"Velgotha"
Nakita ni Elderon ang pagtusok ng palaso sa likod ni Shimatar. Ang mga mata niya na katulad ng mga mata ng ahas ay pumula ang gitna na dati ay kulay berde. Tumingkad ang kulay dilaw na paligid ng pulang gitna. Tumalim ang tingin niya sa apat na bandidong pumana. Sa kanila nakapokus ang kanyang mga mata. Lumipad siya ng mabilis pababa hanggang sa limang dipa na lang ang taas niya mula sa lupa.
Nilampasan niya sina Shimatar at Rajah Omar Suleiman. Nakita ng mga bandido ang kanyang mabilis na pagdating kaya takbuhan sila palayo kina Shimatar at Rajah. Dinaklot ng dalawang malalaking paa ng dragon ang mga ulo ng dalawang bandido. Iniangat sila mula sa kanilang sinasakyang kabayo. Nagkakawag silang pareho at hinawakan pa ang mga daliri ng mga paa. Tumikom ng mahigpit ang mga ito. Sumigaw sila sa sakit ng lumukot ang suot nilang helmet at sumabog ang kanilang mga ulo.
Tinignan ni Elderon ang dalawa pa na pinabilis ang mga sinasakyang kabayo. Hinabol niya. Naabutan. Kinagat niya ang isa . Nahati ang katawan ng bandido sa may baywang. Naiwan ang kalahati na nakasakay sa kabayong tumatakbo at iniwasiwas pa ang kalahati saka itinapon sa malayo. Lalong pinatakbo ng mabilis ang kabayo ng ika-apat. Hindi ito nakalayo dahil bumuga ang asul na apoy. Nagbaga kaagad ang kalahating katawan ng bandido. Nadamay ang pati ang kanyang kabayo. Kapwa sila nasunog ng buo. Nadamay na rin ang ibang mga bandido na malapit sa bandidong pumana sa Rajah. Nagtatakbuhan ang mga nasusunog na kabayo at ang mga sakay nilang bandido. Nagwala na si Elderon. Bawat makita niyang bandido ay wala ng ligtas ng kanyang poot.
Nakatayo ang Rajah at inaalalayan niyang tumayo ang binatilyo na lumuhod na. Hindi niya napansin ang isang bandido sa kanyang likuran at akmang tatagain siya sa likod. Biglang itinaas ng binatilyo ang gintong sundang at sinundot ang bandido. Dumaan pa ang sundang sa ilalim ng kilikili ng Rajah. Tuhog ang bandido sa tiyan na tumagos sa kanyang likod ang sundang. Pumihit bigla ang Rajah kasabay ng pagwasiwas ng kanyang espada. Tumilapon ang ulo ng bandido.
Nakatayo na si Shimatar. Binunot niya ang sundang sa katawan ng bandidong walang ulo.
"Shimatar!" Muling wika ng Rajah na nag-alala. Hinawakan ng binatilyo ang dulo ng palaso na may sima at binali niya. Tinalikuran niya ang Rajah. Alam na ng Rajah ang gustong ipagawa sa kanya ng binatilyo. Hinawakan niya ang palasong nakatusok sa likod at binali rin. Natira ang kapirasong kahoy na nakabaon sa balikat ng binatilyo. Lumapit ang kanilang mga kabayo at sumakay silang dalawa.
"Salamat kanina. Kaya mo pa ba?"
"Opo kamahalan. ELDERON!" Sumigaw siya. Lumingon sa kanila ang ginintuang dragon at nakita niyang nakasakay na sa kabayo ang binatilyo. Tumango siya at lumipad na ng paitaas.
"Tara Shimatar. Magbilangan tayo ng mga ulo nila. Hiyaaaaaa!" sigaw ng Rajah.
Hinarap na nilang dalawa ang kanilang mga kalaban. Isang espada at isang gintong sundang nanalasa ng husto sa mga bandido. Isang pares na mandirigma na sa bawat madikitang mga bandido ay nahuhulog sa kanilang mga kabayo. Nabinyagan na ng labanan si Shimatar. Nakatikim na siya ng dugo ng kalaban. Lalong naging mababangis ang mga Nomading naka-kabayo nang makita nila kung paano lumaban ang Rajah at ang binatilyo.
Kahit nakikipaglaban ang binatilyo ay panay ang tingin niya sa Rajah . Mabibilis ang pagwasiwas ng Rajah ng kanyang ng espada na may kabigatan. Humanga siya sa Rajah kahit walang hawak na panangga ay walang makasugat man lang sa kanya. Nakikita niya kung paano umiikot ang espada sa kamay at nag-iiba ng direksyon sa pagtaga sa kalaban. Parang tinuturuan siya ng Rajah.
Nararamdaman niya ang pananakit ng kanyang balikat lalo na kapag sumasangga siya sa mga taga ng mga kalaban. Nakikita niya ang ang mga mata ng kalaban bago sila bawian ng buhay ng kanyang gintong sundang. Parang gusto niyang maawa sa kanila.
BINABASA MO ANG
The Desert Prince . . . Shimatar (On Going)
FantasyIto ang kasaysayan ni Shimatar, ang kanyang buhay, pakikibaka, at pag-ibig. Siya ang prinsipe ng malawak disyerto. Isinilang siyang isang Maharlika sa loob ng isang marangyang palasyo pero lumaking mahirap sa disyerto na iba ang kinilalang mga magul...