ᜃᜊᜈᜆ X

279 21 0
                                    

At si Heneral Manus, ay dali-daliang nagtungo sa silid-tulugan ng dating heneral. At nang sa kanyang pagpasok doon ay kanyang namataan ang mga kawal na nangakatayo sa magkabilang gilid ng kama ng dating heneral, kung saan ito'y nakahimlay doon. At habang papalapit si Heneral Manus sa mga labi ng dating heneral ay nangagsiyuko ang mga kawal at sa kanya'y bumati.

“Pagbati po heneral!”

At ang heneral ay lumuhod sa giliran ng kama ng dating heneral. At marahan niyang hinawakan ang balikat nito habang ang kamay niya'y nanginginig. Napuno ng luha ang kanyang mga mata habang kanyang  pinagmamasdan ang nakapikit na dating heneral.

“Ama...” sambit ng heneral. At tumulo sa kanyang magkabilang pisngi ang luha ng hinagpis. At kanyang ibinaba ang kanyang ulo sa kama ng dating heneral, at doon siya'y tumangis nang tumangis.

At pumasok sa loob ng silid si Malik; siya'y hindi makapaniwala na ang dating heneral ay pumanaw na. Kanyang nilapitan ang kanyang amang tumatangis, at ito'y kanyang inalo sa pamamagitan nang paghimas sa likuran nito. Ilang sandali ang lumipas ay tumayo si Heneral Manus; kanyang pinunasan ang luha sa kanyang mga mata, at siya'y tumingin sa mga kawal, at kanyang sinabi sa mga ito,

Bihisan n'yo na ang heneral. Bukas ay ating ibuburol ang kanyang labi sa bulwagan ng kagawaran.”

Masusunod po, heneral.”

At matapos tapikin ni Heneral Manus ang balikat ng kanyang anak; ito'y dali-daliang lumabas mula sa silid ng dating heneral.

At siya'y sinundan ni Malik sa bulwagan ng Kagawaran ng Digmaan. Namataan niya ang kanyang ama na nakatayo roon, kung kaya't ito'y kanyang nilapitan at tinabihan. Ang sabi ng kanyang ama sa kanya habang ito'y nakatingin sa malayong bahagi ng bulwagan.

“Noong siyam na taong gulang pa lamang ako; dito sa malaking bulwagan ng kagawaran, hinubog ni Heneral Jin ang aking pagkatao. Dito niya 'ko sinanay humawak ng kampilan. Katulad ng ibang magulang sa kanilang mga anak; dinidisiplina niya rin ako sa tuwing nagkakamali ako. Ipinaramdam sa'kin ng heneral, ang pagmamahal na kahit kailan ay hindi ko nakamtan sa tunay kong mga magulang.”

Nakakapanibago, ngayon ko lamang kayo narinig mag-kwento,” saad ni Malik, “si ina naman, walang naikwento tungkol sa inyong nakaraan.”

At isinalaysay ni Heneral Manus sa kanyang anak ang kanyang naging buhay noong siya'y bata pa lamang.

Tatlumpu't taon na ang nakalilipas, sa Siyudad ng Bonbon, (Batangas sa kasalukuyan) kung saan ang datu nila na nagngangalang Malhar ay may bihag na tatlumpu't apat na bata. Dalawampu't isa rito ay mga batang lalaki kabilang na si Manus, at labing tatlo naman sa kanila ay mga batang babae; sila'y mga nag-iiyakan sa loob ng isang madilim na silid maliban kay Manus, na nananahimik lamang sa isang sulok habang ito'y nakaupo sa sahig yakap-yakap ang magkabila niyang binti, hanggang sa pumasok ang nangangasiwa sa kanila na nagngangalang Purab.

Magsitahimik kayo!” sigaw niya sa mga bata. At kanyang napansin ang pananahimik ni Manus. “Bakit hindi n'yo gayahin ang batang 'yon? Tahimik at mukhang masunurin. Ikaw bata! Ano ang 'yong pangalan?!”

At hindi kumibo si Manus. Nananatili itong tahimik sa kanyang kinauupuan.

“Pipe ka ba?! Tinatanong ko kung ano ang 'yong pangalan?! Magsalita ka!”

At nanlilisik na mga matang tumingin si Manus sa tagapangasiwang si Purab. Siya'y nilapitan nito, at itinayo sa pamamagitan nang pag-hila sa kwelyo ng kanyang mahabang damit.

The Great LakanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon