At siya'y nagwika sa kanyang isip, ang sabi,
“Ang pakiramdam na ito ay akin nang naramdaman noong unang beses kong makita ang Kamahalan. Wari isa 'kong bata na matagal nang nawalay sa kanyang ama, at ngayo'y kapiling na niya.”
At nang ang yakap ay kanilang pinakawalan, sinabi ng hari kay Lakan,
“Kung mayroon kang kailangan, huwag kang mangingiming lumapit sa'kin.”
At si Lakan ay humiling sa hari, ang sabi,
“Kamahalan, nais ko po sanang makita ang aking ama.”
“Walang kaso sa'kin, ngayon din ay ipahahatid kita sa mga kawal upang mabisita mo ang 'yong ama.”
“Maraming salamat po sa kabutihan ninyo, Kamahalan.”
At kinalaunan, sa tarangkahan na nasa Silangan, kung saan si Lakan, kasama ang mga kawal na kanyang tagapaghatid, ay nangagsitungo roon. At nang ang tarangkahan ay binuksan ng mga bantay na kawal, sila'y lumabas kasabay nang paglakad ni Prinsipe Soham sa harapan niyaon.
At ang prinsipe ay napahinto sa harapan ng tarangkahan, at nang siya nga'y lumingon doon, ang tarangkahan ay isinasara na, kung kaya't muli silang hindi nagkatagpo ni Lakan. At ang prinsipe ay nagpatuloy sa kanyang paglalakad, at tuluyang nilampasan ang tarangkahan.
At sa silid-pulungan ng mga kasapi ng konseho, kung saan iminungkahi ni Prinsipe Soham sa mga ministro ang kanyang layunin.
“Dahil sa naganap na pagpupuslit sa mga gamot, ang mga pagamutan sa labas at loob ng palasyo ay nakaranas ng kakulangan dito, kung kaya't marami sa mga may sakit ang namatay, marami sa mga bata ang naulila, kaya naman nais kong magtatag ng isang kagawaran, na mangangalaga para sa kanila. Nawa'y makiisa sa'kin ang buong konseho upang ang minimithi kong kagawaran ay maitatag.”
At si Punong Ministro Tehas ay nagsalita, na nagsabi sa kanilang lahat,
“Umpisahan na ang botohan.”
At sa mahabang hapag na kanilang kinauupuan, sila'y binigyan ng mga kawal ng tigi-tigisang papiro at panulat, at ang lahat ng kasapi ng konseho ay nangagsisulat ng kanilang boto. At nang sila nga'y matapos sa pagboto, kanilang ipinakita ang kanilang naging boto sa isa't isa, at karamihan sa kanila, ay hindi sumang-ayon sa nais ng prinsipe.
“Malinaw ang kinalabasan ng botohan, na ang kagawarang minimithi ng prinsipe, ay hindi na maitatatag pa,” wika ng punong ministro, kung kaya't ang prinsipe ay nakaramdam ng pagkamuhi.
At siya'y pinagbulungan ng mga ministrong tumutol sa kanya, na wari baga siya'y tinutuya. At ang prinsipe ay tumayo mula sa kanyang kinauupuan, at kanyang sinabi sa kanila,
“Hindi ba kayo naaawa sa mga batang ulila nang lubos?! Wala na silang ibang mapupuntahan pa! Kinakailangan nila ng kalinga!”
“Huminahon ka, Mahal na Prinsipe, tumutol kami 'pagkat mas marami pang makabuluhang bagay sa bayan ang dapat na paglaanan ng salapi kaysa sa kagawarang ninanais mo,” saad ng isang ministro, “bukod dito, marami namang maginoo r'yan ang maaaring kumupkop sa kanila.”
BINABASA MO ANG
The Great Lakan
Historical FictionWarning: This novel contains explicit sex scenes! On the night when the blood moon appeared, the Magalos attacked the capital of Maharlika. The war occurred with the birth of the crown prince Lakan, but he was swapped for a baby boy who was a son o...