ᜃᜊᜈᜆ III

439 30 0
                                    

Mula sa malayong bahagi ng bukirin, ay nagagalak na tinawag ni Lakan ang kanyang ama, na nagsisibak ng mga kahoy gamit ang isang bolo. (Itak)

"Amang Agilan!"

At lumingon sa kanya ang kanyang ama, at nakita nito ang pasan-pasan na baboy-ramo ng anak.

Sa paglapit ni Lakan sa kanyang ama, ay agad nitong ibinaba ang nahuli sa damuhan, at kapos hiningang sinabi,

"Ama... Pagmasdan n'yo ang aking nahuli..."

"A-ang laking baboy-ramo n'yan anak ha?!?"

"Opo ama... Sa tantiya ko, kasimbigat n'ya ang limampung ginto," saad ni Lakan.

At dahil sa labis na galak ng kanyang ama, ay hinaplos-haplos nito ang ulo ng anak habang sinasabi ang mga katagang,

"Napakahusay talagang mangaso nitong aking anak!"

"Kanino pa po ba 'ko magmamana? Eh 'di sa inyo po ama."

"O, siya, handa na ang panggatong."

"Babalatan ko na po ito ama."

"Tutulungan na kita r'yan anak."

"H'wag na po ama, kayang-kaya ko na po ito. Magpahinga na lamang po kayo sa loob ng dampa, at hahainan ko kayo ng pagkain doon," saad ni Lakan.

At nakaramdam ng awa sa kanya ang kanyang ama habang pinagmamasdan nito ang tumatagaktak na pawis ng anak dahil sa pagbabalat ng huli gamit ang isang bolo.

Samantala, sa loob ng isang malawak na silid kung saan mayroong anim na aliping nagpapaypay sa nagpapahingang prinsipe na nakahilata sa isang makaharing kama.

"Sige mga alipin, paypayan n'yo pa 'ko nang paypayan, lakasan n'yo pa, ganyan nga, mahusay!" wika ni Prinsipe Soham, at pumasok sa kanyang silid ang kanyang matandang tagapagbantay na si Amil, at kanyang sinabi sa prinsipe,

"Mahal na Prinsipe, naparito ako upang sunduin ka."

"Yayo Amil, wala bang ilaw ang 'yong mga mata? Nakikita mo namang ako'y nagpapahingalay hindi ba?"

"Naku! Heto nanaman s'ya, tinamad nanaman ang Mahal na Prinsipe..."

"May sinasabi ka ba, Yayo Amil?"

"Mahal na Prinsipe, tila nakalimutan mo nanamang araw ngayon ng Ligid?"

"Ano naman kung araw ngayon ng Ligid?"

"Mahal na Prinsipe, ngayon ang araw ng 'yong pagsasanay sa paggamit ng kampilan, at kasalukuyang naghihintay sa'yo si Maestro Manus sa silid-sanayan."

At bumangon ang prinsipe mula sa pagkakahiga na tila naiinis.

"Yayo Amil! Iparating mo kay Maestro Manus na inaapoy ako ng lagnat, kung kaya't hindi ako makakapagsanay ngayong araw," saad ng prinsipe, at siya'y muling nahiga at pumikit.

"Nalintikan na! Napakasipag talaga ng Mahal na Prinsipe pagdating sa pagpapahinga, tiyak na lagot nanaman ako nito sa Mahal na Hari!"

The Great LakanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon