Part 8 ... Pangitain ng Dragon

23 3 0
                                    

"Pangitain ng Dragon"

Matataas ang mga anim na tore ng malaking palasyo na kinatitirikan ng mga bandilang gunit't gunit na. Nilulumot na ang mga batong dingding dahil sa kapabayaan. Sa paligid ay nalanta na ang mga malalaking puno at tanging mga tuyot na sanga na lamang ang natitira. Wala na ang mga nagagandahang mga hardin na puno ng mga nagagandahang mga halaman at iba't ibang  uri ng mga bulaklak. Ngayon ay nagkukulay tsokolate ang paligid dahil sa mga tuyot na dahon, halaman at lupa. Ang mabangong paligid dati ay naging amoy lupang nabubulok. Ito ang malaking palasyo sa kaharian ng Otto.

Malawak ang bansang Otto na dati rati ay sagana sa pagkain ang mga mamayan nito. Bawat malalaking bayan ay may  maraming produktong gulay, prutas, trigo, palay at mga iba'y ibang hayop na inaalagan. Walang kagutuman. Maunlad ang mga merkado at kalakalan. Masasaya at masisipag noon ang mga taga Otto. Pero nagbago ang lahat ng pangakuan sila ni Sultan Tariq Uhmran ng habangbuhay na kasaganaan sa makukuha nilang mga kayamanan mula sa ibang bansang kanilang masasakop. Mahigit sa kalahati ng mga lalakeng mamayan ay nagahaman sa pangako ni Sultan Tariq at sumama sila sa armadong hukbo ng Otto. Iniwan nila ang kanilang mga pamilya,  sakaan at alagang mga hayop.

Sumiklab ang unang digmaan. Naging kapanalig ng Otto ang bansang Nebulha at sinalakay nila ang bansang Bryzantinia. Sinalakay naman ng bansang Nordik ang bansang QinChin. Tinalo sila ng Bryzantinia at natalo ang Nordik sa QinChin sa tulong ng Bryzantinia.

Halos naubos ang hukbo ng Otto. Sa mahigit na isang  milyong mandirigma ay  wala pa sa  isang daang libo ang umuwing buhay. Ang iba sa kanila ay nagkanya-kanyang grupo at naging mga bandido o tulisan na sumasalakay sa mga karatig bansa at sa disyerto ng Maurya. Sa Maurya  kadalasan dumadaan ang mga mangangalakal ng Bryzantinia, Qin Chin, Nebulha at Nordik.

May isang bundok sa Otto na kung tawagin  nila ay Lugok. Noon pa man ay kinakatakutan na ng mga taga Otto ang bundok Lugok dahil kahit sinong naliligaw na umaakyat sa bundok na ito ay nawawala na. Ayon sa mga matatanda noon ang bundok ay pinamumugaran ng mga masasamang elemento. Pero ang hindi nila alam ay isang itim na Shaman ang may kagagawan ng kanilang mga pagkawala.

May isang napakalaking yungib dito. Sa loob ay maluwang na maluwang.  Bago pa man ang unang digmaan ay may nangyari ng labanan dito sa loob ng yungib.

Noong itinakas ni Gondolf ang isang ginintuang itlog na anak ng ginintuang dragon na si Bahatma ay dito siya pumasok. Dito rin sa loob ng yungib siya naabutan ni Rajah Roshan ang hari noon ng Bryzantinia. Naglaban silang dalawa lakas sa lakas at mahika negra laban sa mahika. Natalo si Gondolf at napatay. Malubha ang naging sugat ni Rajah Roshan. Nakuha niya ang ginintuang itlog at iniuwi sa Bryzantinia para sa anak niyang si Rajah Omar Suleiman.

Nadatnan ng mga kapanalig na itim na Shaman ni Gondolf ang kanyang bangkay dito sa loob ng yungib. Ito ay kanilang itinago rito na rin sa loob. Bago nagtungo sa bundok ng Halendra si Gondolf upang nakawin ang dalawang ginintuang itlog ay sumulat siya ng isang mantra ng mahika negra gamit ang kanyang sariling dugo. Iningatan ang kasulatan ng isa sa mga itim na Shaman. Patungkol ang mantra sa kanyang naging lihim na anak sa reyna ng Otto.

Patagong dinukot ng mga itim na Shaman ang anak ni Gondolf at dinala rito sa loob ng yungib. Kumuha sila ng dugo sa bangkay ni Gondolf na  naging kulay itim na at ipina-inom sa bata kasabay ng pag-usal nila ng nakasulat na mantra ng mahika negra ni Gondolf. Sumalin sa isipan ng bata ang mga kaalaman sa mahika negra ni Gondolf. Pero dahil sa itim na ang dugong napa-inom ay hindi lahat ng mga mahika negra ay napasalin.

Nilason ng mga itim na Shaman ang hari  ng Otto at ang bata ang nagmana ng buong kaharian. Kinilala siya na si Sultan Tariq Uhmran at ang mga itim na Shaman ang  naging mga ministro at paham ng buong kaharian. Nagdaan ang mga taon ay namatay sa panganganak ang reyna. Ang sanggol ay anak ni Sultan Tariq sa kanyang ina.

The Desert Prince . . .  Shimatar (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon