sa sarili, o sa hangin, o sa tao na ito lang ang nakakakita. Papalapit nang papalapit ang boses nito.

Humigpit ang kapit ko sa hawak kong libro. Nanatili akong nakatitig sa siwang ng pinto ng kabinet na parang batang paslit na hinihintay ang pagdating ng bogeyman, datapwa't magkaiba ng posisyon; ang bogeyman ang nasa labas habang ang bata ang nasa loob ng kabinet.

Kumulog nang napakalakas. Hindi ko na maintindihan ang mga sumunod pang sinabi ni Ms. Velasco, pero alam kong nagsasalita pa rin ito habang papalapit.

Bumukas ang pinto ng kabinet. Pumasok ang liwanag na bahagyang nagpasilaw sa akin.

Bumungad sa akin ang maputlang mukha ni Ms. Velasco. Nakatutok sa akin ang dalawang dulo ng hawak nitong shotgun na tila kambal na mata ng kamatayan sa laki at dilim.

"Handa ka na bang sumabog ang utak mo, Dragonslayer?" malumanay na tanong ng dragon. Kumurba paitaas ang isa dulo ng labi nito. "Oh, wait, wala ka nga palang utak. Isa kang bobong estudyante. Napakabobo sa Math. Ay Gaga!"

"N-Nababaliw ka na," ang tanging nasabi ko sa garalgal na tinig. Ma, Pa, paalam. Hanggang sa muli. Mahal na mahal ko kayo...

"Angle! What is a fucking angle?" bulalas bigla ni Ms. Velasco sa mataas na tinig. Nagtiim ang mga bagang nito na tila may nalalasang hindi maganda. Kinasa nito ang hawak na shotgun at muling tinutok sa akin. "What is an angle, bitch?"

Sa halip na sumagot ay nangangatog na tinaas ko lang ang hawak ko na libro na parang kalasag.

"WHAT IS A FUCKING ANGLE!"

"Here's your fucking angle, you stupid one-eyed bitch!" sigaw ng isang tinig.

Boses ni Bruno!

Bago ko pa maibuka ang bibig ko para isigaw ang pangalan nito, isang bagay ang biglang lumitaw at bumagsak kay Ms. Velasco. Nahagip pa ng paningin ko ang panlalaki ng isang mata ni Dragon Lady habang nakatingala bago ito tuluyang madagan ng mabigat na bookshelf. Nagbagsakan sa sahig ang napakaraming libro at magazine.

Lumitaw sa harapan ko si Bruno habang nakatapak sa bumagsak na bookshelf.

"Miya, tara na!" sigaw nito sabay lahad ng kamay.

Mabilis akong gumapang palabas ng kabinet patungo kay Bruno. Inabot ko ang naghihintay na palad nito.

"Umalis na tayo rito," anas ni Bruno habang inaakay ako patayo.

"I think that's a good idea, Bruno."

Tumalon si Bruno pababa mula sa tinutuntungan naming bookshelf. Nang makalapag ay nilahad nito ang magkabilang kamay habang nakaharap sa akin, hinihintay ang pagbaba ko.

Tatalon na ako nang biglang gumalaw ang bookshelf, tumagilid at umangat. Narinig ko ang mahinang ungol at impit ng daing na nagmumula sa ilalim. Nang silipin ko ay tumambad sa akin ang nakahigang si Ms. Velasco. Nakangisi ang duguang labi nito habang nakatutok sa akin ang hawak na shotgun.

"Miya, talon!"

Tumalon ako. Isang putok ang umalingawngaw na parang kulog. Naramdaman ko ang paghampas ng hangin malapit sa balikat ko at ang pagbagsakan ng mga piraso ng buhangin at bubog, at nang makalapag ako sa sahig napagtanto ko na muntik na akong mahagip ng bala ng dragon. Sa kisame sa bandang ulunan ko makikita ang nabasag na ilaw at ang bakas ng kumalat na shrapnels ng shotgun.

Hinablot ni Bruno ang kamay ko. Bago pa ako makalingon ay hinila na ako nito palayo na halos makaladkad na ako. Nang masulyapan ko ang mukha ni Bruno natuklasan ko na tadtad ng pawis ang noo at leeg nito maging ang nanlalalim nitong mga mata na basa na tila galing ito sa pag-iyak.

"Bruno, salamat," sabi ko habang tumatakbo kami palapit ng pinto. "Salamat sa lahat."

"Thank me later, Miya, kapag nailabas na kita nang buhay rito," sabi ni Bruno. Bahagya itong napangisi. "Actually, kanina pa malakas ang kutob ko na hindi na ako makalalabas nang buhay rito. Pero sisiguraduhin kong buhay kang lalabas."

"Huwag mong sabihin 'yan, Bruno. Makakalabas tayong pareho!"

"Hindi pa ako nagkakamali sa mga kutob ko."

"Bruno..."

Naglaho ang ngisi sa mukha ni Bruno.

"But no matter what, I'll protect you, Miya the Dragonslayer. Pangako 'yan."

"Ginagawa mo na, Bruno," mangiyak-ngiyak kong sabi.

Binuksan ni Bruno ang pinto. Napigil ko ang paghinga, inaasahan na lilitaw na parang kabute sa harap namin si Mrs. Villarica na nakaabang na pala sa paglabas namin. Pero tanging ang malakas ng ihip ng hangin na nagmumula sa nakabukas na malaking gate ng hallway ang sumalubong sa amin.

Nang lumingon ako nakita kong nakabangon nang muli si Ms. Velasco mula sa ilalim ng bumagsak na bookshelf. Hawak pa rin nito ang shotgun habang paika-ikang naglalakad patungo sa amin. Hindi maikakaila ang katagang "angle" na muling lumalabas sa bibig nito.

Ilang segundo kaming tumakbo sa kahabaan ng hallway. Sa magkabilang gilid namin nakatunghay ang mga nakasaradong bintana at pintuan ng mga silid-aralan, tila bawat isa ay may mga madidilim na sikretong tinatago. Sa bawat pagkidlat at pagliliwanag ng kalangitan, tila naaaninag ko sa loob ng mga silid ang mga anino ng mga estudyanteng nakatunghay sa amin; mga patay na mag-aaral ng Purvil High, kasing patay na mga mapupusyaw na ilaw na tumatanglaw sa kanilang nagdurusang mga katawan. Makakasama na rin ba nila ako sa kanilang malungkot na kapalaran bago matapos ang gabing ito? Agad akong nag-iwas ng tingin. Hinigpitan ko ang kapit sa kamay ni Bruno. Naramdaman ko ang paghigpit din ng kamay nito sa akin. Narito si Bruno. Kasama ko si Bruno. Hindi ako nag-iisa.

Malapit na kami sa bukana ng gate ng hallway nang magsipagbuhayang muli ang mga speaker sa loob ng bawat silid-aralan maging sa stage sa hindi kalayuan.

"Sa tingin ninyo makakatakas kayo nang buhay sa paaralang ito? Do you actually think na hahayaan namin kayong maisuplong kami sa awtoridad? Nagkakamali kayo ng akala, mga hangal!"

Tumigil kami sa pagtakbo. Nagkatinginan kami ni Bruno. Ninyo. Kayo. Paano nalaman ni Mrs. Villarica na hindi ako nag-iisa? Paanong-

"Look!" Tinuro ni Bruno ang isang bilugang bagay na nakadikit sa dingding. Umiilaw ang paligid nito. "Cctv camera, Miya. Nakalimutan nating nakakalat ang mga ito sa ilang sulok ng paaralan."

Nanlumo ako sa narinig. Tunay ngang pinakamakapangyarihan ang prinsipal sa paaralang ito. Nakikita nito ang bawat galaw namin ni Bruno sa labas ng mga silid-aralan. Para itong may mga mata na nakapalibot sa amin na kahit saan kami magtungo at magtago ay matatagpuan pa rin kami.

Makatakas pa kaya kami sa mala-impiyernong lugar na ito?

*******
Hi, guys! Kung nagustuhan n'yo itong story please kindly push the VOTE button, at mag-comment na rin kayo kung gusto n'yo. Mas gaganahan kasi akong magsulat kung alam kong meron akong "unsilent" reader XD 'Yun lang naman, and keep safe everyone. Stay at home! Godbless!

My Teacher is a Serial KillerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon