Samantala, nang si Lakan ay pabalik sa tarangkahan na nasa Hilagang-Silangan, ay kanyang nakasalubong sa malapad na daan ang kawal na si Makki, kasama ang dalawa pang mga kawal. At si Lakan nga ay kanilang tinuya.
“Narito pala ang alperes,” wika ni Makki, “ano't ika'y wala sa tarangkahan?!?”
At ang isang kawal na kasama ni Makki ay nagsalita, na nagsabing,
“Marahil nagliliwaliw ang alperes kaya wala siya sa tarangkahan.”
At si Lakan, na animo'y napipikon na sa kanila, ay nagsalita, na nagsabing,
“H'wag n'yo ngang ipinapasa sa'kin ang kaugalian ninyo. Hindi ba't kayo nga ang nagliliwaliw sa oras ng inyong tungkulin.”
At ang isa pang kawal na kasama ni Makki ay nagsalita. Ang sabi,
“Marunong nang sumagot ang baguhang kawal na 'to sa kanyang mga nakatataas.”
Kung kaya't si Makki ay lumapit kay Lakan, at kapwa nila tinignan nang tuwid ang isa't isa.
“Ano ang ipinagmamalaki mo alperes? tanong nito.
“Wala akong ipinagmamalaki, nagsasabi lamang ako ng katotohanan,” saad ni Lakan.
At ang kanyang pisngi ay malakas na sinampal ni Makki, kung kaya't ang kanyang ulo ay napaharap sa kanyang kanan. At sa kanya'y isinigaw ang mga katagang,
“Matuto kang yumukod sa harapan nang nakatataas sa'yo!”
At dahil sa tinuran ng kawal na si Makki, si Lakan ay kanya ngang napangisi. At sa muling pagharap nito sa kanya, ang kanyang mukha ay binigwasan nito nang malakas, na nagdulot nang pagdurugo ng ilong nito.
At nang mahawakan ni Makki ang kanyang ilong, at makita ang dugo sa kanyang mga kamay, kanyang iniutos sa mga kasamahan niyang kawal,
“Hulihin ang lapastangang alperes!”
At si Lakan ay mahigpit na hinawakan ng dalawang kawal sa magkabila niyang bisig. At ang kalubang kinalalagyan ng kampilan, na nakasukbit sa baywang ni Makki, ay kanyang tinanggal. At ang hawakan ng kampilan na gawa sa kahoy, ay kanyang inihambalos sa mukha ni Lakan nang maraming beses, na nagdulot nang labis na pagdurugo ng ilong at mga labi nito.
At siya'y sapilitang iniluhod ng dalawang kawal sa lupa habang ang ulo nito'y nakalaylay. At ang buhok nito'y mariing hinila ng kawal, kung kaya't ang ulo nito'y napatingala, at siya'y napatingin kay Makki, na ngumingisi sa kanya.
“Ngayon mo ilabas ang kahambugan mo, alperes,” wika nito.
Ngunit si Makki ay tinawanan lamang ni Lakan, at sa kanya'y sinabi nito,
“Ayoko na lamang palakihin 'to kaya hindi na 'ko lumaban pa, ngunit ang totoo n'yan, kayang-kaya ko kayong pagbuhuling tatlo.”
At sa labis na pagkamuhi ni Makki, si Lakan ay malakas niyang tinadyakan, kung kaya't ito'y sumubsob sa lupa, at kanilang pinagtulungang sipain. At mula sa dulong bahagi ng daan, sila'y namataan ni Heneral Manus.
“Anong ginagawa ninyo?!?” sigaw ng heneral.
“Ang heneral, tumakbo na tayo!” wika ng isang kawal, na may malakas na tinig.
At nang ang heneral ay tumakbo patungo sa kanila, sila nga'y nangagsitakbuhan papalayo. At ang heneral ay napahinto sa kinahihigaang lupa ni Lakan, at siya'y lumuhod sa tabi nito.
BINABASA MO ANG
The Great Lakan
Historical FictionWarning: This novel contains explicit sex scenes! On the night when the blood moon appeared, the Magalos attacked the capital of Maharlika. The war occurred with the birth of the crown prince Lakan, but he was swapped for a baby boy who was a son o...