Ilang araw ang lumipas simula no’n at wala na akong ginawa kundi ang pagsilbihan siya. Alam ko na wala siyang maalala pero kung makapag-utos ang lalaking ito ay parang ako pa ang kasambahay niya.
Ngayon, nakita ko si Tatay na may dalang balde at iba pang kagamitan sa pangingisda. Napangisi ako nang may bigla na namang pumasok na kalokohan sa isipan ko.
Lumapit ako kay Tatay.
“Tay, hindi ba at pangingisda ang trabaho ng asawa ko?” tanong ko kay Tatay na ngayon ay may pagtataka na sa mukha at natigilan sa paglabas ng bahay.
“Ano ang ibig mong sabihin, anak?” nagtatakang tanong ni Tatay sa akin.
Naibagsak ko ang balikat ko. Ang hirap naman nito. Balak ko kasing sumama sa kanya at isasama ko ang lalaking ipis na ito para naman maranasan niya ang buhay mangingisda. At saka ang puti-puti niya, hindi ba puwedeng bawasan muna?
Iritado kong nilingon si Kotaro. Nasa may sala siya ngayon, nanonood ng TV. Hindi ko talaga siya maintindihan. Wala nga siyang maalala pero ang aura niya ay katulad sa first encounter naming dalawa. Bad boy na bad boy ang datingan pero ang pinapanood ay Tom and Jerry.
“Asawa ko, sumama ka sa amin,” malambing kong wika at sa gilid ng mata ko, kita ko ang pagngiwi ni Tatay.
Saglit niya lang akong nilingon at ibinalik ang focus sa TV.
“I don’t think I know how to catch a fish,” aniya. “Can you at least consider my situation?”
Humugot ako ng malalim na hininga. Ito na naman siya sa kanyang sitwasyon. Ginagamit niya ang sitwasyon niya sa akin, eh. Mautak din ang lalaking ito pero mas mautak ako.
Lumapit ako sa kanya at nginitian. Nakita ko na natigilan siya sa paglapit ko at binalingan ako.
“Hey, what’s with your creepy smile?”
Niyakap niya ang sarili niya at nakita ko ang takot sa kanyang mukha. Mas lalo lamang lumaki ang ngiti ko sa nakita. Hindi na ako nag-alinlangan. Umupo na ako sa tabi niya at nginusuan siya.
“Ew! Go away you—Ah!” Sumigaw siya nang bigla kong hinila ang braso niya at niyakap ito.
Kailangan kong um-acting para makaganti sa lalaking ito!
“Pero langga!” Lumabi pa ako at mas lalong inilapit ang sarili. Halos mandiri siya at halos mahiga na sa sofa makaiwas lang sa akin. Halos itulak-tulak niya ako.
“Shit!” mura niya. “This is harassment!” sigaw niya at tiningnan si Tatay na ngayon ay tawang-tawa na at naiiling na lumabas na.
“Gusto ko kasi ng isda,” malambing kong sabi sabay haplos sa pisngi niya. “Gusto ko ikaw ang kukuha para sa akin!”
“Don’t touch me!” Inalis niya ang kamay ko sa braso niya at buong lakas niya akong itinulak kaya napahiga ako sa sofa.
Umawang ang labi ko sa gulat at umayos ng upo. Inis ko siyang binalingan. Kita ko na mukhang nagulat din siya sa kanyang ginawa.
“Ang arte-arte mo. Kung ayaw mo, edi huwag!”
Buwisit na lalaki. Puwede naman siyang tumanggi nang hindi ako tinutulak. Sigurado ako na sanay na sa rambulan ang lalaking ito. Masyado siyang marahas na pati ang babae ay hindi niya pinapalagpas.
Busangot ang mukha ko nang nakalabas ng bahay at nang nakita ko si Tatay na tinutulak na ang bangka papunta sa dagat ay tumakbo na ako para makahabol.
“Tay, sasama ako!” sigaw ko at saglit na nilingon ang bahay.
Natigilan ako nang nakita kong lumabas si Kotaro at tumakbo patungo sa direksyon ko. Napangisi ako dahil nagtagumpay ang aking plano ngunit agad itong napawi nang bigla na lamang siyang nadapa sa buhangin.
BINABASA MO ANG
Pretending To Be The Billionaire's Wife (COMPLETED)
RomantizmMonteverde Clan Series #1