"Unang Araw ng Pagsasanay"
Lumabas sa makapal na ulap ang dambuhalang pulang dragon. Huminto sa pagkampay ang malalaking pakpak nito. Lumingon sa likuran ang isa sa kanyang mga ulo.
"Malapit na tayo sa isla ng Vergotha. Ayokong lumapit baka makita ako ng ibang mga dragon. Kayo na ang magpatuloy."
Tumayo ang tatlong sakay niya sa likod. Nagbago ang kanilang mga anyo. Naging itim na mga uwak sila. Lumipad ang tatlong Hoodo, mga itim na Shaman.
"Sabihin ninyo kay Prinsipe Wareq na madaliin niya ang paghahanap sa aklat ni Shaman Gondolf. Naiinip na ang panginoon."
Lumipad ang tatlong uwak na itim at bumalik sa Otto si Sokar. Tanaw na ang isla dahil sa liwanag ng buwan.
Sa silid ni Shimatar ay hindi makatulog ang binata mula ng makita niyang muli ang magandang prinsesa. Sa Maurya ay lagi niyang pinagmamasdan sa tuwing nalulungkot siya ang palawit ng kuwintas na bigay sa kanya ng prinsesa. Naalala niya ang halik, ang mga malalambot na labi ni Prinsesa Lin Zhen, ang tanging babaeng mahal niya.
Tumayo siya at lumabas sa balkonahe ng kanyang silid. Tanaw niya sa malayo ang karagatan kahit may mga bundok sa pagitan. Nakatayo ang malaking kastilyo ng Vergotha sa ibabaw ng isang matayog na bundok. Malaki ang loob ng bakuran ng kastilyo na may mataas na batong pader. Napansin niya na may gumalaw sa malawak na hardin. Pinagmasdan niyang mabuti.
Isang babae ang nag-eensayo sa paggamit ng espada ang kanyang nakita, ang mahal niyang prinsesa. Ngumiti siya at tinignan ang gilid na dingding ng kastilyo. May makakapitan siyang mga baging ng mga halaman na tumubo sa dinding. Nangunyapit siya sa mga baging at bumaba.
Hindi niya kaagad nilapitan ang prinsesa. Nagtago muna siya sa likod ng mayabong na mga namumulaklak na halaman. Gusto niyang manood muna. Puting-puti ang suot na damit ng prinsesa. Kay lamyos ng kanyang mga kilos na parang diyosang nagsasayaw sa ilalim ng liwanag ng buwan. Nakakabighani ang kanyang angking kagandahan. Kumikislap ang tangang espada na parang buhay sa kanyang kamay. Mahusay ang prinsesa sa paghawak ng espada ang naiisip niya. Isang lalake ang biglang lumapit sa prinsesa. Sinino niya.
"Mahusay ka pa lang gumamit ng espada Prinsesa Lin."
"Prinsipe Elmar! Kanina ka pa riyan?"
"Kararating ko lang. Nakita kita kasi rito. Magpapahangin sana ako. Ano kaya kung mag-ensayo tayong dalawa?"
"Sige!"
Lumapit ang prinsipe sa dalaga at pareho muna silang sumaludo bago pumorma. Nagsimula silang maglaban. Umupo si Shimatar ng marahan at nanood sa dalawa. Kapwa mabibilis sa pagwasiwas ng espada ang dalawa. Magaganda ang kanilang mga hakbang. Halos parehas sila sa pag-atake at pagsangga. Magaan ang katawan ng dalaga na mataas tumalon. Sinasabayan siya ng prinsipe. Walang gustong magpatalo. Nakikita ng binata sa galaw ni Prinsipe Elmar ang galaw ni Rajah Omar sa paghawak ng espada. Tumagatal ang labanan ng dalawa. Umiikot na ang prinsesa sa kanyang mga pagtaga at pagsangga. Biglang tumilapon ang hawak na espada ng prinsipe ng paikutin ng prinsesa ang kanyang espada.
"Magaling! Talo na ako mahal na prinsesa. Kael!"
Umangat ang espada ng prinsipe at lumipad patungo sa kanya. Hinawakan niya ito sa hawakan.
"May kapangyarihan pala ang iyong espada Prinsipe Elmar."
"Oo. Bigay ito ni Ama. Ngayon ko lang siya nasubukang gamitin."
"Klap! Klap! Klap!"
Pumapalakpak si Shimatar na lumabas mula sa kanyang pinagtataguan.
"Ang galing ninyong pareho."
BINABASA MO ANG
The Desert Prince . . . Shimatar (On Going)
FantasíaIto ang kasaysayan ni Shimatar, ang kanyang buhay, pakikibaka, at pag-ibig. Siya ang prinsipe ng malawak disyerto. Isinilang siyang isang Maharlika sa loob ng isang marangyang palasyo pero lumaking mahirap sa disyerto na iba ang kinilalang mga magul...