Naalimpungan ako nang nakarinig ako ng isang kaluskos. Napasinghap ako at nagpalinga-linga. Kahit mulat na ang aking mata, wala akong ibang makita kundi itim. Naka-blindfold kasi ang mata ko. Hindi ako makagalaw sa aking kinauupuan dahil nakatali ako.
Bumilis ang paghinga ko nang napagtanto ko na seryoso itong nangyari sa akin. Hindi ako nakasakay sa eroplano. Hindi ako nakarating ng Maynila dahil may dumukot sa akin.
Hindi nakatakip ang bibig ko kaya malaya kong maisigaw ang gusto kong sabihin. Sinubukan kong galawin ang aking mga paa ngunit sadyang mahigpit talaga ang pagkatali.
“Mga yawa kayong tanan!” sigaw ko at nagtaas-baba ang dibdib ko sa sobrang gigil. “Pakawalan niyo ako rito! Mga hayop kayo! Mga yawa! Ang papangit ng pagmumukha ninyo! Sino kayo para dukutin ako? Wala kayong makukuha sa isang katulad ko! Wala akong pera na ipambayad at mahirap lang kami! Ano ba? Huwag kayong papauto sa ganda ko dahil hindi lahat ng maganda ay mayaman!”
Nagtagis ang bagang ko nang nag-echo ang boses ko sa buong kuwarto. Mukhang kuwarto itong lugar kung nasaan ako ngayon dahil masyadong close at ang lamig. Ang sosyal naman nitong dumukot sa akin, air-conditioner tapos ang dinukot, dukha.
“Sumagot nga kayo!” sigaw ko muli at nagngitngit ang ngipin sa sobrang gigil. “Hindi ba kayo mahal ng magulang ninyo? Mga gago kayo pakawalan niyo ako rito!”
Halos maubusan ako ng boses sa sigaw ko tapos wala man lang sumagot. Mukha akong baliw dito.
Hindi ko maiwasan ang makaramdam ng kilabot. Ang huling balita tungkol sa kidnapping ng mga dalaga ay 6 years ago na at ang tanga ng mga nag-kidnap sa akin dahil umaga.
“Pakawalan niyo na ako, ano ba!” sigaw ko muli at halos maiyak na. “Sinasayang ninyo ang oras ko! Katulad niyo, naghahanap din ako ng trabaho! Mga buwisit kayo!”
Napayuko ako nang mapagod ako kakasigaw. Hindi ko maiwasang isipin si Nanay at Tatay. Baka akala nila ay nandoon na ako. Ayaw ko na ma-disappoint sila ulit sa akin.
Paano kung last day ko na ito? Tangina, hindi ako papayag. Ano ba ang gagawin ko kung nakatali ako? Hindi naman ako girl scout na laging prepared. Malay ko ba na ganito ang mangyayari sa akin.
Naalerto ako nang makarinig ako ng pagbukas ng pinto. Agad akong napasinghap at agad na nag-angat ng tingin dito.
“Pasensya na, Sir, at itinali namin. Hindi naman po iyan mahigpit. Talagang kailangan lang dahil tingin ko ay tatakas,” narinig kong sabi ng boses lalaki.
Hindi sumagot ang sinabihan niya na sir kaya inis akong bumuga ng hangin.
“Pakawalan niyo na ako mga hayop kayo! Sabi ko, wala kayong makukuha sa akin! Kung pakakawalan niyo ako, hindi ko kayo isusumbong sa police.”
“Hindi ka rin naman namin sasaktan, Miss. Nandito ka lang dahil may dapat kang pirmahan,” wika ng isang lalaki sa maamo ang boses.
Kumunot ang noo ko. “Pirmahan? Ano ang pipirmahan ko? Wala akong utang sa inyo, ah?”
At bakit ako pipirma? Malay ba natin na iba na pala iyan.
“Hindi naman ito masama, Miss. Pirma mo lang talaga at pakakawalan ka na namin.”
Ngumiwi ako. “Bakit sa tingin niyo ay pipirma ako? Matapos niyo akong ginanito? Nahuli ako sa flight ko! First time ko na sanang makasakay ng eroplano, sinira niyo pa! At saan ang mga gamit ko? Mga yawa kayo!”
“Sige na, Miss—”
“Sino ba iyang boss niyo at bakit niya ako pinadukot? Kilala ko ba siya? Kasi wala akong kilala na lalaking mandurukot, ha! At mas lalong wala akong utang! Kaya pakawalan niyo na ako rito.”
