Samantala, sa loob ng dampang tinatahanan ni Agilan, kung saan siya'y naroon sa hapag, nananahi ng kasuutang katulad ng sa isang kawal. At nang ang kasuutan ay nayarî, malugod niya itong pinagmasdan, at sinabi sa sariling,
“Sa wakas, natapos ko na rin ang kasuutan. Madali na 'kong makapapasok sa palasyo upang kaharapin ang punong ministro.”
At dahil sa kanyang gayak, siya'y madaling nakapasok sa tarangkahan na nasa Timog-Kanluran ng palasyo. At sa harapan ng malaking tarangkahan niyaon, siya'y nagtanong sa bantay na kawal.
“Mawalang galang na, ipinatatawag ako ng punong ministro sa kanyang tanggapan, ngunit ito'y hindi ko na maalala kung nasaan. Marahil sanhi na rin ng aking katandaan, maaari mo bang ituro sa akin?”
At ang kawal ay tumuro sa kanyang gawing kanan, at sinabing,
“Matatagpuan n'yo po sa Silangan, ika-apat na pinto sa loob ng Gusali ng Angkatan.”
“Maraming salamat, ginoo.”
At si Agilan ay lumakad patungo sa Silangan habang mahigpit niyang hawak ang hawakan ng kampilang nakasuksok sa kaluban.
At sa loob ng tanggapan ni Punong Ministro Tehas, kung saan siya'y naroon, nakaupo sa sarili niyang luklukan habang abala sa pagbabasa ng mga ulat. At ang pinto ng tanggapan ay bumukas, na umagaw ng kanyang pansin. At kanyang namataan si Agilan, na lumalapit sa kanya. At ito'y huminto sa harapan ng kanyang luklukan. At nang masilayan nang malapitan ang mukha ng matanda, ito nga'y kanyang nakilala.
“Ikaw?” wika ng punong ministro nang may pagkasindak.
“Mapalad ka 'pagkat binuhay ka pa ng mga diwata,” saad ni Agilan, “marahil upang maihayag pa ang katotohanan sa likod ng pagtatangka mo sa buhay ng isang sanggol noon.”
“Papaano mo ako natunton?!”
“Ako lamang ang maaaring magtanong sa'ting dalawa! Bakit mo nais paslangin ang sanggol noon? Sino siya?!?”
At ang hawakan ng kampilang nakakubli sa giliran ng luklukan ay sinimulang hawakan ng punong ministro, at kanyang isinigaw,
“Wala akong dapat na ipaliwanag sa'yo!”
At ang kampilan ay kanyang inilabas kasabay nang paghila ni Agilan sa kanyang kampilan na nasa kaluban.
At silang dalawa ay nagpalitan nang maririing hampas. At nang ang kanilang mga kampilan ay nagkasangga, sila'y nagsukatan nang lakas habang ang mga ngipin nila'y lumalangutngót sa galit.
At nang manaig ang lakas ng pwersa ni Agilan, dahilan upang ang kampilan ng kalaban ay kanyang maitulak, ang kanyang puson ay tinadyakan ng punong ministro, kaya't ang mga paa niya'y napaatras, isang magandang pagkakataon sa punong ministro upang sumalakay. At nang si Agilan nga'y kanyang sinalakay ng kampilan, ito'y naka-iwas, kaya't ang kampilan ay tumama sa mahabang hapag na kinapapatungan ng mga porselana.
At nang sa kanyang pagharap kay Agilan, nagngangalit niyang iwinasiwas ang kanyang kampilan habang ang talim nito'y maingat na iniilagan ni Agilan, isang estratehiya upang ang kalaban ay maubusan ng lakas.
At nang ang punong ministro ay unti-unting bumagal sa kanyang pagkilos, braso nito'y hiniwa ni Agilan, kaya't ito'y napaupo sa sahig habang napasisigaw sa sakit. At mukha naman niya'y sinipa nang malakas, kaya't siya'y napahiga sa sahig nang nagdurugo ang ilong at bibig. At katawan niya'y inupuan, at leeg niya'y tinutukan ni Agilan nang matalim na punyal, na labis ngang nagpasindak sa kanya.
BINABASA MO ANG
The Great Lakan
Ficción históricaWarning: This novel contains explicit sex scenes! On the night when the blood moon appeared, the Magalos attacked the capital of Maharlika. The war occurred with the birth of the crown prince Lakan, but he was swapped for a baby boy who was a son o...