Unti-unting humakbang palapit sa kinaroroonan namin ang prinsipal ng Purvil High, ang pinakamakapangyarihan; ang pinakamasamang guro sa buong mundo na nakilala ko; ang guro na kumitil sa buhay ng dalawang taong nagtangkang magligtas sa buhay ko. Mas masahol pa ito kay Ms. Velasco. Kapatid. Kapatid ni Mrs. Villarica ang dragon. Magkapatid ang dalawa. Magkadugo. Hindi ko alam kung matatawa ako o maiiyak sa aking natuklasan.
Liwanag. Nakasisilaw na liwanag. Usa. Isa akong usa na nasa gitna ng kalsada, paralisado at nakatulala na nakatanaw sa paparating na sasakyan, hinihintay ang nagbabadyang kamatayan ko. Gusto ko muling tumakbo, pero sa pagkakataong ito, tatakbo ako para salubungin ang paparating kong kamatayan, yakapin at tanggapin ito nang buong-puso. Pagod na ako. Hindi ko na kaya. Manhid na ang katawan ko pati na ang buong pagkatao ko. Patay na sina Layla at Bruno. Patay na ang mga kaibigan ko. Mag-isa na lang ako. Wala ng magliligtas sa akin. Wala nang saysay pa ang magpatuloy. Mas mabuting mamatay na lang din ako.
"Huwag kang tatakbo, Antipasado. Huwag kang tatakbo!" tila nababaliw na sigaw ni Mrs. Villarica. Sa nanlalabo kong paningin dala ng nakasisilaw na liwanag at luhang nangilid sa mga mata ko, nakita ko ang nakangising mukha ni Mrs. Villarica. Hawak nito sa isang kamay ang nakabukas na flashlight. Nagtatalsikan sa paligid nito ang ga-baywang na tubig-baha na patuloy pa rin sa pagragasa mula sa mga nakabukas na bintana. Mistulang isang itim na manananggal si Mrs. Villarica na salat man sa pakpak, subalit makikita sa nanlalalim at nanlilisik nitong mga mata sa ibabaw ng nakakasilaw na liwanag ng flashlight na wala itong balak na buhayin ako.
"Huwag kang tatakbo. Malapit na ako, Antipasado. Good girl. Huwag kang matakot. Hindi kita sasaktan. Papatayin lang kita!"
Itinutok nito sa akin ang hawak na baril.
Saktong pagyuko ko nang sumabog ang isang bote na nakapatong sa counter sa likuran ko. Naglagpakan ang ilang piraso ng bubog sa ulunan ni Bruno. Bahagya pang nakadilat ang mga mata nito at nakapako sa akin. Bumagsak ang luha sa mga mata ko. Tila naririnig ko pa ang mga huling kataga na sinambit nito: Napatay ko ang dragon. Ligtas na tayo. Ligtas ka na, Miya. Mahal na mahal kita.
Takbo! sigaw ng isipan ko. Kailangan kong tumakbo. Tama sina Layla at Bruno. Kailangan kong tumakbo at iligtas ang sarili ko. Ginawa nila ang lahat mailigtas lang ako nang paulit-ulit. Mawawalan ng saysay ang pagkamatay nila kung mamatay din ako. Kailangan kong mabuhay!
Agad akong pumatong sa ibabaw ng counter. Saktong pagdausdos ko sa baha nang naramdaman ko ang pagdaplis ng bala sa kaliwang tainga ko. Agad kong naramdaman ang magkahalong kati at kirot na kumalat hanggang batok at leeg ko.
"Huwag ka sabing tatakbo. Pero tumatakbo ka pa rin. Bakit ba antigas-tigas ng ulo mo? That's why I hate you, Antipasado. I really hate you!"
"Wala na sa akin ang ballpen, Mrs. Villarica. Please. Itigil na natin ito!" samo ko. Nakasandal ako sa likod ng counter habang nakalublob sa baha. Maling desisyon itong ginawa ko pero umasa ako na mapapakiusapan ko pa ang prinsipal. Baka sakali na may natitira pang kahit kaunting awa sa sistema nito. "Please, hayaan n'yo na akong makalabas dito. Pinapangako ko po na hindi ko na uulitin ang ginawa ko."
Humagalpak ng tawa si Mrs. Villarica.
"Oh, sure, Antipasado. Hindi mo na talaga mauulit ang ginawa mo. I'll make sure of it!"
"Please, hayaan n'yo na akong makauwi sa amin. Tama na po. Itigil na natin 'to," ulit ko.
Tumigil ang pagtilamsikan ng tubig. Nanatiling nakalapat sa ibabaw ng counter ang liwanag ng flashlight, tumatama sa dingding ang anino ng mga bote na tinatanglawan nito.
"At ngayon humihingi ka ng awa, Antipasado? Matapos mo kaming kunan ng video nang palihim? Matapos mo kaming pahirapan sa paghabol sa inyo? Matapos ninyong patayin ang walang kalaban-laban na si Ms. Velasco? Poor soul. May she rest in peace."
"Hindi namin kasalanan kung ano ang nangyari sa kanya. Sinubukan niya kaming patayin!"
"Be silent, damned fool. You just killed my sister. Huwag n'yo siyang husgahan. Patay na siya. Pinatay n'yo siya. Hindi na niya madedepensahan ang kanyang sarili." Namutawi ang matinding lungkot sa boses nito. Tila umiiyak ito habang nagsasalita. "Pinutol n'yo agad ang dapat sana'y isang taon pa niyang buhay. Oo, tama ang narinig mo, Antipasado. May taning na ang buhay ng kapatid ko. May leukemia siya. See how dedicated she was in her profession? Gusto pa rin niyang magturo kahit na bilang na ang mga araw niya. She wants–"
"– to bully us some more!" sigaw ko. Hindi ko napigilan ang bibig ko. Ito ang mga pagkakataong kailangan mong magsalita kahit na ang nakataya pa ay ang buhay mo. "Hindi mo alam kung gaano kasama ang kapatid mo, Mrs. Villarica."
"Why, that's so rude of you to say about my sister. How dare you."
"Pareho kayong masama. Masaya ako at namatay siya." Naalala ko ang pagkamangha sa mukha ni Bruno habang nakayuko at nakatingin sa nagdurugong dibdib nito. "At sana mamatay ka na rin!"
"You're so dead, girl!"
"Isusumbong kita sa pulis. Sisiguraduhin kong mabubulok ka sa bilangguan dahil sa ginawa mo kina Layla at Bruno!"
"Salamat sa pagbabanta mo, Antipasado. Nakakagaan ng loob. But sadly, hindi mangyayari ang lahat ng mga sinabi mo. Bakit?" Narinig ko ang tunog ng pagkasa ng baril. "Well, because you won't be alive to tell them."
"Paalisin n'yo na ako!" Humalo sa malakas na pagkulog ang mga sinabi ko.
Muling naghampasan at nagtalsikan ang tubig-baha, senyales ng muling paghakbang ni Mrs. Villarica.
"Sure. Paaalisin kita dito sa paaralan ko, pero hindi sa paraang inaakala mo." May bakas ng tuwa sa boses ni Mrs. Villarica. "Sisiguraduhin kong hinding-hindi ka na makikita ng mga magulang mo kahit na kailan. Itatapon ko ang bangkay mo na parang basura. Kayong tatlong magkakaibigan. I'll make it sure na maididispatsa ko nang maayos ang mga bangkay n'yo. D'yan ako magaling, ang magdispatsa ng mga pasaway na estudyante na hindi marunong sumunod sa akin."
Sumikdo ang galit ko sa mga narinig. Hindi ko akalain na ganito kasama si Mrs. Villarica. Lalong umigting ang pagnanais ko na makalabas nang buhay dito. Kailangan malaman ng lahat kung anong klaseng prinsipal ang namumuno sa Purvil High. Na handa itong pumatay ng mga estudyante na magtatangkang lumaban at magpabagsak dito. At sigurado akong hindi kami ang una at huling mga estudyante na mapapatay nito.
Hanggang leeg ko na ang rumaragasang baha. Dinig ko ang pag-uumpugan ng mga nakalutang na silya at lamesa pati ang mga walang lamang bote at nakaplastik na mga pagkain. Lumalangitngit nang husto ang bubong na tila anumang oras ay tuluyan na itong mabubunot mula sa kinapapakuan nito at tatangayin ng malakas na hagupit ng hangin.
Bumaba ang bilugang liwanag ng flashlight. Malapit na ito sa harap ko.
Nasa likod ko na ang prinsipal.
Humugot ako ng malalim na hininga. Tuluyan ko nang nilublob ang ulo ko sa baha.
At lumangoy.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
TerrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...