Nangangatog ang mga tuhod na napasandal ako sa gate. Bawat hampas ng hangin at pagtama ng mga butil ng ulan sa akin ay tila suntok na unti-unting nagpapagupo sa aking nanghihinang katawan. Wala na ang ballpen na dapat ay panlaban ko sa kanila. Hindi ko na maalala kung saan ko ito nailagay nang gamitin ko laban kay Ms. Velasco. Nalaglag ko marahil sa loob ng Principal's Office. Maaaring nahulog habang tumatakbo ako. Sa baha! Malamang na nalaglag ito sa ilalim nang mahulog ako rito. Alinman sa mga ito ang sagot, wala na akong pakialam. Walang silbi ang ballpen kung malamig na bangkay akong makakalabas ng paaralang ito. Kung makakalabas ako. Siguradong gagawa ng paraan ang prinsipal at ang dragon para maitago ang bangkay ko. Namin ni Layla. Nagawa ng mga ito na pagtangkaan ang buhay ko kanina ng dahil lang sa trabaho at reputasyong pinapangalagaan ng mga ito, maliit na bagay na lang para sa mga ito ang idispatsa ang bangkay naming dalawa ng kaibigan ko. Gagawin ng prinsipal at ng dragon ang lahat maitago lang ang umaalingasaw na baho ng mga ito.
Biglang kumidlat.
Kasabay nito ang pagtama ng kung ano sa gate. Kukurap-kurap na napatingin ako sa tabi ko. May maliit na butas sa isang parte ng gate. Nanindig ang mga balahibo ko nang mapagtantong hindi kulog ang narinig ko kundi putok ng baril!
Paparating na ang dragon, naisaloob ko nang masipat sa hindi kalayuan ang isang pigura na naglalakad palapit sa kinaroroonan ko. Tumatalsik sa kalbo nitong ulo ang mga patak ng ulan. Hawak nito sa kamay ang umuusok na baril.
"Killer in the Rain," usal ko na tila nananaginip habang pinagmamasdan ang pagdating ng ahente ng kamatayan sa katauhan ng isang baliw na guro.
"Angle!" sigaw ni Ms. Velasco sa gitna nang nakabibinging ingay ng kulog. Nakita ko ang mala-demonyong ngisi na nakaukit sa labi nito habang papalapit sa akin. "What is an angle? What is an ANGLLLLE!"
Sunulyapan ko ang itaas na parte ng gate. May mga bakal na tila palaso na nakatutok sa langit. Spike! Imposible kong maakyat ang gate nang hindi matutuhog ang katawan ko ng alin man sa mga ito. Malakas ang buhos ng ulan at hampas ng hangin. Himala na lang kung hindi ako madudulas.
"ANGLE!" Mas malapit na ang boses ni Dragon Lady. "What is a fucking angle!"
Agad akong gumapang palayo ng gate. Kakatayo ko pa lang nang may tumama sa lupa sa harapan ko. Nagtalsikan ang mga putik at bato. Kailan kong makalayo. Sa oras na magpaputok uli si Dragon Lady, siguradong sa katawan ko na lulusot ang bala.
Kumaripas ako ng takbo. Nakatunghay sa akin ang matataas na bakod na may mga nakalagay na barbed-wire. Ngayon ko napagtanto na hindi lang pala magnanakaw mula sa labas ang ayaw papasukin ni Mrs. Villarica. Nagsigurado rin ito na walang makakalabas na kahit isa man sa mga estudyante ng Purvil High. Lalo na ang isang aktibista at rebeldeng estudyante na nagngangalang Miya Antipasado.
"Papatayin kitaaaaaa!" palahaw ni Dragon Lady sa likuran ko. May poot at lungkot sa boses nito na lalong nagpanginig sa mga balahibo ko. Mistulan itong si Sisa na hinahanap sina Crispin at Basilio sa gitna ng nanggagalaiting bagyo. "Magtago ka na, Antipasado. Parating na ako. Parating na ang dragoooon!"
Mistulang yumayanig ang buong paligid. Tila may buhawi sa bawat sulok ng paaralan na siyang kumakalampag sa bawat bagay na madampian at madaanan nito. Dinig ko ang paglangitngitan ng mga bubong sa mga silid-aralan na nadadaanan ko na tila ba bumabagsak mula sa maitim na kalangitan ang sanrekwang mga buhangin at maliliit na bato.
