Nang madaling araw na'y nakabalik si Lakan sa palasyo ng hari lulan ng karo at kabayo. Sa tarangkahan na nasa Kanluran, ay nangagulat ang mga bantay na kawal nang makita siyang duguan, kaya't sila'y nagsipagtanong sa kanya, na nangagsabing,
“Tinyente, ano ang kinahinatnan ng 'yong pag-alis?”
At sumagot si Lakan, na nagsabing,
“Nasa loob ng karo ang pinuno ng itim na pamilihan, na nagsasagawa ng mga lason. Dalhin siya sa Kagawaran ng Katarungan upang ipiit.”
At ang mga kawal ay nangagsiyukod bilang pagsunod sa utos. At ang karo ay kanilang binuksan, at namataan si Barakat, na naka-tali ang mga kamay at paa, at may busal sa kanyang bunganga. At ito'y kanilang ibinaba mula sa karo, at dinala sa Kagawaran ng Katarungan.
At sa tanggapan ni Heneral Manus, kung saan kanyang kinausap si Lakan habang siya'y naka-upo sa mahabang hapag, na naka-suot na ng balabal na pantulog. Kanyang sinabi sa kawal, na naka-tindig sa kanyang harapan,
“Sabihin mong mali ang nasa aking isipan.”
“Kung ang nasa inyong isipan ay ang aking pagsugod sa itim na pamilihan, tama kayo, heneral. Sumugod akong mag-isa upang lipulin sila bilang paghihiganti para sa mga nasawing kawal,” saad ni Lakan. At siya'y lumuhod sa harapan ng heneral. “Humihingi ako ng paumanhin kung itinago ko sa inyo ang aking mga nalalaman hinggil sa kanilang kinaroroonan. Ayoko nang may mag-buwis pa ng buhay nang dahil lamang sa'kin.”
At ang heneral ay tumayo na nagpupuyos sa galit. At sinabi kay Lakan,
“Humahanga ako sa'yong katapangan Lakan, ngunit iyong pakatandaan, na hindi ikaw ang dapat na masunod sa hukbong sandatahan! Isa ka lamang tinyente na dapat sumusunod sa utos ng 'yong heneral! Papaano kung napaslang ka sa labanan?!? Sino ang makasasaksi sa nangyari kung nagkagayon?!? Magiging palaisipan sa aming lahat ang 'yong pagkawala at ang itim na pamilihan ay patuloy na lamang iiral dahil sa'yong pagiging makasarili!”
“Kahit na anong parusa ang ipataw n'yo sa'kin, heneral, tatanggapin ko nang maluwag sa aking dibdib,” saad ni Lakan.
At ang heneral ay napa-buntong-hininga, na wari nahimasmasan. At siya'y muling umupo sa upuan, at sinabing,
“Mangako ka sa'kin, na hinding hindi ka na magkukubli pa ng katotohanan.”
“Pangako, heneral.”
“Ano ang ulat?”
“Kasalukuyan nang naka-piit si Barakat sa Kagawaran ng Katarungan. Sinabi niya, na ang salarin sa panlalason ay isang kawal, ito ay walang iba kundi si Kaan.”
Dahil sa sinabi ni Lakan, ang heneral ay labis na nagulat.
“Ano ang kanyang dahilan, bakit ka n'ya nais paslangin?”
“'Yon ang malaking katanungan sa aking isipan. Tiyak na may nag-utos sa kanya upang paslangin ako.”
Makalipas ang ilang sandali, sa bulwagan ng Kagawaran ng Digmaan, kung saan nagbigay ng kautusan si Heneral Manus sa mga kawal na nangakatindig sa kanyang harapan. Ang sabi ng heneral sa kanila,
“Tugisin ang kawal na si Kaan sa salang tangkang pag-patay kay Lakan!”
At ang mga kawal ay sabay-sabay na tumugon.
BINABASA MO ANG
The Great Lakan
Ficción históricaWarning: This novel contains explicit sex scenes! On the night when the blood moon appeared, the Magalos attacked the capital of Maharlika. The war occurred with the birth of the crown prince Lakan, but he was swapped for a baby boy who was a son o...