Nagkatinginan kami ni Bruno. Bakas sa mukha nito ang pagkabahala habang pinapakinggan namin si Mrs. Villarica. Pinulupot nito ang magkabilang kamay sa baywang ko. Tila batid nito ang matinding takot na bumabalot ngayon sa buong pagkatao ko at handa itong protektahan ako. Pero hindi ako maloloko ni Bruno. Pareho kaming pinaghaharian ng takot sa mga oras na ito. Yakap ako ni Bruno habang nakatayo sa likuran ko upang gawing pananggalang sa oras na magpakita sa harapan namin ang dragon. Ako ang gagawin nitong human shield. Ganito kaduwag ang lalaking ito. Kasing duwag gaya ng ginawa nitong panloloko kay Layla. Bahag ang buntot. Bakit ko ba naisip kanina na ipagtatanggol ako nito? Kapag nabigyan ng pagkakataon, mas mauuna pa itong kumaripas ng takbo kaysa sa akin.
"Kinalulungkot namin ni Ms. Velasco ang nangyari kanina. Clearly, it was just a slight misunderstanding. Sana mapatawad mo kami, Miya. I hope it's not too late for the three of us to be friends? Please, Miya, magpakita ka na." Dinig namin mula sa kinatatayuan ang sabay-sabay na pagsasalita ni Mrs. Villarica sa bawat speaker ng mga silid-aralan. Maging sa mismong stage kung saan dinaraos ang flag ceremony. Malinaw na sobrang kampante ang aming prinsipal para isipin na maliban sa akin ay wala nang ibang tao na makakarinig sa mga salitang lumalabas sa bibig nito. Malakas ang hagupit ng bagyo. Isama pa ang katotohanan na nasa tabi ng Pagsanjan River ang Purvil High, lugar kung saan bihira kang makakita ng mga nakatirik na kabahayan. Ilang kilometro ang layo ng pinakamalapit na bahay mula rito.
Saglit na tumahimik ang speaker. Ilang saglit pa ay narinig namin ang tunog ng kinasang baril.
"Nagsisinungaling siya," obserba ni Bruno.
Hindi ako tumugon.
"Miya, pinapatawad ka na ni Ms. Velasco sa ginawa mo sa kanya. Kahit binulag mo ang isa niyang mata handa ka niyang patawarin. Kung ang Diyos nga nagpapatawad siya pa kaya na tao lang? Hindi ba, Ms. Velasco, pinapatawad mo na si Miya?"
"NEVEEEER!" sigaw ni Ms. Velasco. Halos mabasag ang mga speaker sa lakas ng pagkakasigaw nito.
"Nagbibiro lang si Ms. Velasco, Miya. She didn't mean it," mabilis na dagdag ni Mrs. Villarica. "Magpakita ka na, Miya. Please!"
"Magkasama silang dalawa," mariing sabi ni Bruno. Hinaplos ni Bruno ang pisngi ko at marahang pinunasan ng hinlalaki ang luha ko. "Siguradong pinagpaplanuhan nila kung paano ka nila papatayin. It's a trap!"
Humigpit ang kapit ko sa polo ni Bruno. Hindi ko mapigilan ang pangangatal ng katawan ko.
"Miya, alam kong naririnig mo ako. Sumunod ka sa nakatataas sa iyo. Can't you see? This is for your own good. Makinig ka sa akin. Itigil mo na ang pagiging rebelde mo for once in your miserable life."
"Huwag kang mag-alala, Miya. Nandito ako. Poprotektahan kina laban sa kanila. Hindi ko hahayaan na may mangyaring masama sa iyo."
"Whatever, Bruno," anas ko. Sinubukan nitong muling hawakan ang pisngi ko pero agad kong tinapik palayo ang kamay nito.
"Miya?" tawag muli ni Mrs. Villarica. May bakas na ng pagkayamot sa boses nito na tila ba pagod na ito sa panunuyo at pagkumbinsi sa isang makulit at salbaheng bata. "Miya? MIYA!"
Dumagundong ang napakalakas ng kulog.
"Talagang ginagalit mo ako. Very well," tila malungkot na turan ni Mrs. Villarica. Narinig ko ang pagbuntong-hininga nito. "Alam kong nandito ka pa sa loob ng Purvil High, Antipasado. Hindi namin hahayaan ni Ms. Velasco na makalabas ka sa paaralan ko. Nag-iisa ka lang. Walang makatutulong sa iyo. Dito na ang magiging libingan mong talipandas ka. Pasasaan ba't mapapatay ka rin namin. Just a matter of time, really." Namatay ang mga speaker. Muling namayani ang ingay ng pagbuhos ng ulan at paghampas ng malalakas na hangin sa dingding.
Nanghihinang kumalas ako mula sa pagkakayakap ni Bruno at naupo sa pinakamalapit na upuan. Nasapo ko ang leeg ko. Ramdam ko pa rin ang pagkirot nito dulot ng ginawang pananakal sa akin ni Ms. Velasco kanina. Pumipintig ang nakabukas na sugat ko sa kamay na tila isa itong bulkan na handang sumabog anumang oras. Sapat na ang matinding sakit na nararamdaman ko ngayon para masigurado na totoong lahat ng nangyayari ngayon at hindi isang simpleng bangungot lang. Nasa bingit ng kamatayan ang buhay ko at malamang pati buhay ni Bruno. At kung hindi agad kami makakalabas ng Purvil High, kung hindi kami makakahingi ng tulong, tiyak na darating ang oras na tuluyan kaming mahahanap ng prinsipal at ng dragon. At kapag nangyari ito, hindi ko alam kung maililigtas ko pa ulit ang sarili ko.
"May sugat ka sa kamay," nag-aalalang sabi ni Bruno at maingat na hinawakan ang palad ko. Napailing ito. "Kailangan nating magamot ito bago ka pa magkaimpeksyon."
"Pabayaan mo na ako," wala sa loob na sabi ko. Yumuko ako at tiim-bagang na pinagmasdan ang maputik at namumuti kong mga paa. Patindi nang patindi ang pagkirot ng sugat sa palad ko. Lihim akong napaungol. "Iwanan mo na ako."
"Pero, Miya..."
"Ang sabi ko iwanan mo na ako!"
Nakita ko ang pag-atras ng mga paa ni Bruno na natatakluban ng puting rubber shoes. Ilang saglit pa ay wala na ang mga ito na tila ba nilamon ng dilim. Nag-angat ako ng tingin.
Wala na si Bruno sa harapan ko.
Saan ito nagpunta? Tuluyan na ba akong iniwan nito? Nakaramdam ako ng hindi maitatangging kalungkutan at pangungulila. Marahil nasaktan ko nang husto ang damdamin ni Bruno dahil sa mga nasabi ko. Masyado akong naging rude rito, at hindi ko alam kung dapat ba akong makaramdam ng pagka-guilty o hindi dahil pawang katotohanan naman ang mga sinabi ko. Gayunman, sana makalabas nang ligtas si Bruno nang hindi napapansin ng prinsipal at ng dragon. Habambuhay kong sisisihin ang sarili kung may mangyayaring hindi maganda rito.
May mumunting tinig sa aking isipan na nagsasabing mali ang ginawa ko. Dapat ay hindi ko pinairal ang pride ko. Na dapat ay sumama na ako kay Bruno. Tama nga marahil ang sinabi ni Mrs. Villarica sa akin kanina.
Akala ko rin matalino ako. So sad. You were right, Mrs. Villarica. I was wrong. Now please, palabasin n'yo na ako sa impiyernong lugar na ito!
Muling tumulo ang luha sa mga mata ko.
BINABASA MO ANG
My Teacher is a Serial Killer
HorrorNang pahiyain ni Miya ang kanilang Math teacher sa harap ng klase, ang buong akala ng bata ay tuluyan nang matatapos ang maliligayang araw ng dragon. Nagkamali siya. Nang ipatawag si Miya sa Principal's Office, natuklasan niyang mas kinampihan pa ng...