At makalipas ang ilang sandali, sa malapad na daan sa labas ng mga gusali, kung saan si Lakan ay mag-isang lumalakad patungo sa tarangkahan na nasa Hilagang-Silangan. At kanyang nakasalubong si Heneral Manus, kung kaya't sila'y kapwa napatigil sa paglakad, at si Lakan ay yumukod at bumati sa kanya.
“Malugod na pagbati, heneral.”
“Pagbati rin sa'yo, Lakan. Mabuti't nasumpungan kita, kilala ko na kung sino ang bantay na kawal sa tanggapan ni Palan bago ang nakatakdang pagsasanay ng mga kadete,” saad ni Heneral Manus.
“Sino ang bantay na kawal na 'yon?”
“Si Hasan, sa pagkakaalam ko tapat siyang kawal ni Mandara, ngunit kung hindi si Mandara ang nasa likod ng pananambang, ano ang dahilan ni Hasan at nagawa niyang dayain ang talaan?”
“Marahil kakampi ng dating reyna ang nag-utos sa kanya upang dayain ang talaan.”
“Hindi kaya... ang punong ministro?” tanong ng heneral.
“Pareho tayo ng iniisip heneral, ngunit tanging si Hasan lamang ang makapagpapatunay kung sino ang totoong nasa likod ng pananambang.”
“Agad kong ipatatawag si Hasan upang siya'y aking tanungin.”
“Sasama 'ko sa inyo,” saad ni Lakan, at ito'y sinang-ayunan ng heneral sa pamamagitan nang pagtango ng kanyang ulo.
At lingid sa kanilang kaalaman, ang pakikinig sa kanila ni Salman, na nagkukubli sa likuran ng isang dingding na gawa sa bato. Siya ang kawal na tapat na naglilingkod sa punong ministro.
At sa tanggapan ni Punong Ministro Tehas, kung saan pumaroon ang kawal na si Salman, at kanyang iniulat sa punong ministro na nakaupo sa sarili nitong luklukan,
“Punong ministro, naparito ako dahil sa isang mahalagang mensahe.”
“Ano ang hatid mong mahalagang mensahe?”
“Narinig ko ang heneral na may kausap na kawal sa Silangang palasyo, sila'y naghihinala na kayo ang nasa likod ng pananambang sa mga kadete. Ipatatawag ng heneral si Hasan upang makumpirma rito kung tama ang kanilang hinala.”
At dahil sa kabatirang hatid ni Salman, ang punong ministro ay labis na nabahala, at kanyang sinabi sa kawal,
“May ipaguutos ako sa'yo Salman.”
“Sabihin ninyo punong ministro, at ito'y aking susundin nang walang pag-aalinlangan.”
Samantala, sa harapan ng tarangkahan sa Hilagang-Silangan, kung saan naroon si Hadji na mag-isang nagbabantay sa loob, na animo'y naiinip. At kanyang sinabi sa kanyang sarili,
“Nasaan nanaman kaya si Lakan?”
At sa kanya'y lumapit ang isang kawal, at sinabing,
“Ipinatatawag ka ng Mahal na Prinsipe sa kanyang silid.”
At siya nga'y napangisi sa kawal.
At sa loob ng silid ni Prinsipe Soham, kung saan siya'y nakatindig sa tabi ng higaan nito, nakatingin sa prinsipeng nakahiga, na labis ang pagkagalak.
“Bakit mo 'ko 'pinatawag, anong kailangan mo?” tanong ni Hadji.
At ang prinsipeng nagpapahingalay ay nakangiting tumingin sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Great Lakan
Ficción históricaWarning: This novel contains explicit sex scenes! On the night when the blood moon appeared, the Magalos attacked the capital of Maharlika. The war occurred with the birth of the crown prince Lakan, but he was swapped for a baby boy who was a son o...