September 12, 2020
Nabalitaan ko na nakalabas narin ng hospital ang isa sa mga nakasama kong pasyente. Hindi namin sya nakasabay sa huling swab test kaya marahil ay naswab sya mga ilang araw pagkalabas ko ng hospital. Purihin ang Panginoon dahil hindi Nya binibigo ang mga nananalig sa Kanya.
Lumabas na ang swab result ng mga magulang ko. Purihin ang Panginoon dahil nag negative narin sila sa huling swab nila. Ang mga pinsan ko pati buong pamilya nila at ang kapatid ko, lahat kami ay nag negative na sa swab test. Pinagaling na kaming lahat ng Diyos!
Nang malaman ko na nagnegative na sila mama at papa ay nagmadali na akong umuwi sa amin. Gusto ko na silang makita at makasama. Lahat ng kapit-bahay na nakasalubong ko ay sinasabihan ko na negative na kaming lahat para hindi naman sila matakot sa akin. May mga batang kapit-bahay pa nga ang tumulong na magbitbit ng mga dala kong gamit. Masayang-masaya akong makita muli ang bahay namin lalo na ang makasama ulit ang mga magulang ko. Wala pa ang kapatid ko sa bahay dahil sa dorm nila sya nag home quarantine. Bukas ay uuwi narin sya dito sa bahay.
Kahit alam kong nag disinfect na sa buong bahay namin ang Barangay ay nag disinfect parin ako sa lahat ng sulok ng aming bahay at lahat ng gamit ko. Sa nangyari sa amin para bang ayoko nang makakita pa ng kahit anong dumi o alikabok sa bahay. Marami rin kaming nilabhang damit kinabukasan.
Hindi maiwasan na ibahagi namin sa isa't isa ang mga naranasan namin. Nalaman ko na habang nasa hospital pala ako ay sumakit ulit ang dibdib ni mama. Matagal na nyang hininto ang gamot nya para puso dahil hindi na ito sumasakit kaya nag-alala raw sya na maramdaman nya ulit ang sakit ng dibdib nya at uminom ulit sya ng gamot nya para dito. Nawalan sya ng ganang kumain pero mabuti at hindi naman sila nawalan ng panlasa at pang amoy ni papa. Nag-alala rin ako kay papa dahil alam kong smoker sya at ilang beses naring nagka pulmunya. Naiisip ko noon na baka hindi kayanin ng baga nya ang gagawin ng virus sa katawan nya. Pero nakakamangha ang lakas na ibinigay ng Diyos sa papa ko. Sa aming lahat sya lang ang walang anomang sintomas na naranasan. Bukod sa sabay-sabay naming pagkakasakit pagkatapos ng Birthday ni mama ay wala na syang iba pang naranasang sintomas. Sya ang nag-alaga kay mama at nagpalakas ng loob ni mama. Habang nagku-kwento si papa sa lahat ng nangyari ay naiyak sya. Noon ko lang nakitang umiyak si papa... Alam ko na hindi nila sinabi ito habang nasa hospital ako para hindi ako panghinaan ng loob. Salamat sa Panginoon dahil nalampasan na namin ang lahat ng ito.
Nabalitaan ko rin na nagkasakit ang isa sa mga alaga naming aso. Akala raw ni papa ay mamamatay na ito dahil hindi ito kumakain at umiinom. Nakahiga lang at hinang-hina. Posibleng na-infect din ito ng virus dahil natutulog ito sa loob ng aming kusina. Salamat din sa Diyos at gaya namin, na-survive din ito ng aso namin. Ngayon ay malakas na ulit sya at para bang walang nangyaring pagkakasakit. Kahit aso ay nakatanggap din ng kagalingan mula sa Diyos.
September 16 ay muli kong nakausap si nanay P sa cellphone. Nang tumawag ako ay naghihintay na lang sya ng sundo nya. Nag negatibo narin sya sa swab test at naka-schedule nang lumabas ng hospital. Napakabuti ng Diyos talagang makapangyarihan at tunay na manggagamot. Masaya akong malaman na sa wakas ay makaka-uwi narin si nanay P at makakapiling na muli ang kanyang pamilya.
Kung nagsa-struggle ka rin ngayon, isipin mo na "life is worth living" parin. May maganda pang pwedeng mangyari sa buhay mo. Alalahanin mo rin na mahalaga ka sa paningin ng Diyos. Mahal ka Nya at mayroong pag-asa sa sitwasyon mo ngayon.
Sa lahat ng ito, nagpupuri at nagpapasalamat ako sa Panginoon. Hindi nya kami pinabayaan sa gitna ng mahihirap na sitwasyon. May mga tao syang ginamit upang tumulong at sumuporta sa amin. Pinalakas Nya ang aming loob, pinatibay ang aming pananalig, binago at pinagaling kaming lahat. Sa Kanya ang lahat ng papuri at pagsamba.
![](https://img.wattpad.com/cover/243186413-288-k858655.jpg)
BINABASA MO ANG
Journal ng COVID Survivor
NonfiksiIto ang lahat ng nakasulat sa aking journal noong ako ay naka-admit sa hospital as COVID19 patient. Ang pagsusulat ng lahat ng mga naranasan at naramdaman ko sa loob ng COVID Ward ay nakatulong ng malaki sa pagbuti ng aking physical, emotional at m...