“Hindi ka makakaalis dito kapag hindi mo pipirmahan. Habang buhay ka na rito, nakatali, and worst, baka mamamatay ka.”
Napasinghap ako.“Edi konsensya niyo iyan!” sigaw ko. “Basta hindi ako pipirma—”
“Madadamay pamilya mo kapag hindi,” dagdag na banta ng lalaki.
Umawang ang labi ko at natigilan sa narinig. Seryoso ba talaga ito? Hindi ba ito joke time?
“Pirma mo lang at makakabalik ka sa inyo nang matiwasay.”
Nanlumo ako. Bakit ako uuwi? Kailangan kong pumuntang Maynila. Hindi puwedeng hindi. Kapag babalik ako roon, baka panibagong tsismis na naman galing sa mga kapitbahay.
“Miss, pirma mo lang talaga at wala nang iba.”
Bumuntonghininga ako at saka tinikom ang bibig ko. Tumango ako dahil gusto ko nang makaalis. Kung ano man itong pinipirmahan ko, tatakasan ko na lang. O hindi kaya, isuplong sila sa police.
•••
Tumupad sila sa usapan. Matapos kong pumirma ay pinalaya nila ako. Gulong-gulo ang buhok ko at halos napapikit sa sinag ng araw. Hindi ko nakita kung ano ang pinirmahan ko dahil naka-blindfold ako.
Tama kaya ang ginawa ko? Hindi naman ako nasaktan pero may pinirmahan ako na siyang inaalala ko.
What if utang pala iyon? Tapos kinabukasan ay baka maniningil na iyon ng utang sa bahay.
Inayos ko na lang ang sarili ko at saka kinuha na ang bag. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Siguro hahanap muna ako ng matutulugan bago bumalik sa amin. Wala akong choice. Kailangan kong bumalik.
Nasa syudad pala ako at pinalaya nila ako sa Carbon kung saan maraming tao. Mukha akong tanga dahil naka-blindfold ako noong pinakawalan nila ako.
Mabuti at may pamasahe pa ako pauwi dahil baka maglalakad talaga ako o hindi magpapasagasa na lang kung hindi na kaya.
Kumain ako sa isang ‘pungko-pungo’. Mura lang ang pagkain ngunit masasarap lalo na ang manok nila.
Hindi ko maiwasan ang malungkot para sa sarili. Para na akong palaboy nito at totoong natakot ako sa dumukot sa akin. Nagpapasalamat pa rin ako na wala silang ginawang masama sa akin. Pero hindi ko maiwasan ang mangamba.
•••
Kinabukasan ay naligo na ako at nagbihis. Tumuloy ako sa isang paupahan na 500 ang limang oras. Limang oras lang din ang stay ko at halos hindi ako makatulog dahil dinig na dinig ko ang ungol ng kabilang kuwarto.
Habang papatungo ako sa South Bus Terminal, binuksan ko ang phone ko na na-lowbat kagabi. Full na ito dahil nag-charge ako na may bayad na 10 pesos. Wala na talagang libre sa mundong ito.
Sa pagbukas pa lang ng phone ko ay natigilan ako at nagulat nang bumungad agad sa akin ang tawag ni Nanay. Sinagot ko agad ito at umupo muna sa isang bench.
“Nay—”
“NASAAN KA, ANAK? BAKIT HINDI MO SINASAGOT ANG TAWAG NAMIN? ALAM MO BA NA ALALANG-ALALA KAMI SA IYO? HINDI KA RAW NAKITA NG TIYA MO? NASAAN KA?”
Halos ilayo ko ang phone ko sa tainga ko dahil sa sigaw ni Nanay sa kabilang linya. Hindi naman siya galit pero ang sakit talaga sa tainga.
Bumuntonghininga ako. “Nay kasi—”
“At ano na namang katangahan ang ginawa mo? May mga lalaking nandito! Hinahanap ka!”
Namilog ang mata ko. “Ano ang ibig sabihin mo, Nay?”
“Hinahanap ka! Sabi Misis raw! Ano’ng Misis? Wala kang asawa! At pinagtsi-tsimisan na tayo ng mga ka-barangay natin kaya umuwi ka na rito at ayusin mo ito!”
Bago pa man ako makasagot at binabaan na ako ni Nanay ng tawag.
Ano ba ang nangyayari?
BINABASA MO ANG
Pretending To Be The Billionaire's Wife (COMPLETED)
RomanceMonteverde Clan Series #1