Lumitaw mula sa kung saan ang isang malaking sanga ng puno at lumagpak sa mismong daraanan ko. Buong liksi ko itong tinalunan. Saktong pagkalapag ng mga paa ko sa maputik na lupa ay siya namang pagkidlat ng malakas na halos ikabingi ko. Nagliwanag ang buong paligid. Paglingon ko ay nahuli ng mga mata ko sa hindi kalayuan si Ms. Velasco, naglalakad, papalapit sa kinaroonan ko. Nakangisi ito habang nakatutok sa akin ang hawak na baril.
Pinagpatuloy ko ang pagtakbo. Hindi ko alam kung saan ako patungo. Basta ang alam ko kailangan kong makalayo kay Ms. Velasco. Kailangan kong makapagtago sa kanilang dalawa ni Mrs. Villarica. Kakampi ko ang bagyo. Magsisilbing kanlungan ko ang ingay na nililikha ng hangin habagat. Takpan man nito ang boses ko na humihingi ng tulong, matatakpan din nito ang ingay na maaari kong malikha habang nakatago. Pero saan?
Halos dumulas ang mga paa ko sa aspaltong sahig nang makapasok sa malawak na hallway. Bukas ang mga ilaw sa kisame na siyang tumatanglaw sa kabuuan nito. Nakadama ako ng matinding pagkabahala habang tumatakbo. Ngayon lang ako nakapasok sa hallway nang ako lang mag-isa. Pakiramdam ko isa akong multo na tumatakbo habang umaalingawngaw ang ingay ng pagtama ng takong ko sa sahig. Patay na ba ako? Isa na ba akong multo na hindi matahimik? Habambuhay na ba akong tatakbo sa mahabang pasilyo na ito habang tahimik na umiiyak, na tanging ang mumunting mga yabag ko lang ang maririnig ng lahat ng estudyante na daraan dito? Ito na ba ang kapalaran ko?
Saktong pagliko ko nang magsalita si Ms. Velasco mula sa dulo ng hallway na pinanggalingan ko.
"Alam kong nandito ka, Antipasado," sigaw ni Dragon Lady. May bakas ng paglalaro sa tinig nito. "Nakikita ko ang mga bakas ng sapatos mo sa sahig. Tsk! Nagputik ka pa sa loob. Lagot ka sa janitor. Ikaw ba ang nagpapasahod sa janitor? Ikaw ba? Salbahe ka talagang bata ka."
Umalingawngaw ang takong ng sapatos nito. Papalapit nang papalapit. Narinig ko ang tunog ng pagkasa ng baril.
Parating na ang dragon! sigaw muli ni Clint sa diwa ko. Magtago na tayo. Parating na ang dragon!
Isa-isa kong hinablot pahubad ang suot kong sapatos at pagkatapos ay walang ingay na nilapag sa sahig. Tila nagyeyelo ang sahig sa sobrang lamig nito na umuukit sa talampakan ko.
Nangangatal na muli akong tumakbo.
"Magpakita ka, Antipasado. Lumabas ka. At ng pagpiyestahan ng mga bala ko!"
Agad kong hinawakan ang malamig na doorknob ng unang silid na nadaanan ko at ilang beses na pinihit. Naka-lock ito. Mabilis akong nagtungo sa kaharap na silid. Naka-lock din.
"Malapit na ako, Antipasado. Magtago ka na sa pwerta ng nanay mo!"
Pinihit ko ang doorknob ng isa pang silid. Naka-lock din ito.
"Angle! What is a fucking angle? Goddamnyou! Walang sasagot? Damn you all. Antipasado? Antipasado, parating na ako. Eat my fucking bullet, you little piece of shit!"
Nanlabo ang paningin ko. Kasunod nito ang pagtulo ng luha sa pisngi ko. Katapusan ko na ba? Ayoko pang mamatay. Marami pa akong pangarap sa buhay.
Pinihit ko ang doorknob ng kasunod na silid. Ilang beses. Binangga ko ng balikat ang pinto. Hindi man lang ito natinag.
"Huling gabi mo na, Antipasado!"
Akmang tatakbo na ako sa kasunod na silid nang bumukas ang pinto. Isang kamay ang lumitaw mula sa loob ng madilim na silid at marahas na hinablot ang braso ko. Bago pa ako makasigaw ay tuluyan na akong nahila ng kung sinuman papasok ng silid.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...