ᜃᜊᜈᜆ XXIX

294 11 0
                                    

At nang ang yakap ay pinakawalan ni Prinsipe Soham, pisngi ni Lakan ay lumuluha niyang hinawakan, habang mukha nito'y malungkot niyang pinagmamasdan.

“Sana isang pangkaraniwang tao na lamang din ako, upang ang pag-ibig ay malaya nating maiparamdam sa isa't isa,” wika ng prinsipe.

“H'wag n'yong sabihin 'yan, may dahilan kung bakit kayo ang hinirang na prinsipe, naniniwala ako, na magiging isa kayong magiting na hari sa hinaharap,” saad ni Lakan. At siya'y umatras nang tatlong hakbang papalayo sa prinsipe. At kanya ngang iniyukod ang kanyang ulo rito. “Muli, binabati ko kayo sa nalalapit n'yong pakikipag-isang-dibdib.”

At si Lakan ay tumalikod kasabay nang muling pagtulo ng kanyang luha. At kanyang tinahak ang dulong bahagi ng mga batong haliging nangakapaligid.

“Pakiusap Lakan, lingunin mo 'ko, balikan mo 'ko upang ako'y iyong hagkan at yakapin, at sabihin sa'kin ang salitang iniibig kita,” lumuluhang wika ng prinsipe habang kanyang tinatanaw ang paglisan ni Lakan, ngunit ito'y hindi na nagbalik pa, hanggang sa siya'y tuluyan na ngang nawala sa paningin ng prinsipe.

Samantala, sa tanggapan ni Heneral Manus, kung saan siya'y mag-isang nakaupo sa mahabang hapag, na wari malalim ang iniisip. Hanggang sa pumasok si Prinsesa Hulan sa kanyang tanggapan, at nang ito nga'y kanyang masilayan mula sa kanyang kinauupuan, siya'y mabilis na nagsulat sa papiro upang magmukhang abala sa paningin ng prinsesa. At ang prinsesa ay lumapit sa heneral, at siya'y tumindig sa harapan nito.

“Hindi kita nakita sa bulwagan, maaari ko bang malaman, kung bakit hindi ka dumalo sa pagpapahayag ng aming pag-iisang-dibdib ng prinsipe?”

Nakikita mo namang ako'y abala, hindi ba?!”

At sinilip ng prinsesa ang papirong sinusulatan ng heneral, at kanyang sinabi,

“Walang kabuluhan ang sinusulat mo, ito'y puro guhit lamang. Kaya sabihin mo sa'kin heneral, bakit hindi ka nagpunta sa bulwagan?”

At ang plumang panulat ng heneral, ay mariin niyang inilapag sa ibabaw ng hapag na lumikha ng ingay. At siya nga'y tumingin sa prinsesa.

“Nais mo ba talagang malaman kung bakit hindi ako nagtungo sa bulwagan?!” tanong ng heneral, na may malakas na tinig. At siya'y tumayo sa kanyang kinauupuan at lumapit sa prinsesa. “Sapagkat lubos lamang akong masasaktan! Alam kong sa oras na maging isa ka ng reyna, mawawalan na 'ko ng karapatang hawakan ang 'yong mga kamay, yakapin ang 'yong katawan, at halikan ang 'yong mga labi. At mas lalong wala akong karapatang sabihin sa'yong iniibig kita!”

At dahil sa sinabi ng heneral, ang prinsesa ay lumuha. At sa kanya'y sinabi ng heneral,

“Umalis ka na, Mahal na Prinsesa, h'wag mo na 'kong muling pupuntahan sa'king tanggapan kung hindi naman mahalaga ang 'yong pakay.”

At ang heneral ay tumalikod mula sa kanya, at sa kanya'y sinabi ng prinsesa habang ito'y lumuluha,

“Masaya kong malaman, na ako rin ay iniibig mo heneral. Hindi mo man tuwirang sinabi, ipinaramdam mo naman sa'kin ang 'yong wagas na pagmamahal.”

“Labis ang aking panghihinayang, 'pagkat ang ating pagmamahalan ay hanggang dito na lamang,” saad ng heneral, “pakiusap umalis ka na, kalimutan na natin ang isa't isa, upang sa gayon, tayo'y makapagpatuloy sa panibagong kabanata ng ating buhay.”

The Great LakanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon