"Dito ka lang," sabi ni Bruno nang hindi inaalis ang tingin sa bahang pumapasok sa pinto.
"Sasama ako."
Saglit akong tiningnan ni Bruno, at nang makitang desidido ako sa sinabi ay marahang tumango sabay hawak sa kamay ko.
Palapit nang palapit sa mga paa namin ang maitim na baha na tila may sariling buhay ang mga ito. Ilang saglit pa'y nalagpasan na kami ng baha at nagpatuloy na dumaloy hanggang sa counter. Nagtalsikan ang mga tubig sa hampas ng suot kong rubber shoes at walang sapin na mga paa ni Bruno habang humahakbang kami papalapit ng pinto. Nagsimulang maggalawan ang mga nakahilerang silya at lamesa na tila nagkaroon ng sariling mga buhay ang mga ito. Nagbagsakan sa baha ang mga kurbyertos at mga botelya ng asin, paminta, at toyo.
Sabay kaming yumuko nang makarating sa tabi ng nakasaradong pinto. Sa puntong ito lagpas talampakan na ang lalim ng baha. Nagkatinginan kami ni Bruno. Batid kong bakas din sa mukha ko ang nakikita ko ngayon sa mukha ni Bruno: pagkatakot. Unang beses na nangyari ito dito sa Purvil High, o sa tatlong taon na ipinasok ko rito. Katabi lang ng paaralang ito ang sikat na Pagsanjan River. May kataasan ang lugar na kinalalagyan namin, at kung nagawa ng baha na makaabot rito, siguradong mas grabe ang baha sa mga karatig-lugar. Malamang na hanggang bewang na ang lalim ng baha sa lugar namin. O kung minalas pa, malamang na lagpas-tao na. Agad kong naalala sina Ma at Pa. Sana ayos lang ang mga ito. Gusto kong maiyak sa sobrang kalungkutan, hindi para sa akin kundi para sa mga magulang ko. Siguradong nag-aalala na ang mga ito sa akin, nagtataka kung bakit hindi pa nakakauwi ang kaisa-isa nilang anak. Puro na lang sakit ng ulo ang binibigay ko sa mga ito.
Marahang binuksan ni Bruno ang bintana, pursigidong maiwasan na makalikha ng anumang ingay. Kailangan naming mag-ingat. Maaaring nasa labas lang ng pinto si Ms. Velasco at hinihintay ang paglabas namin. Nang tuluyang mabuksan ay dahan-dahan naming nilapit ang mga ulo at tahimik na sinilip ang labas.
"W-What the hell?" bulalas ni Bruno.
Natatakpan ng makakapal na hamog ang bawat sulok ng Purvil High na maabutan ng aming tingin. Nagkalat ang mga piraso ng naputol na sanga sa nagliliwanag na stage at sa naggagalawang bubong ng mga silid-aralan na animo'y mga naputol na kamay ng mga panggabing nilalang. Natatabunan ng nanggagalaiting tubig-baha ang kanina lang ay sementadong daanan. Umaalon-alon ang tubig kasabay sa indayog ng paghampas ng malalakas na hangin at pagbagsak ng mabibigat na patak ng ulan. Nakalutang sa ibabaw ng baha ang mga nabaling sanga at bumagsak na maliliit na puno.
Malakas ang pagbulwak at pagragasa ng tubig-baha mula sa nakabukas na man-hole sa tabi ng maliwanag na stage. Malinaw na galing sa umapaw na Pagsanjan River ang baha na pumapasok ngayon dito sa loob ng compound ng Purvil High. Hindi ko inasahan na ganito kalakas ang magiging dulot ng bagyo at ang bahang ihahatid nito sa bayan ng Pagsanjan. Pakiramdam ko katapusan na ng mundo. Hindi man ako mapatay ni Dragon Lady, nandito pa ang bagyo para tapusin ang nasimulan nito. Nakadama ako nang matinding kalungkutan sa kaisipang mamamatay akong hindi man lang nasasabi sa mga magulang ko kung gaano ko sila kamahal.
"Bruno!" tawag ko sabay tayo mula sa pagkakayuko. Napakapit ako sa gilid ng bintana habang nakatunghay sa baha na umabot na hanggang tuhod namin. May kung ano sa itsura ng baha na nagbigay ng kakaibang takot sa akin. Pakiramdam ko may maitim na kamay na lilitaw mula sa ilalim nito para sakmalin ako.
"Miya, kumapit ka sa akin." Hinablot ni Bruno ang kamay ko. Bago pa ako makatugon ay hinila na nito ako pabalik sa tabi ng counter.
Hinawi namin ang mga nakalutang na silya na nakaharang sa daraan namin. Nagkalat ang mga nakalutang na baso at trash bin. Sa isang sulok, naglagpakan sa baha ang napakaraming bote ng softdrinks mula sa tumagilid na refrigerator. Nag-spark ang ibabang bahagi nito na nakalublob sa baha.
Dumagundong ang napakalakas na kulog. Sa gilid ng mga mata ko'y may nahagip ang aking paningin na maiitim na pigura ng tila mga tao na nakatayo sa labas ng bintana sa tabi ng canteen. Kumukumpas sa ihip ng hangin ang mahahabang buhok ng mga ito. Kasabay ng muling pagkidlat tumambad sa akin ang mapuputlang mukha ng mga ito na biniyayaan ng nagliliwanag na mga mata.
"Bruno," habol ang paghinga na tawag ko nang tuluyan kaming makabalik sa tabi ng counter. "May mga tao sa labas ng bintana. Nakatanaw sila sa atin kanina."
"Mga puno, Miya. That was what you saw." Sumampa si Bruno sa ibabaw ng counter. Naglaglagan sa baha ang mga natabig nitong mga paninda. Nang makababa sa likod ng counter ay inilahad ni Bruno ang magkabilang kamay sa akin. "Tara na, Miya. Kailangan na nating makaalis dito."
Agad kong inabot ang mga kamay ni Bruno. Buong ingat akong sumampa sa ibabaw ng counter.
"Ano'ng gagawin natin? Paano tayo makakalabas dito?" tanong ko habang inaakay ni Bruno pababa.
"In the traditional way, I think?" medyo natatawang sagot ni Bruno. "Sa backdoor."
"Bruno."
"What?"
"Paano tayo makakalabas dito sa Purvil High," pagkaklaro ko. "Baka nag-aabang lang sa labas si Ms. Velasco. Who knows baka naghihintay na ito sa backdoor."
"Miya..."
"At si Mrs. Villarica. Siguradong nakamasid ito sa bawat sulok ng paaralan na may cctv camera. Malalaman nito kung saan tayo pupunta at magtatago."
Sandaling natahimik si Bruno, pinag-aaralan ang bigat ng sitwasyong kinasasadlakan namin. Totoo ang mga sinabi ni Mrs. Villarica kanina; ito ang pinakamakapangyarihan sa loob ng Purvil High. Tila isa itong mapanibughong diyos na matamang nakamasid sa amin mula sa itaas habang pinapagalaw ang sugo nitong propeta sa katauhan ni Dragon Lady. Makatakas pa kaya kami ni Bruno sa lugar na ito? Paano namin matatalo si Mrs. Villarica? Makakaya ba naming pabagsakin ang isang diyos?
"Gagawa tayo ng paraan, Miya, para masalisihan natin ang prinsipal at ang dragon. I don't care about me. Ang mas mahalaga ay ligtas kang makaalis dito."
Nasa boses muli ni Bruno ang tila pamamaalam. Kanina ko pa napapansin ang tila pananamlay nito habang kumakain kami ng chocolate bars, na parang nananaginip ito habang ngumunguya at sumasagot sa mga sinasabi ko na animo'y malnourished na zombie. Walang kabuhay-buhay. Tanggap na yata ni Bruno ang kutob nito na hindi na ito makakalabas nang buhay dito sa sinumpang paaralan na ito. At kaya lang ito patuloy na kumikilos ay dahil sa akin at sa matinding kagustuhan nito na mailigtas ako laban kina Mrs. Villarica at Ms. Velasco. Lahat ay gagawin ni Bruno maprotektahan lang ako. Kahit na ang kapalit pa ay ang sarili nitong buhay.
"Pareho tayong makakaalis dito, Bruno," matatag na giit ko.
"Hindi pa ako nagkakamali sa mga kutob ko, Miya." Nagbigay ng tipid na ngiti si Bruno. "Want to hear something silly? Minsan naiisip ko na ano kaya kung tumigil na lang ako sa pag-aaral at maging manghuhula na lang gaya ni Madam Auring?"
"Stop it!"
Awtomatikong naglaho ang ngiti sa labi ni Bruno.
"Okay, Miya, I'm sorry. Pinapatawa lang kita."
"At sino'ng nagsabi sa 'yo na gusto kong matawa, Bruno? Sa tingin mo magagawa ko pang tumawa sa sitwasyon natin ngayon? My God, Bruno! Stop acting like a child." Parang gusto kong sumabog. Magwala at sumigaw hanggang sa tuluyan nang mamaos at hindi na makapagsalita pa. Gusto kong ipakita kay Bruno na naiinis ako sa mga kutob na sinasabi nito na walang katuturan at basehan. Nakakataba ng puso ang ginagawang pagsasakripisyo ni Bruno para sa akin, pero habang nakikita ko kung paano ito gupuin ng kawalang pag-asa para sa sariling buhay at kaligtasan, may parte sa puso ko na nagsasabi na kailangan kong tulungan at iligtas si Bruno. Hindi ko dapat hayaan na muling may mamatay nang dahil sa akin. Wala na si Layla. Hindi ko hahayaang pati si Bruno ay mawala rin. Ililigtas ko ito sa paraan na alam ko.
"Please, Miya, I'm truly sorry. Huwag ka nang magalit." Muling nagbigay ng pilit na ngiti si Bruno. Sumulyap ito sa likuran ko. "Pataas na nang pataas ang baha. We should–"
Hindi na natapos ni Bruno ang sasabihin nang haplusin ko ang magkabilang pisngi nito at dampian ng isang halik sa labi.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...