Chapter 11: New Subject

62 3 11
                                    




Oops! This image does not follow our content guidelines. To continue publishing, please remove it or upload a different image.



===Zenrie==


SAU Dormitory, March 21, 2020 10:30 AM


"Ito'y simula pa lang..."


Hanggang ngayon ay bumabalik na naman sa aking isipan ang mga salitang binitawan ni Diya sa gubat at talagang nagkatotoo nga.


Malapit nang magtanghali ngunit nanatili pa rin akong nakahiga sa itaas na kama sa silid ng tinutuluyang dorm matapos ang isang nakagigimbal na pangyayaring yumanig sa virtual world. Hindi ko pa rin maialis sa aking isipan ang isang salitang nakapaskil sa kalangitan na nagsilbing senyales ng parating na delubyo o bangungot.


Ngunit nangyari na nga ang ikinakatakot ko na tanging sa mga nobela at anime lang meron. Akalain mong may mga bagay palang hindi rin inaasahang mangyayari talaga. Siguro dahil sa mga kaganapang ito ay ayaw ko na sa araw ng Biyernes.


Nakatingin pa rin ako sa kisameng nabablanko habang inilagay ko ang aking kamay sa noo. Huminga na rin ako ng malalim upang maibsan ng konti ang nararamdaman kong apoy sa loob na gustong sumubok sa akin ngayong umaga. Hindi na rin ako nag-atubili pang buksan ang aking student's window at tumingin sa isang bakaneng button na kung saan makikita ang dalawang importanteng salita na dapat naming maibalik bago pa man kami tuluyang makulong dito habang buhay at baka mahawa pa ang mga katawan namin sa tunay na mundo na kung saan aktibo pa rin ang RespiroRoachVirus.


Ito ang unang araw na kung saan nakakulong kami sa virtual world. Unang araw ng ikinakatakot kong mangyari na talagang isang malaking bangungot kapag tumunog ang sirena at bigla na lang mag-iba ang mga suot namin. Nakakalokang isipin 'to pero parang nasa loob kami mismo ng isang light novel sci-fi themed class, kaso nga lang medyo nagiging mapanganib na.


May bigla na lang kumatok sa kuwarto at agad akong bumangon sa aking higaan. Tumingin na rin ako sa oras ng student's window at nasa sampung minuto na lang bago sasapit ang ika-11 ng umaga. Napansin ko ring ako lang palang mag-isa ngayon at hindi ko nakita sina Althea at Mimi. Mukhang kanina pa sila nakaalis at iniwan na lang ako ritong mag-isa.


Milagro! Hindi yata nagpakita sa akin si Blaurei ngayong umaga ah. Siguro tulog pa ang paruparong 'yon o namamasyal pa sa hardin ng SAU. Akala ko tuloy sa paggising ko ay makikita ko na lang siyang dumapo sa aking ilong gaya ng ginawa niya sa akin noong nakaraang gabi bago magsimula ang unang klase namin dito sa virtual world.

Class Code: ERRORWhere stories live. Discover now