Kabanata 15

61 10 14
                                    

"Seven," anas ni Bruno habang nakatingin sa suot nitong relo. Napasulyap ito sa mga nakabukas na bintana na nahaharangan ng matataas na pader. Ngayon ko lang napagtanto na masyadong mataas ang pader sa paligid ng Purvil High. Walang silbi ang mga bintana maliban sa pagiging daanan ng hangin at pananggalang sa mga estudyanteng gustong pumasok at lumabas ng silid. Hinaharangan ng pader ang dapat sana ay magandang tanawin na dito lang sa Pagsanjan makikita gaya ng Pagsanjan Falls, Mt. Pagsanjan, at Pagsanjan River na katabi lang ng paaralan na ito. Mistulan kaming mga preso rito na pinagkaitang masilayan kahit konti ang kagandahan ng panlabas na mundo.

Malakas pa rin ang buhos ng ulan sa labas. Halos hindi na kami magkarinigan ni Bruno. Ayaw naming subukang lakasan ang pag-uusap namin sa takot na marinig ng prinsipal at ng dragon. Hindi kami maaaring maging kampante kahit na nakabibingi ang ingay na nililikha ng mga bumabagsak na ulan sa bubong. Sa oras na marinig at matagpuan kami ng mga ito, siguradong katapusan na namin.

"Ano'ng gagawin natin? Lalabas ba tayo?" tanong ko.

"I think we should go," sagot ni Bruno. Muli nitong hinaplos ang pisngi ko."Hindi natin alam kung hanggang kailan titigil ang bagyo. Besides, gabi na. Magsisilbing proteksyon natin laban sa kanila ang dilim."

Hindi ako sumagot. Hindi ako panatag sa suhestyon ni Bruno na lumabas kami. May parte sa aking puso na nagsasabing isang malaking pagkakamali ang lumabas. Ang silid na ito na ang nagsisilbing kanlungan namin laban kina Dragon Lady at sa humahagupit na bagyo. Protektado kami laban sa hampas ng hangin at sa mga lumilipad na bagay. Delikado ang lumabas. Hindi man kami mapatay nina Dragon Lady at ng prinsipal, malamang na ang bagyo na mismo ang tumapos sa nasimulan ng mga ito.

"Miya?" Marahan akong tinapik ni Bruno sa balikat. Nasa mukha nito ang pag-aalala. Sinalat nito ang noo ko. "Ayos ka lang? Musta pakiramdam mo?"

"Ayos lang ako," sagot ko.

"Sigurado ka? Though hindi ka naman sobrang mainit. Katamtaman lang." Hinaplos ni Bruno ang ilong ko at marahang pinisil. "Bakit ganito ilong mo? Kasing lamig ng ilong ng pusa?"

Napaatras si Bruno nang subukan kong kurutin ang tagiliran nito.

"Okay, sorry! I was just kidding, Miya. Pinapatawa lang kita."

"Nahiya ka pang idagdag na kasing lapad ng ilong ng pusa ang ilong ko. Go ahead, Bruno!" kunwari ay naiinis na bulyaw ko. "Ilong ko na naman nakita mo. Inaano ka ba ng ilong ko?"

Sabay kaming natawa. Ilang saglit pa ay muling bumagsak ang luha sa mga mata ko. Naramdaman ko ang muling pagyakap sa akin ni Bruno.

"G-Gusto ko nang makaalis dito. Miss ko na mga magulang ko. Nag-aalala na sila sa akin," hagulhol ko sa dibdib ni Bruno. Nakakahiya pero hindi ko na mapigilan ang sarili ko sa tuwing may nagbabadyang luha sa mga mata ko. Marahil lubha akong na-trauma sa mga nangyari kanina. Hanggang ngayon hindi ko pa rin matanggap na wala na ang bestfriend ko. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na stranded kaming dalawa ni Bruno dito sa Purvil High habang nasa paligid lang namin at pagala-gala sina Mrs. Villarica at Ms. Velasco, lubos ang hangarin na mahanap at mapatay ako. "Bruno, please, tulungan mo akong makalabas dito. A-Ayoko na rito. I-Iuwi mo na ako. Ayoko na rito."

Kung makikita ako ng mga kaklase ko ngayon sa ganitong sitwasyon, umiiyak na parang basang-sisiw, siguradong iisipin nila na nagkamali sila nang iboto nila ako na maging presidente ng klase. Miya the Dragonslayer! What a joke! Pero wala sila sa sitwasyon ko ngayon. Hindi sila ang dalawang beses nang nalagay sa bingit ng kamatayan ang buhay at patuloy na sinusubukang patayin ng prinsipal at ng dragon!

"Me too, Miya," pag-aalo ni Bruno. "Kaya sumama ka na sa akin. Gagawa tayo ng paraan para makaalis sa lugar na ito. There's always a way. Trust me."

Tama si Bruno. Walang mangyayari kung titigil lang kami dito sa loob ng silid-aralan at maghihintay sa wala. Biyernes ngayon at Lunes pa ang balik ng mga estudyante. Dalawang araw pa ang hihintayin namin bago pa makabalik si Mang Juan at ang mga maaagap na estudyante ng Purvil High. Siguradong hahalughugin nina Mrs. Villarica at Dragon Lady ang bawat sulok at butas ng paaralan mahanap lang ako. This room is a dead end. Tama si Bruno. Kailangan na naming lumabas at makipagsapalaran na lang sa gitna ng masungit na panahon. Tao rin sina Mrs. Villarica. Anumang makapapatay sa amin ay makapapatay din sa mga ito. Walang pinipili ang bagsik ng bagyo.

Hinawakan ni Bruno ang kamay ko. Nagbigay ito ng isang ngiti na hindi umabot sa mga mata nito. May tila kalungkutan sa mga mata nito na ngayon ko lang napansin. Takot ba ang nakikita ko sa mukha nito?

Tila nabasa ni Bruno ang nasa isip ko. Hinawakan nito ang magkabilang kamay ko at kinulong sa mga palad nito, pagkatapos ay inilapit at nilapat sa labi nito.

"Miya, alam kong natatakot ka. Aaminin ko, natatakot din ako," pagtatapat ni Bruno, mga mata'y nakapako sa akin. Dumadampi sa mga kamay ko ang init ng hininga nito. "Pero gagawin ko ang lahat maprotektahan lang kita. I'll make it right this time. Patutunayan ko sa 'yo kung gaano ka kahalaga sa akin. Kung gaano kita kamahal."

"Ano'ng ibig mong sabihin?"

"Naaalala mo ang sinabi ko kanina, Miya? Sinabi ko na handa akong pasukin ang lungga ng mabagsik na dragon at matupok ng apoy nito mapatunayan ko lang ang naglalagablab kong pag-ibig sa iyo. Well, I guess this is it. Mapapatunayan ko na sa iyo."

Saglit akong natigilan sa kinatatayuan ko. Bigla nanindig ang mga balahibo ko, dala marahil ng tila yelong lamig ng hangin na nagmumula sa mga nakabukas na bintana na siya namang tumatama sa basang katawan ko. O maaaring dala ng takot na ibig kumawala sa buong pagkatao ko.

Lungga ng dragon...

Tila isang palaisipan kanina ang mga katagang lumabas sa bibig ni Bruno, na ngayon ay unti-unti ko nang napagtatagpi-tagpi at nasasagutan.

Kanina pa may sumisigaw sa isip ko na tila ba nagbababala, pilit pinapaalala sa akin ang isang bagay na dapat ay maalala ko. Nagkibit lang ako ng balikat sa pag-aakalang dala lang ito ng tuliro kong pag-iisip.

Tila sinuntok ako sa sikmura nang mapagtanto kung nasaan kami.

Nasa lungga kami ng dragon!

Nasa loob kami ng classroom ni Dragon Lady!

Paparating na ang dragon, sigaw muli ni Clint sa diwa ko.

"Kailangan na nating makaalis dito sa silid na ito!" Agad kong kinalas ang mga kamay ni Bruno sa akin. Napakunot ang noo nito habang nakatingin sa akin na tila ba isa akong taong grasa na sumasayaw sa saliw ng musika na tanging ako lang ang nakaririnig. Kinapitan ko ito sa balikat at niyugyog. "Wake up, Bruno. Nasa panganib tayo!"

Tila nagising sa malalim na pagkakahimbing si Bruno at kukurap-kurap na nagsalita. "Well, I think that's fairly obvious. Kanina pa tayo nasa panganib. Simula nang hablutin kita papasok dito."

"Nasa silid-aralan tayo ni Ms. Velasco. N-Nasa lungga niya tayo. Umalis na tayo dito."

"I think that's a good idea, Miya. Aalis naman talaga tayo dito ngayon. Huwag kang mag-alala. Hindi pupunta ang dragon dito sa pinakamamahal niyang kweba. I just don't see any reason why."

Hindi ako sumagot. Napasulyap ako sa nakasaradong pinto. May narinig nga ba ako na naglalakad palapit? O likha lang ng imahinasyon ko?

Muling hinawakan ni Bruno ang kamay ko.

"We should go, Miya."

Tumango ako.

Magkasabay naming tinungo ang pinto.

Akmang hahawakan na ni Bruno ang doorknob nang bigla itong gumalaw mag-isa.

Sa gitna ng malakas na kalampagan ng mga bubong at buhos ng ulan, rinig ko ang paghinga ng kung sinumang tao na nakatayo sa likod ng pintuan, at ang pagkalangsingan ng nagbabanggaang mga susi. Isang anino ang makikita sa siwang sa ilalim ng pinto.

Dumating na ang dragon.

My Teacher is a Serial KillerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon