“Ang tagal mo naman yatang nakabalik. Kanina pa tanong nang tanong sa akin ang asawa mo,” bungad sa akin ni Nanay habang nakapamewang na sa akin sa may pintuan.Gabi na nang nakarating ako sa bahay. Hindi muna ako umuwi pagkatapos ng tawag na iyon at nagtungo sa parke upang makalanghap ng preskong hangin at para mag-moment. Hindi ko namalayan ang oras kaya ginabi ako.
“N-Nasaan na siya, Nay?” tanong ko at hinubad ang sapatos.
Tinaasan niya ako ng kilay. “Sumama sa tatay mo sa pangingisda. Akala ko ba ay maghahanap ka ng trabaho? Bakit ang tagal mo naman yatang nakauwi?”
Hindi ko na sinagot si Nanay at nauna nang pumasok sa loob. Hanggang dito ay mabigat pa rin ang loob ko sa naging desisyon ko. Mabuti na lang at wala si Kotaro ngayon dahil hindi ko alam kung paano ko siya patutunguhan matapos kong makausap ang girlfriend niya.
“Nay…” Pagod ko siyang binalingan.
Mula sa pagkakunot ng noo ni Nanay at napalitan ito ng pag-aalala.
“Umiyak ka ba?” tanong niya at agad lumapit sa akin. “Namumula ang mata mo.”
“Hindi po, Nay,” mahina kong sabi sabay iwas ng tingin.
“Huwag mo nga akong iwasan at sagutin mo ang tanong ko!”
Tumaas ang boses ni Nanay kaya natigilan ako at napatingin sa kanya.
Huminga siya nang malalim sabay tingin sa akin. “Hindi ko alam kung ano ang mga nasa isip mo ngayon. Tinanong kita na umiyak ka ba kahit sobrang halata naman na kagagaling mo lang sa pag-iyak. Kahit minsan, sagutin mo rin ang tanong ko. Kung may problema ka, puwede mong sabihin—”
“Wala naman po talaga, Nay,” pagputol ko sa kanya dahil gusto ko na magtungo sa kuwarto. “Wala po akong problema.”
“Oh, eh, bakit ka umiyak? Ano? Arte mo lang?”
Kumirot ang puso ko sa sinabi niya. “Kaya nga po wala po akong problema, Nay, kasi sa mata ninyo, nag-iinarte lang ako.”
Namilog ang mata niya sa sinabi ko.
“Kung sasabihin ko sa iyo kung ano ang problema ko, sasabihan mo lang ako ng masasamang salita o hindi kaya titingnan mo ako gamit ang dismayado mong mga mata. Kaya, N-Nay, w-wala po akong problema.” Nanginig ang boses ko sa huli kong sinabi. “Wala po.”
“A-Anak…”
“Kung sasabihin ko sa inyo ang problema ko ngayon, baka itakwil niyo na ako bilang anak niyo. Mas mabuting sarilihin ko na lang, para wala ka na pong sakit sa ulo,” ani ko at dumiretso na sa kuwarto.
Hindi ko intensyon na tratuhin ng gano’n si Nanay pero gusto ko lang muna talaga na mapag-isa. Hinanda ko na rin ang sarili ko para sa gagawin ko bukas at kung paano ko haharapin si Kotaro.
Sinapo ko ang dibdib ko at napapikit na lamang nang panibagong luha ang tumulo sa aking pisngi.
Hindi ko akalain na isang araw ay magiging ganito ako. Ganito pala kasakit magmahal ng tao na hindi naman para sa iyo. Ang sikip-sikip sa dibdib. Gusto ko na lang mawala ito para wala na akong bigat na dadalhin.
Nang nakakita ako ng isang papel sa may lamesa ay naisipan ko na lumapit at doon, nagkaroon ako ng ideya kung paano ko sasabihin sa kanya ang lahat.
Naghila ako ng upuan at kinuha ko ang isang ballpen sabay kuha ng isang yellow paper. Nanginig ang kamay ko at nagdadalawang-isip ako kung ano ang isusulat ko.
Ipapasa ko na lang siguro ito kay Charo Santos. Baka sisikat pa ako.
Huminga ako nang malalim at nagsimula nang magsulat. Ilang yellow paper ang nasayang ko dahil napapangitan ako sa sulat-kamay ko.
BINABASA MO ANG
Pretending To Be The Billionaire's Wife (COMPLETED)
RomanceMonteverde Clan Series #1