Part 14 . . . "Mga Lihim"

27 4 0
                                    


"Mga Lihim"

--------

Sa  loob  ng malaking kweba sa bundok ng Lugok ay nakapalibot kay Sultan Tariq Uhmran ang kanyang mga alagad na Shamang itim at mahigit sa isang daang mga Hoodo.  Nakabukas ang Mahika Negrang aklat ni Shaman Gondolf at nagbabasa ng mga mantra ang sultan. Katabi niya ang kanyang anak na si Prinsipe Wareq. Sa bawat mantrang kanyang bininigkas ay pinalalakas ang kanyang mga alagad. Nang matapos na siya ay lumuhod sa lupa ang kanyang mga alagad  at idinikit ang kanilang mga noo sa lupa.

"Ngayong naibigay ko na sa inyo ang mga mantra ay maaari na ninyong pamunuan ang aking mga mandirigmang  Barnak na aking bubuhayin sa lambak ng Mohenjo. Ang mantrang nakasulat sa loob ng silindrong ito ay ang bubuhay sa kanila."

Mula sa malaking bukana ng kweba ay pumasok ang isang malaking puting dragon. Lumapag ito.  Nagtayuan ang mga itim na Shaman at Hoodo. Nagulat sila  at naghanda upang labanan ang puting dragon at ang nilalang na nakatalukbong na nakatayo sa likod ng dragon.

"HUWAG KAYONG MABAHALA! ISA SIYANG MATAGAL KO NG KAIBIGAN!"  Sigaw ng sultan.

"Ama sino ba siya?"

Bumaba ang nilalang mula sa puting dragon. Nagbago naman ang kulay ng dragon. Naging itim ito.  Lumapit ang nilalang kay Sultan Tariq at yumuko.

"Panginoon natupad ko na ang matagal mong utos!" Tinanggal niya ang kanyang talukbong. Nagitla ang prinsipe ng makilala ang nilalang.

"Salamat Shaman Doneto!"

"Wareq si Shaman Doneto ang tumulong sa dalawang Hoodo para makuha ang silindro."

Nagbago ang anyo ni Shaman Doneto. Naging  isa siyang napakatandang lalake na mahaba ang puting balbas at buhok.

"Shaman Doneto, paano mo nakuha ang mantra?" Tanong ng prinsipe na nagtataka pa rin.

"Dati akong Tori ni Shaman Gondolf noon. Pinalakas ako ng kanyang Mahika Negra. Lihim ang aming ginagawa sa Velgotha. Ako ang nagsulat sa mga mantra sa itim na aklat na idinikta ni Shaman Gondolf. Nang mapatay ni Rajah Roshan si Shaman Gondolf ay isa ako sa kumuha kay panginoong Sultan Tariq sa palasyo ng Otto noong bata pa lang siya. Huli na ng mapa-inom namin ng dugo ni Shaman Gondolf ang panginoon. Hindi lahat ng kaalaman sa Mahika Negra ay naisalin sa isipan niya. Kaya napilitan akong magbalik sa Velgotha upang kunin ang itim na aklat pero naitago na ito ni Rajah Roshan na noon ay naging pansamantalang Punong Shaman ng Velgotha. Gamit ang Mahika Negra ay binago ko ang aking anyo sa paningin ng lahat. Sa aking paghahanap ay nalaman ko na nakuha ng Rajah ang mantra ni Shaman Gondolf  ang pagbuhay ng mga patay. Itinago niya kasama ang itim na aklat.

Alam kong malapit ng mamatay si Rajah Roshan dahil sa lason sa loob ng kanyang katawan kaya hinintay ko ang araw ng kanyang kamatayan. Pero nang ilagay na siya sa kanyang himlayan ay nakita ko ang gintong silindro at gintong espada ng Rajah  na itinabi sa kanyang bangkay. Binasa ni Rajah Omar Suleiman na noon ay sampung taong gulang pa lamang ang naisulat na mantra ni Rajah Roshan na tanging kadugo lang ng Rajah ang makapagbubukas ng kanyang himlayan. Bumalik ako rito at kumuha ng natuyong dugo ni Rajah Roshan sa kuko ni Shaman Gondolf. Ginamit ko ang tuyong dugo upang mabuksan ko ang himlayan ng rajah pero nabigo ako. Ilang taon kong sinusubukang buksan ang himlayan.

Matagal akong naghintay. Nang dumating ang mga prinsipe sa Velgotha ay nabuhayan ako ng loob dahil isa sa kanila ay kadugo ni Rajah Roshan, si Prinsipe Elmar ng Bryzantinia. Gamit ang bolang itim  ay kina-usap ko ang ating panginoon na kailangan ng kunin ang mantra at alam ko na ang gagawin. Sinabi ko sa mga Hoodo kung saan matatagpuan ang mantra at kung paano makararating doon. Pinasok ko ang katawan ni Prinsipe Elmar at nagkita kami ng mga Hoodo sa himlayan ng Rajah. Nabuksan ko ang himlayan at kinuha ang silindro. Wala na ang gintong  espada marahil ay kinuha ni Rajah Omar noong minsang dumalaw siya sa Velgotha. Sinadya namin ng iyong ama Prinsipe Elmar na huwag akong magpakilala sayo."

The Desert Prince . . .  Shimatar (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon