Kasabay ng pagbuhos ng ulan sa labas ang pagtulo ng luha sa pisngi ko. Tila maging ang panahon ay nagluluksa sa pagkawala ng tanging lalaking masasabi kong tunay na minahal ako. Hindi ko man ito nasuklian, alam kong batid ni Bruno na sinubukan ko. Niligtas nito ang buhay ko. At habambuhay ko itong tatanawin na malaking utang na loob.
Si Layla. Nasaan si Layla? Nagpalinga-linga ako sa paligid, hinahanap ng mga mata ang katawan nito na maaaring nakalupasay sa sahig. Pero tanging mga nagkalat na kagamitan lang at mga tumaob na bookshelf ang bumati sa akin.
Maingat kong nilapag sa sahig ang bangkay ni Bruno. Yumuko ako at hinagkan ito sa noo bago pinulot ang baril at humakbang patungong pinto. Kailangan kong makahingi ng tulong sa kinauukulan. Kailangang mapuntahan kami dito ng search and rescue operation. Hindi ko alam kung hanggang kailan ang bagyo, at sa puntong ito, hindi ko nanaisin na magpalipas pa ng ilang araw dito sa sinumpang lugar na ito kasama ang mga bangkay ng dalawa kong kaibigan at ng tatlong magkakapatid na Villarica. Hindi ko na kakayanin kung aabutin pa ako ng gabi rito nang nag-iisa. Tuluyan na akong mababaliw.
May cellphone si Mrs. Villarica. Narinig kong natawagan nito si Mang Juan sa tinutuluyan nitong apartment nang kailanganin nito ang tulong nito para buhatin patungong Principal's Office si Bruno. Malamang na nasa bag nito ang cellphone. Kailangan ko itong makuha.
Muli kong binagtas ang hanggang talampakan na baha patungo sa office. Nayakap ko ang sarili sa tindi ng lamig ng hangin na humahampas sa akin. Tumingala ako. Natatakpan ng maiitim at makakapal na ulap ang kalangitan maging ang araw. Hindi pa tapos ang bagyo sa kalbaryong dala nito. Tila nagpapalakas pa ito ng puwersa para sa pangalawang hagupit na ipadadala nito sa bayan ng Pagsanjan at sa mga karatig-lugar. Tumama sa akin ang mga patak ng ulan na tila mga mumunting palaso, tila sinusubukan akong pigilan sa misyon ko.
Hindi ko alam pero awtomatiko kong tinutok ang hawak na baril sa harapan ko. Tila may nagsasabi sa isip ko, nagbababala, na may panganib pa ring nakaambang sa akin. Na hindi pa ako ligtas hanggang ngayon. Na nasa panganib pa rin ang buhay ko.
Napansin ko sa hindi kalayuan ang isang bangka na nakatali sa poste sa tabi ng flag pole. Bahagya itong umuuga kasabay sa indayog ng tubig-baha. Ito marahil ang ginamit ni Mang Juan para makapunta rito sa Purvil High. At kaninong bangkero kaya nito ninakaw ang nasabing bangka? Kung hindi umubra ang gagawin kong paghingi ng tulong, wala akong magagawa kundi ang sumakay at gamitin ang bangka para makaalis sa lugar na ito. Lubhang marami ng dugo ang dumanak sa paaralang ito. Hindi ko na alam kung makakaya ko pang harapin sa gitna ng dilim at umaatungal na hangin ang mga multo ng kahapon na alam kong babalikan ako habang ako ay nabubuhay. Paaralan ito ni Mrs. Villarica. At kung totoo man ang mga multo, kung totoo ngang may mga kaluluwang hindi matahimik, mga kaluluwang ang tanging hangad lang ay makaganti at makapanakit, siguradong hindi ako patatahimikin ng multo ni Mrs. Villarica. Hindi ito titigil hangga't hindi ako tuluyang napapaalis sa pinakamamahal nitong paaralan. Kahit sa kabilang buhay, patuloy pa rin ang plano nito na mapatalsik ako. Buhay man o patay.
Don't be absurd, Miya. Hindi totoo ang mga multo. Wala kang ginawang masama. Hindi mo kasalanan kung bakit sila namatay! sigaw sa akin ng isipan ko. Gusto kong maniwala. Gusto kong paniwalain ang sarili ko na ang lahat ng ito ay dahil kay Dragon Lady. Ito ang puno't dulo ng lahat ng pagdanak ng dugo sa paaralang ito. Ito ang dapat na sisihin sa lahat ng nangyari.
Pero bakit nga ba ako sinubukang patayin ng dragon at ng prinsipal? Bakit humantong sa ganito? Hindi ba't dahil na rin sa kagagawan ko; dahil sa kagustuhan kong mapabagsak si Dragon Lady; dahil sa pagiging rebelde kong estudyante; dahil sa delusyon ko na ako na ang matagal nang hinihintay na tagapagligtas ng mga kaklase ko na tatapos sa kasungitan ni Ms. Velasco at panggigipit ni Mrs. Villarica. At ano ang napala ko sa delusyon ko? Baliw si Ms. Velasco. At ano ang tawag sa taong pumapatol sa baliw?
Tahimik akong pumasok ng Principal's Office.
At gaya nang inaasahan, nakahandusay pa rin sa sahig ang bangkay ni Mrs. Villarica habang naliligo sa sariling dugo. Medyo nakaramdam ako ng bahagyang takot nang makita na nakadilat pa rin ang dalawang mata nito na tila may pinagmamasdang butiki sa kisame. Patuloy pa rin ang pagragasa ng dugo sa leeg nito.
Humakbang ako patungo sa lamesa at pinatong sa ibabaw nito ang baril. Pinulot ko ang itim na shoulder bag sa sahig at hinalungkat ang laman nito. Lotion. Wallet. Aspirin. Lumukso ang puso ko sa tuwa nang sa wakas makapa ng kamay ko ang hinahanap. Binitiwan ko ang bag at parang nananaginip na pinagmasdan ang cellphone.
Parating na ang dragon, sigaw ni Clint sa diwa ko. Magtago na tayo. Parating na ang dragon!
Shut up, Clint. Shut your big, big mouth! ganting sigaw ko rito habang dina-dial ang numero. Hindi na darating ang dragon. Hindi na tayo kailangan pang magtago. Wala na ang dragon. So please shut up!
Miya the Dragonslayer. Miya the Dragonslayer! sabay-sabay na hiyawan ng mga kaklase ko sa isip ko. Pinalibutan nila ako. Kulang na lang ay pagpasa-pasahan nila ako at ihagis sa ere na parang isang cheerleader na kakapanalo sa isang cheering competion.
Tumunog ang telepono sa kabilang linya.
Nagkakamali kayo. Si Bruno ang nakapatay sa dragon. Si Bruno ang totoong Dragonslayer at hindi ako!
Miya the Dragonslayer. Miya the Dragonslayer. Miya the Dragonslayer!
"Hello, sino ito?"
Tuluyan nang sumabog ang luha sa mga mata ko nang marinig ko ang boses sa kabilang linya.
"Ma!"
"M-Miya, anak, ikaw ba 'yan? Oh my God! Miya, where the hell are you? Bakit hindi ka pa umuuwi? Nag-aalala kami sa iyo ng Daddy mo. Ano'ng nangyari sa iyo? Miya!"
"Ma, tulungan n'yo 'ko. Na-stranded ako. Pinatay nila sina Layla at Bruno."
"Stranded? Saan ka na-stranded? Miya? Sumagot ka. Miya! Hello?"
"Dito sa–"
May humampas nang marahas sa braso ko. Tumalsik ang cellphone mula sa kamay ko at parang laruan na bumagsak sa isang sulok.
Napalingon ako.
Kasabay ng malakas na pagkulog, bumungad sa akin ang duguang mukha ni Ms. Velasco. Agad kong napansin ang kalbo nitong buhok na tila bagong kayad na bunot na tinubuan ng katawan. Bago pa man ako makasigaw ay agad na nitong tinaas ang hawak na duguang bread knife at inundayan ako ng saksak sa leeg.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...