Part 2 ... Tatak na Dragon

30 4 0
                                    

"Tatak na Dragon"

Inabot ng pagsikat ng araw ang paglipad ni Rasab. Nasa Ragoon, ang malawak na disyerto ng Maurya pa lang siya. Bumagal ang kanyang paglipad dahil sa nanghihina na sa dami ng dugong nawawala. Nasa kalagitnaanan pa lang siya ng disyerto. Tinignan niya ang sanggol sa kuna. Mahimbing na natutulog pa rin. Alam niyang tiyak na susundan siya ni Rajah Omar. Nakita niya ang malaking bundok ng Amagi sa bulubunduking lugar ng Ragoon. Tumigil siya sa pagkampay ng mga pakpak at ginamit ang hangin para marating ang bundok. Kailangan niyang lumapag at magpahinga.

Sa maliit na lambak na nasa pagitan ng isang maliit na burol at bundok ng Amagi ay nangangain ng damo ang mahigit sa dalawang daang kabayo, mga tupa at kamelyo. Dahil buwan ng tagsibol ay maraming damo ang tumutubo. Maagang pinapastol ang mga hayop nina Benzar at Adnan, mga anak na binatilyo ni Mohandi. Kasama nila sa pastulan ang ibang mandirigmang tauhan ni Mohandi. Sa paanan ng Amagi nakatayo ang kanilang mga naglalakihang tolda. May mahigit sa dalawang daang tauhang mandirigmang Nomadi si Mohandi. Ang karamihan ay kapiling ang kanilang mga asawa't ànak. Sa malaking kweba malapit sa mga tolda nakatira si Mohandi at ang tolda niya ay ang pinakamalaki na malapit sa bukana ng kweba. Hindi kalayuan sa kweba ay ang sumisibol na tubig mula sa pagitan ng dalawang malalaking bato. Dumadaloy ang malinis na tubig pababa sa maliit na lawa na napapaligiran ng mga puno ng mga niyog at dates. Ito ang pinakamasarap na tubig sa buong Maurya kaya para itong gintong binabantayan ng grupo ni Mohandi. Ito ang kanilang buhay na handang ipaglaban hanggang sa kamatayan.

Mula sa loob ng malaking tolda ay lumabas si Mohandi. May dala siyang maliit na lagayan ng tubig na gawa sa balat ng hayop. Pupuntahan niya ang kanyang dalawang binatilyo upang dalhan sila ng tubig at mga tinapay. Tinignan niya ang kanyang alagang asul na dragon. Masarap ang tulog malapit sa lawa.

Habang naglalakad siya ay napansin niya ang lumilipad na isang malaking itim na dragon na hindi ikinakampay ang mga papak. Patungo ito malapit sa tuktok ng bundok Amagi. Nagmadali siya sa paglalakad.

"Ama, nakita mo ba yung itim na dragon?" Tanong ni Adnan ng makarating na ang kanilang ama sa pastulan.

"Oo Adnan. Kataka-takang biglang may naligaw na itim na dragon dito sa atin."

"May napansin ako ama sa dragon. May hawak siyang parang kahon at tila nanghihina siya."

"Napansin ko rin yun Benzar. Baka lumapag siya sa tuktok ng bundok. Ang mabuti pa ay dumito ka Adnan. Pupuntahan namin ng kuya mo ang dragon. Sabihin mo sa mga kasamahan natin na bantayang mabuti ang mga hayop. Baka biglang may sumalakay na dragon sa ating mga alaga."

"Oo ama. Mag-ingat kayo ni kuya."

Ibinigay ni Mohandi kay Adnan ang dala niyang tubig at mga tinapay. Nagmadaling nagbalik silang mag-ama sa mga tolda.

"Benzar kuhanin mo ang mga sandata natin. Gigisingin ko si Astura."

"Oo ama!"

Pinuntahan ni Mohandi ang alaga niyang natutulog na dragon na nasa niyugan at ginising.

"Astura gising!" Dumilat ang mga mata ni Astura.

"Bakit Mohandi? May pupuntahan ba tayo?"

"Oo. May nakita akong itim na dragong lumilipad at padapo sa tuktok ng bundok. Gusto kong puntahan natin."

"Itim na dragon? Bakit naririto ang itim na dragon? Anong gagawin niya sa tuktok ng bundok?"

"Kaya nga pupuntahan natin para malaman ko ang kasagutan sa mga tanong mo."

Tumayo ang malaking dragon. Kumislap ang asul niyang mga kaliskis nang masinagan ng araw. Dumating si Benzar dala ang kanilang mga sandata. Kinuha ni Mohandi ang kanyang espada at mahabang sundang. Pana at palaso ang dala ni Benzar. Sumakay sila sa likod ni Astura.

The Desert Prince . . .  Shimatar (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon