ᜃᜊᜈᜆ XXXVIII

181 5 4
                                    

Makalipas ang ilang sandali, si Datu Agar ay pumasok sa dampa. At kanyang namataan si Mandara na lumuluha sa tabi ng bangkay ni Gaman. At ito'y kanyang nilapitan, at hinawakan nang banayad ang magkabila nitong balikat mula sa likuran, at sinabi sa kanyang,

“Tama lamang ang ginawa mo Mandara. Ngayong patay na si Gaman, wala ng sinomang mangangahas na agawin ang aking trono.”

Tuparin mo ang ipinangako mo, Mahal na Datu. Gawin mo 'kong makapangyarihang muli,” saad ni Mandara.

Tumutupad ako sa aking mga ipinangako. Buhat ngayon, isa ka na sa aking mga kalaguyo, ika'y pagmamay-ari ko na,” wika ng datu.

At si Mandara ay kanyang iniharap sa kanya, at mga labi nito'y kanyang hinalikan habang ang dating reyna ay patuloy sa pag-luha.

Nang lumubog ang araw, masayang pinanonood nina Haring Amar at Prinsipe Soham, kasama ang heneral at mga ministro, ang mga babaeng mananayaw sa malaking bulwagan sa labas ng mga gusali sa Kanluran habang sila'y nangakaupo sa mga luklukan sa harapan ng mga umiindak sa saliw ng mga plawta at ng ibang mga panugtog.

Samantala, abala ang mga kawal na nagbabantay sa mga tarangkahan sa pagsiyasat sa mga dumarating na mga panauhin, at sa mga handog na dala-dala ng mga ito. Sa Hilagang Tarangkahan na binabantayan ni Lakan, kung saan nangagsidating ang apat na babaeng mongha, na may suot-suot ng itim na Kwintas ng Mala.

“Malugod pong pagbati sa inyo,” wika ni Lakan, “mangyari lamang na ipakita ang handog para sa Mahal na Hari upang ito'y aking masuri.”

At ipinakita ng mongha ang isang kayumanggi na pulseras, at sinabi kay Lakan,

“Ito ang aming handog para sa Mahal na Hari, ang Pulseras ng Mala. Ito ay naghahatid ng suwerte sa sinumang taong magsusuot nito.”

At sinabi naman ng isa,

“Kami rin ay mag-aalay ng panalangin para sa kalusugan ng Mahal na Hari.”

“Maaari na po kayong pumasok, mangyari lamang na ilagay ang handog sa ibabaw ng hapag sa inyong pagpasok,” saad ni Lakan.

At nangagsipasok ang mga mongha sa tarangkahan.

Samantala, lingid sa kaalaman ng hari, ang pag-alis ni Prinsipe Soham sa harapan ng mga mananayaw. At ang prinsipe ay nagtungo sa mga kawal, na nagmamasid sa bulwagan. At ang isa sa kanila ay tinanong ng prinsipe. Ang sabi,

“Saan naroon si Lakan?”

“Tugon sa Mahal na Prinsipe, nakita ko po si Lakan na nagbabantay sa Hilagang Tarangkahan.”

Palitan mo siya sa pagbabantay, at sabihin mo sa kanyang katagpuin ako sa mga batong haligi,” saad ng prinsipe.

Masusunod po, Mahal na Prinsipe.”

At doon sa pagitan ng mga batong haliging nangakatindig, si Prinsipe Soham ay nakatanaw sa labas niyaon habang hinihintay ang pagdating ni Lakan.

Makalipas ang ilang sandali, si Lakan ay dumating at bumati sa prinsipe.

“Malugod na pagbati, Mahal na Prinsipe, ano po ang aking maipaglilingkod sa inyo?”

“Tayong dalawa lamang ang tao rito Lakan, hindi mo kailangang gumalang nang lubos sa akin,” saad ni Prinsipe Soham. At siya'y lumingon kay Lakan, at napahagikgik.

The Great LakanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon