Kita sa mga mata ni Sumairu ang lungkot habang hinihintay ko ang sagot niya sa tanong ko. Naistorbo kaming dalawa nang tumunog ang cellphone sa bulsa ko.
"Wait lang," paalam ko.
Pinanood ko ang pag-akyat niya patungo sa sariling kwarto. Bumuntong-hininga ako bago tumingin sa cellphone ko. Naramdaman ko ang matinding kaba nang makitang ang magulang ko ang tumatawag.
"Pa, kumusta po?" pagsisimula ko.
Lumabas ulit ako ng bahay hawak pa rin ang plastik.
"Maayos lang kami, ikaw? Nakapagpadala na ulit ako sa bank account mo nang pandagdag sa tuition, isang libo at limang daan."
Ikinuyom ko ang kamao ko at tumango. Sumagot ako, "Sige po, Pa. Salamat po. Mag-iingat po kayo palagi."
"Oo. Ayos lang ako. Mas malakas pa ako sa kalabaw. Ay siya, mag-iingat ka at mag-aral ng mabuti."
"Opo, Pa. Ikumusta n'yo na lang ako kay Prinsesa at Mama."
"Oo. Hindi mo na kailangan ng scholarship, anak. Kayang-kaya kong pag-aralin ka, Grant."
Nag-igting ang panga ko. Ayaw kong magsinungaling pero wala akong choice. Makakatulong itong ginagawa ko sa pamilya ko.
"Opo, Pa."
Pagkatapos ng tawag ay dumeretso na ako sa taas. Dinaanan ko ang opisina ni Sir Fabellar. Huminto lang ako nang tawagin ako ng nasa loob.
"Grant, come here," tawag sa akin ni Sir Fabellar.
Iniwan ko ang plastik na dala ko sa pinto ng kwarto ni Sumairu at pumasok sa opisina.
"Magandang gabi po," bungad ko.
Inilahad ni Sir Fabellar ang upuan sa harap niya. Lumunok ako. Halata ang stress at pagkabalisa ng nasa harap ko dahil siguro kay Sumairu.
"How's Sumairu at the event?" pagsisimula ni Sir Fabellar.
Tipid akong ngumiti. Pinagsalikop ko ang mga palad ko.
"Ayos lang siya, Sir. Sinamahan ko po siya ro'n. Pasensya po at hindi po ako nagkapagpaalam."
"It's fine. I would like to extend my apologies for what happened a while ago. I was preoccupied with my duties in the company that I forgot my family. Thank you as well."
Tumango ako at tipid na ngumiti. Nagwika ako, "Hindi naman po sa nanghihimasok. Kung pwede po sana ay kausapin n'yo si Sumairu sa tuwing may oras kayo. Kayo na lang po ang pamilya niya, mahalaga po sa kanya na nararamdaman niya ang presensya n'yo."
"Hmm. I'm aware that I'm lacking with that, son. Thank you for reminding me."
Hindi rin nagtagal ay pinalabas na rin ako sa opisina. Kinuha ko ang plastik sa pinto ng kwarto at pumasok sa loob. Nakita ko si Sumairu sa desktop niya at naglalaro na naman.
Bumuntong-hininga ako bago ibinaba malapit sa lamesa niya ang plastik ng alak na binili ko sana para sa 'ming dalawa. Nakita ko pa ang saglit na pagsulyap niya sa ginawa ko pero hindi na nagbigay ng komento.
Nagdesisyon na lang akong mag-aral para sa recit bukas. Isinalansan ko ang mga modules sa harap ko at nagsimulang magbasa. Tanging ang pagpindot ni Sumairu sa mouse at keyboard nito ang napapakinggan sa kwarto niya. Nakakabingi ang katahimikan kaya nawala ako sa pokus. Sanay na 'kong maingay ang barkada ko sa tuwing nag-aaral kaya ngayong tahimik ay hindi ako lalo makapag-focus. Hindi sa nagrereklamo ako, nakababahala lang.
Lumingon na naman ako kay Sumairu. Hindi ko na mabilang kung nakailang baling ako para i-check siya. Natapos na ako at lahat sa gawain ko ay naglalaro pa 'rin siya.
BINABASA MO ANG
Don't Cry, Sumairu
Romance'I always dedicate my novels to the biggest thing that has happened in my life. "Ikaw". Grant me a wish, and don't cry, Sumairu.' -- Grant Asuncion is a twenty-one-year-old creative writing major who's passionate about becoming a known writer someda...