Part 16 . . . "Ang Buhay Mo ay Buhay Ko!"

23 4 0
                                    


"Ang Buhay Mo ay Buhay Ko!"

Nagmumula sa iba't ibang direksyon ay nagdaratingan ang mga tribong Nomadi na ipinatawag ni Mohandi patungo sa lambak ng bundok Amagi. Dala nila lahat ang kanilang mga kagamitan at mga hayop na inaalagan. Bawat pinuno ng mga tribo na nauna ng dumating ay pumapasok sa malaking tolda ni Mohandi.

"Mohandi paano ka nakasisiguro na sasalakayin tayo ni Sultan Tariq Uhmran?" Tanong ng isang pinuno.

"Ipinakita ng reyna ng mga nimpang si Meliae sa ating kaibigang si Rajah Omar Suleiman na binuhay na ni Sultan Tariq ang mga mababangis na mandirigmang Barnak. Naghahanda na sila sa pagsalakay. Dito sa Amagi ay malaki ang tsantsa natin na makaligtas kung magkaka-isa tayong lahat. Nakita naman ninyo na napapalibutan ng mataas na burol at ng bundok Amagi ang lambak at iisa lang ang daanang papasok. Ang makitid na daanan at ito ay ang ating tanggulan. "

"Anong magagawa natin laban sa mga Barnak? Kulang tayo ng mga magagaling na mandirigma. Halos karamihan sa atin ay mga babae, bata at matatanda."

"Lalaban tayo kaibigan. Kahit buhay ko ay handa kong ibigay para sa Maurya. Ito ang ating tahanan. Tayo ang may ari ng disyerto at walang sino man ang maaaring umangkin dito.

"MOHANDI DUMARATING ANG MARAMING MGA DRAGON." Sigaw ng isang bantay sa labas ng tolda.

Lumabas sila. Nasa labas sina Astura at Glendo. Sa itaas ay nagliliparan ang mga puti at asul na dragon. Umiikot sila at ang iba ay lumalapag na sa bundok ng Amagi.

"Padala sila ni Edon Mohandi upang tulungan tayo." Sabi ng dambuhalang asul na dragon. Nabuhayan ng loob ang mga pinunong kasama ni Mohandi.

"May papunta na rin ditong mga sampung libong mandirigma na padala ni Rajah Omar. Si Prinsipe Elmar ang mamumuno sa kanila."

"Magandang balita iyan Astura. Sabihin mo kay Edon na maraming salamat. Pasabi na rin sa mahal na rajah ang pagpapasalamat ko."

"Makararating sa kanila Mohandi."

"Mga kaibigan, tayo na muna sa loob para pag-usapan natin kung paano natin ipagtatanggol ang ating bundok."

Sa lambak ay nagtatayo na ng mga tolda ang mga Nomadi. Pinagsama-sama na nila ang kanilang mga alagang hayop. Nakahiwalay ang mga kamelyo at kabayo. Halos may walong libo silang mga Nomadi at wala pa sa kalahati nila ang mga mandirigma.

-----------

Sa malaking bulwagan ng palasyo ng QinChin ay tapos na ang marangyang hapunang handog ni Emperador Xia Shin Lao kay Shimatar. Magkatabi sila ng prinsesa. Halos hindi nakakain ang binata dahil sa dami ng mga tanong sa kanya ng mga ministro, prinsipe at prinsesa tungkol sa kanya. Maraming mga prinsesa ang naiinggit kay Prinsesa Lin Zhen dahil katabi niya ang binata na bagong bihis. Maraming mga opisyal ng militar at mga anak ng mga ministro ang naiinggit din dahil napansin nilang magiliw ang magandang prinsesa sa binata. Hindi rin ito nakaligtas sa paningin ng Emperador na hindi kumikibo.

Nagpaalam ang binata na magpapahinga na dahil maaga siyang aalis kinabukasan. Pinayagan siya ng Emperador at hinatid siya ng mga kawal sa kanyang tutuluyang villa. Naiwan ang prinsesa.

"Mahal na Emperador may napansin akong tila may gusto ang ating prinsesa kay Shimatar." Sabi ni Punong Ministro Tsiao ang ama ni Commander Tsiao. Gusto niya na ang anak niya ang mapiling mapapangasawa ng prinsesa. Matagal na niyang hangaring mapa sa kanila ang trono ng imperyo.

"Napansin ko rin iyan Punong Ministro."

" May tradisyon at batas tayong sinusunod na ang ating mga kababaihan ay para lamang sa ating mga anak na lalake. Isang paglabag ang gagawin ng ating prinsesa kung gusto niya ang banyaga." Sabi ng ministro na bakas sa mukha ang pagka-inis sa kanilang bisitang binata.

The Desert Prince . . .  Shimatar (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon