Part 5 ... Asul na Apoy

24 2 0
                                    


"Asul na Apoy"

Sumikat ang araw at lumiwanag ang ginintuang disyerto. Naglalabasan sa mga tolda ang mga kalalakihang mandirigma ni Mohandi. Naghahanda na ang mga Nomadi upang hanapin si Shimatar. Halos hindi nakatulog sa kahihintay si Leona sa kanyang anak.

"Ano na kaya ang nangyari sa aking anak? Mohandi bilisan ninyo baka kailangan niya ng tulong kung nasaan man siya ngayon."

"Huwag ka ng mag-alala. Paalis na kami nina Adnan. Ang mabuti pa ay maghanda ka ng masarap na pagkain para sa pag-uwi namin ay makakain kaagad ang anak mo."

Naglalagay ng tubig si Mohandi sa kanyang katad na bag.

"Ama saan tayo maghahanap. Parang bulang naglaho si Shimatar. Hindi kaya naligaw siya sa disyerto?"

"Adnan, bihasa na sa disyeto ang kapatid mo. Kahit piringan mo siya ay makaka-uwi siya rito. May nangyaring hindi maganda sa kanya. Bilisan ninyo ni Benzar at lalakad na tayo."

"MOHANDI! MOHANDI! PAPARATING NA SI SHIMATAR!" Isang sigaw sa labas ng tolda ang kanilang narinig. Nagmadali silang lumabas ng tolda.

Lumabas lahat sa mga tolda ang mga Nomadi. Bata, matatanda ay nagsasaya dahil ligtas si Shimatar. Naglalakad ang binatilyo kasabay ang isang napakalaking itim na musang. Pinagmamasdan nila ang malaking itim na musang na matagal nilang kinatakutan. Natatakot pa rin ang mga bata sa musang dahil sa hitsura nito. May mga bumabati sa binatilyo sa pagkakahuli niya sa musang.

Nakita nina Mohandi ang paparating na binatilyo kasunod ang kanyang mga mandirigma. Natuwa si Leona at mabilis na sumalubong sa anak.

"Ina!" Yumakap siya sa ina na maluha-luha at gusto pang maiyak.

"Ano na ang nangyari sayo? Bakit ngayon ka lang umuwi?"

"Ikukuwento ko ho lahat mamaya ina. Ama!"

"Ha ha ha! Sabi ko na nga hindi ka na bata. Kaya mo ng mag-isa. Ang itim na musang! Napaamo mo!"

Yumakap ang binatilyo sa kanyang ama at mga kapatid na nagulat din sa pagkakita sa musang.

"May mga sugat ka Shimatar. Pumasok muna tayo sa loob nang magamot ang mga sugat mo."

Pumasok sila sa loob ng kanilang malaking tolda kasunod ang Shaman at ilang mga pinuno ng mga tauhan ni Mohandi.

"Leona magpahanda ka ng pagkain at tsaa. Shimatar dito ka sa papag at ikuwento mo kung paano mo napaamo ang mabangis na musang."

Umupo sa may papag ang binatilyo. Lumapit sa kanya ang manggagamot ng tribo na may dalang mga botelya ng gamot. Humiga malapit sa papag ang malaking musang. Pinagmamasdan siya ng mga pinunong Nomadi.

Lahat ay umupo ng nakapalibot sa loob ng tolda at na naghihintay sa sasabihin ng binatilyo. Sabik silang lahat na malaman ang ginawa ng binatilyo. Nagsimula siyang magkwento. Lahat ay tahimik na nakikinig.

"Natalo mo ang mabangis na musang ng walang hawak na sandata! Kahanga-hanga ka!" Sabi ng isang pinuno ng mga mandirigma nang matapos ang kwento ng binata.

Kinuha ni Mohandi ang gintong sundang. Natandaan niya noong una niya itong nakitang nakatarak sa likod ng isang itim na dragon. Nag-isip siya. Hindi niya maaring sabihin na nakita na niya noon pa ang gintong sundang dahil malalaman ni Shimatar ang kanyang pinanggalingan na siya ay isang ampon. Tumingin muna siya kay Benzar bago nagsalita.

"Napakaganda ng gintong sundang na ito. Maranyang mandirigma marahil ang may-ari nito." Sabi niya at itinaas pa ang sundang. Hindi kumibo si Benzar na alam din ang sundang.

The Desert Prince . . .  Shimatar (On Going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon